ANG MGA ALIPIN (ONE-ACT PLAY).doc
-
Upload
henry-nadong -
Category
Documents
-
view
164 -
download
0
description
Transcript of ANG MGA ALIPIN (ONE-ACT PLAY).doc
“ ANG MGA ALIPIN ”
(Dulang May Isang Yugto)
Sinulat ni Matang-Lawin
__________________________________________________
TAGPUAN : Isang maliit na silid-tulugan sa Dubai.
PANAHON : Kasalukuyan.
(Madilim ang tanghalan sa pagsisimula ng dula. Ang maririnig lang ay mahina at
malamyos na paksang himig ng dula. Maya-maya pa’y magsasalimbayan ang mga tinig ng
pagdadasal ng mga Muslim na karaniwang nangyayari sa mga bansa ng Arabo. Ang mga
tinig ay tila nanggagaling sa mga “loud speakers” na karaniwang kaugalian sa mga bansang
Arabo. Tatagal ito ng ilang sandali. Pagkaraan ng ilang sandali’y dahan-dahang
magliliwanag sa isang bahagi ng tanghalan kasabay ng dahan-dahan ding paglalaho ng
pagdadasal. Ang liwanag ng ilaw ay nakatutok lang sa gitnang bahagi ng tanghalan at
walang ibang makikita doon kndi ang isa sa mga pangunahing tauhan ng dula – si CRIS, 40-
45 taong gulang.
Nakaupo si Cris sa tabi ng isang maliit na mesa. May mug ng kape sa kanyang
harapan. Makikita ang tila kalungkutan sa mukha ni Cris.
Magbabalik-alaala si Cris. Ang parteng ito ng dula ay magsisilbing “Prologo” at ang
kabuuan ng dula ay isang mahabang “pagbabalik-tanaw” o “Flashback”. Bukod sa
pagbibigay ng liwanag, ang ilaw na tumatanglaw kay Cris ngayon ang s’yang magbabadya ng
panahong kasalukuyan.)
Page 1 of 32
CRIS
Simula na naman ng Ramadan, ang itinuturing na pinaka-banal na panahon ng mga Arabo at
Muslim bilang pag-aalala sa paglalakbay ng kanilang propetang si Mohamad at ang pagbibigay
sa kanya ni Allah ng Banal na Kasulatan – ang Koran.
Ganitong panahon din, dalawang taon na ang nakakaraan, nang huli kaming magkausap ni Bert.
Dapit-hapon din noon at umaalingawngaw sa papawirin ang nagsasalimbayang pagdadasal ng
mga Muslim. Kakapagbihis ko lang din noon kagaya ngayon galing sa upisina nang dumating si
Bert sa maliit at masikip na silid na ito.
Tatlo lang naman kaming naging matatalik na magkaibigan. Iba’t iba nga ang aming
pinanggalingan sa Pilipinas at hindi magkakakilala ngunit pinagtagpo at pinagkaisa ng iisa
naming pangarap at mithiin dito sa Dubai. Daig pa naming tatlo ang tunay na magkakapatid sa
pagtutulungan. Magkakasama kami sa hirap at ginhawa. Sabi nga ng iba naming mga kakilala’y
para daw magkakadugtong ang aming mga bituka dahil halos hindi kami magkahiwa-hiwalay.
Kung magkakasama kami noong pare-pareho pa lang kaming naghahanap at umaasa ng
pagdating ng pinakahihintay na pagkakataon upang maisakatuparan ang aming mga pangarap,
lalo pang tumibay ang aming pagkakaibigan at samahan nang magkaroon na kami ng kanya-
kanyang trabaho.
Ang maliit at masikip na silid na ito ang naging piping saksi sa paghabi namin ng aming mga
pangarap para sa aming mga sarili, anak, asawa, kapatid at mga pinakamamahal sa buhay. Dito
umusbong ang mga panibagong pag-asa, dito dahan-dahang naisakatuparan ang mga dating
pangarap. Napuno ang silid na ito ng mga halakhak ng tuwa ng tagumpay at mga impit na dasal
ng pagsusumamo at hikbi ng kalungkutan at pangungulila sa mga sandali ng pagkagapi at
panghihina.
Page 2 of 32
Dati-rati’y puno ng mga kapwa namin Pilipino ang silid na ito, mga manggagawa ring kagaya
namin na nagbabaka-sakaling makapagtrabaho at kahit konti ay makabahagi sa kayamanan ng
bansang ito para sa mga umaasang magulang, asawa at mga anak sa Pilipinas. Para kaming
iisang pamilyang sama-samang nagsusumikap at hindi alintana ang pagsisiksikan sa maliit at
masikip na silid na ito dahil mas mahalaga ang katuparan ng mga mithiin. Ang maliit at masikip
na silid na ito ay nagsilbing paraiso ng mga pagal na katawan mula sa maghapong pagtatrabaho
sa mala-impyerno sa init na disyerto o mga construction sites katumbas ng biyayang nakalaan at
hinihintay ng aming mga mahal sa buhay na iniwan sa Pilipinas, biyayang magpapatapos sa pag-
aaral ng aming mga anak, pambayad sa pagkakautang ng aming mga pamilya, pagpapagawa ng
mga nasirang bahay dahil sa bagyo, pambili ng mga gamit na maaaring paglibangan upang kahit
sandali’y makalimutan ng aming mga naiwan ang kahungkagan dahil sa aming pagkawala at
paglayo sa kanilang piling. Sa silid na ito lalong nabuo ang isang matalik na pagkakaibigan na
nagsilbing isang matibay na bigkis sa aming tatlo nina Bert at Mike.
Ngunit ang lahat nga’y may katapusan.
(Sa pagtatapos ng “prologo” ay dahan-dahang magliliwanag ang buong tanghalan.
Sa pagliliwanag ay tuluyang makikita ang kabuuan ng lugar na pangyayarihan ng dula.
Agad makikita ang tatlong “double deck beds” na karaniwang ginagamit ng mga bedspacers
sa Maynila man o kahit sa Dubai. Isasaayos ang mga nasabing kama upang maipakita ang
maliit at masikip na silid – nasa magkabilang bahagi ang dalawa sa mga kama at nasa may
paanan naman ang isa pa. Maglalagay lang ng maliit na puwang sa pagitan ng paanan ng
dalawa sa mga kama bilang s’yang daan patungo sa pinto ng silid.
May mga kabinet na plastic sa iba’t ibang dako ng silid na lalong nagpasikip dito at
makikita rin ang mga nakasampay na damit. Ang mga kama sa ibaba naman ay may
Page 3 of 32
nakasabit na kumot sa tagiliran na silbing pantabing. Ang ibabaw ng tatlong kama ay may
mga nakapatong na maleta at iba pang gamit upang maipaalam sa mga manonood na wala
nang gumagamit ng mga ito. Ilang nakatiklop na “folding beds” ang makikita rin sa kundi
ma’y ibabaw ay sa gilid ng mga kama upang maipahayag na dati’y marami ang nakatira sa
silid na ito gaya ng sinabi ni Cris.
Ilang sandali ang lilipas at maya-maya pa’y papasok ang isa pang tauhan ng dula – si
BERT, halos kasing-edad ni Cris.
Mabagal ang paghakbang at pagkilos ni Bert. Haggard ang kanyang anyo at parang
pagod na pagod. Ngunit higit na mababanaag ang lungkot sa mukha ni Bert kesa sa kung
anupaman.
Didiretso si Bert kanyang kama – ang kamang nasa tapat ng mesang kinaroroonan ni
Cris. Uupo si Bert. Magsisimulang maghubad ng sapatos.)
BERT
Kanina ka pa?
CRIS
Kararating-rating ko lang. Si Mike, kumusta?
BERT
Nakalipad na. Alas-diyes kaninang umaga nang lumipad ang eroplano. Mga alas-sais o alas-
siete ng gabi ang dating n’ya sa Pilipinas.
CRIS
(malungkot) Natuloy din s’ya.
BERT
Oo, pagkatapos ng halos isang linggong paghihintay.
Page 4 of 32
CRIS
May naging problema ba kanina?
BERT
Wala. Maayos ang mga ipinakita naming dokumento kaya dire-diretso na s’ya sa eroplano.
CRIS
Kumain ka muna. May natira pa akong ulam kaninang almusal. Hindi na ako nakapagluto at
hindi ako nakadaan sa grocery. Ang dami kasing pinatapos sa akin sa upisina kaya hindi agad
ako nakauwi.
BERT
Mamaya na. Wala akong gana.
(Sandaling katahimikan.)
CRIS
Sino’ng mga naghatid?
BERT
Ako lang at ‘yong isang inhenyero. Pero marami s’yang nakasabay. Mga kapwa din natin
Pilipino na magsisiuwi na ng Pilipinas dahil kundi man natapos ang kanilang mga kontrata o
tinanggal sa trabaho dahil sa pagbabawas ay nagsipagsara ang kumpanya. Kagaya rin ng mga
dating kasamahan natin dito.
CRIS
Kaya nga bukas, pumasok ka na at baka mapasama ka pa sa bilang ng mga natanggal. Dadalawa
na nga lang tayo dito, baka maiwan pa akong mag-isa. Ilang araw ka na ring hindi pumapasok
mula noong…
Page 5 of 32
BERT
Pinayagan naman akong mag-leave ng isang linggo. Naintindihan nila. Wala naman kasing
mag-aasikaso at ibang aasahan si Mike.
CRIS
Pasens’ya ka na at hindi man lang kita nasamahan.
BERT
Ito ang mahirap sa kalagayan nating mga Pilipino dito sa Dubai. Lalo na kung wala kang
kaibigan man lang o kamag-anak. Pag nagkasakit ka, wala man lang mag-aasikaso sa ‘yo. Pag
malungkot ka, wala ka man lang maiyakan. Pag nagipit, wala ka man lang matakbuhan para
hingan ng tulong. Kahit pa sabihing napakadami nating Pilipino dito. Para kasing nakasama pa
na sobrang dami na natin dito. Kaya ang palagay natin, nasa sarili pa rin tayo, nasa Pilipinas
lang. At gaya nang pag nasa Pilipinas tayo, kanya-kanya at walang pansinan. Bahala ka sa
buhay mo.
CRIS
Di kasi ako pinayagan ng amo ko nung magsabi ako. Madami raw dapat ayusin. Pasens’ya na.
(Di magsasalita si Bert.) Siguradong apektado ang kumpanya n’yo sa pagkawala ni Mike.
BERT
(malungkot na iiling) Anong apektado? Cris, tayong mga trabahador ay mga piyesa lang ng
isang napakalaking makinarya na pag nasira o nawalan ng silbi’y madaling itapon at palitan.
CRIS
Hindi pangkaraniwang trabahador si Mike. Project Engineer s’ya at isa sa mga magagaling na
inhenyero ng kumpanya n’yo.
Page 6 of 32
BERT
At isa rin lang s’ya sa libo-libong tao ng kumpanya. Hindi pag-aaksayahan ng panahon ng
kumpanya ang isang tao kung masasakripisyo ang milyong nakasalalay sa project. Walang puso
ang negosyo, Cris… dito man o kahit saan.
(Sandaling katahimikan.)
CRIS
Paano nga pala ang mga gamit ni Mike?
BERT
Ipinagbilin sa akin ng asawa. Di lang ako nakabili ng kahon kanina. Aayusin ko na bukas nang
maipadala na sa Pilipinas.
CRIS
Kumusta naman ang asawa ni Mike? Alam na ba ng mga anak n’ya?
BERT
Hindi pa masabi noong asawa n’ya. Hindi n’ya alam kung paano sisimulan at kung paano
sasabihin. Naubos nga ang load ko sa halos kalahating oras naming pag-uusap kahapon. Hindi
‘yon dahil sa dami ng aming napag-usapan kundi dahil sa maya’t mayang pag-iyak nung asawa.
Gulong-gulo ang isip at hindi malaman kung sino ang sisisihin sa nangyari.
CRIS
Ang ibig bang sabihin ay…? Mabibigla ang mga anak nila pag nalamang…
BERT
Mas maganda na ‘yong malaman na lang bigla pag nandoon na kesa naman pahirapan pa ang
mga sarili sa paghihintay.
Page 7 of 32
CRIS
Sabihin mo lang sa akin kung magkano ang magagastos sa pagpapadala mo ng mga gamit ni
Mike. Ako na lang ang magbabayad. Pinakatulong ko na sa kaibigan natin.
BERT
Kahit hindi mo sabihin, Cris, talagang ikaw ang hihingan ko ng tulong para maipadala ang mga
gamit n’ya. Di na naman kami pinasuweldo. Pa-dalawang buwan na ito. Ang sabi’y di pa rin
daw nagbabayad ang contractor namin. Kundi lang mahirap maghanap ng trabaho sa mga
panahong ito at kundi lang ako nahihiya kay Mike dahil s’ya ang nagpasok sa akin, matagal na
akong lumipat ng ibang mapapasukan.
CRIS
H’wag kang mag-alala. Naiintindihan ko. At h’wag mo na ring problemahin ang bayad mo sa
renta. Ako na muna’ng bahala doon.
BERT
(parang di narinig si Cris.) At wala pa ring linaw kung kelan kami susweldo at kung ilang
buwan pa kaming ganito.
CRIS
Maswerte ka pa rin at may trabaho ka, Bert.
BERT
(mapapatingin kay Cris.) Ano’ng ibig mong sabihin?
(Titindig si Cris. Pupunta sa kanyang kama. Kukuninang isang papel. Iaabot n’ya
‘yon kay Bert. Sandaling babasahin ni Bert ang nakasulat.)
BERT
Termination notice?
Page 8 of 32
CRIS
Ibinigay kaninang umaga noong amo ko. Isang buwan na lang ako sa kumpanya. (Malungkot
na mapapangiti at pipiliting magbiro.) Mapupudpod na naman ang sapatos ko sa paghahanap
ng trabaho kagaya noon. (Iiling) Kapipirma ko pa lang ng bagong kontrata at heto tinatanggal
na.
BERT
Kung ganoon, mas kailangan mo ang pera. H’wag mo na lang akong intindihin. Mag-a-advance
na lang ako sa kumpanya.
CRIS
H’wag na. May naiitabi pa naman ako. Saka hayaan mo na lang na matulungan ko rin si Mike
kahit papaano. ‘Yong sa renta naman natin, ikaw na lang ang bahala sa akin pag naubos ang
ipon ko’t wala pa akong trabaho.
BERT
Ano ba’ng nangyari? Di ba bago lang ‘yong kumpanya n’yo dito sa Dubai, sabi mo? At ang
kwento mo’y mga Brazilian ang may-ari.
CRIS
Kagaya rin ng iba pa. Inabutan at nasagasaan ng recession. At dahil bago, hindi naisara ang
kauna-unahan sanang kontrata. Pinabalik-balik lang kami nung Arabong kausap. Siguro dahil
sa bagong kumpanya nga at wala pang pruweba kaya ayaw pagkatiwalaan ng malaking proyekto.
BERT
Hindi pa ba sapat na pruweba ‘yong mga nagawa na ng kumpanya mo sa Brazil? Dun sa mga
ipinabasa mo sa amin ni Mike tungkol sa kumpanya n’yo, malaking pangalan na sila sa Brazil, di
ba?
Page 9 of 32
CRIS
Para ka namang bago nang bago sa mga Arabo dito. Hangga’t hindi sila ang nakakaranas at
nakakakita ng ginawa mo, hindi mo sila makukumbinsi. Di mo rin naman sila masisisi dahil
alam naman nating milyon ang halaga ng pagpapatayo ng mga buildings dito. At lalong wala
tayong magagawa dahil hawak nila ang pera.
BERT
Sayang.
CRIS
Talagang nakakapanghinayang. Ang taas pa naman ng sweldo ko. Sa ibang kumpanya, hindi
tatanggap ng limang libo isang buwan ang pangkaraniwang Clerk na kagaya ko. Bukod pa doon,
maayos ang pakikitungo ng mga amo ko sa aming mga hindi nila kalahi. May diskriminasyon
din kahit papaano pero hindi naman kasing-grabe kagaya sa ibang kumpanya.
BERT
Di hamak palang mas maganda ‘yong kumpanyang pinanggalingan mo. Ni-renew mo na lang
sana ang kontrata mo noong matapos ‘yong tatlong taong kontrata mo sa kanila. Mababa nga
lang ang sweldo pero hindi naman nagsasara.
CRIS
Oo nga e. Di na nga ako nagbakasyon dahil sinamantala ko ang makapasok agad sa
kumpanyang ito pero wala rin pala. Pero maswerte pa rin ako.
BERT
Paano mo nasabing maswerte ka e napasama ka na nga sa bilang ng mga tinanggal sa trabaho?
Para namang hindi mo alam ang kalagayan at batas dito. Sa mga kagaya mo, dalawa lang ang
pamimilian – umuwi ng Pilipinas o mag-exit nang mag-exit sa loob ng anim na buwan at
Page 10 of 32
manalangin na paulit-ulit na makakuha agad ng visit visa para sa isang buwan na pananatili dito
at h’wag na namang maisipan ng immigration na maghigpit sa mga binibigyan ng visa. Ikalawa,
kung maswertehan ka namang makakuha agad ng trabaho, hahanapan ka naman ng No Objection
Certificate mula sa dati mong kumpanya. Swerte mo kung bibigyan ka. At mabigyan ka man,
may labor ban ka pa rin sa loob ng anim na buwan. Mabuti nang mabuti kung babayaran ng
kumpanya mo ang halaga para alisin ang labor ban o kaya ay kung may pambayad ka mismo.
Kung hindi mo kayang bayaran at ayaw ding bayaran ng bagong kumpanya mo, wala ring
mangyayari. Kung ayaw mong umuwi ng Pilipinas, anim na buwan kang magpapakalat-kalat
dito sa Dubai nang walang kita at diretso ang gastos sa pag-exit at pagrerenta ng bahay na
tinitirhan mo pwera pa ang gastos sa pagkain.
CRIS
Doon nga ako swerte dahil napakiusapan ko ang mga dating amo ko na h’wag munang i-cancel
ang visa ko hangga’t di ako nakakakita ng bagong mapapasukan. At kung kailangan ko raw ng
No Objection Certificate, sabihan ko lang daw sila at bibigyan ako. Mababait naman sila.
BERT
Kung mabait sila, hindi ka nila tatanggalin.
CRIS
Hindi naman nila kagustuhan na magtanggal ng tao. Napilitan lang magbawas dahil sa
recession. Kahit naman ‘yong malalaking kumpanya napipilitang magbawas, di ba? ‘Yong iba
nga nagsisipagsara pa. At hindi lang naman dito sa Dubai. Kahit sa Amerika, ganito rin.
Mabuti nga ‘yong kumpanya mo at hindi nagbabawas ng tao.
Page 11 of 32
BERT
At hindi rin nagpapasweldo. Kaya gustuhin ko man sanang sabihin na magbaka-sakali kang
mag-apply sa kumpanya namin, ayoko. Dahil baka madamay ka lang sa nangyayari sa amin. At
sa tingin ko pati’y mahihiya naman silang kumuha pa ng tao ganitong ni hindi na nga sila
makapagpasweldo.
CRIS
May pinag-aplayan na ako. Nakausap ko ‘yong isang Pilipinong nagtatrabaho sa H.R. ng isang
kumpanya sa Deira. Pinadala ko na sa email ‘yong C.V. ko. Tamang-tama daw at naghahanap
sila ng Administrative Assistant. Malamang daw na makuha ako dahil sa karanasan ko. ‘Yon
nga lang, baka hindi daw maibigay sa akin ang dati kong sweldo. Ayos lang ‘yon. Sana
matanggap ako agad. Malapit na naman ang enrollment sa atin. Siguradong mataas ang
babayaran ko kesa noong nakaraang taon dahil Third Year na ‘yong anak ko. Kung sabagay,
pupwede pa naman ‘yong naipon ko. Pero ang iniisip ko ay ‘yong mga susunod na buwan.
Siguradong hindi tatagal ‘yong konti kong naipon para sa tuition n’ya at allowance nina nanay at
tatay.
BERT
At ipanalangin mo rin na hindi tuluyang magsara ang kumpanya mo. Kung hindi, tiyak na ika-
cancel nila ang visa mo. Kalakaran at batas ‘yon dito. Higit sa lahat, basta siguraduhin mo lang
na ‘yang pinag-aaplayan mo’y hindi kagaya ng kumpanya namin na hindi marunong
magpasweldo.
CRIS
Ngayon lang ‘yan, Bert. Malay mo sa susunod na buwan e pasahurin na kayo.
Page 12 of 32
BERT:
Sana nga dahil inaalala ko ‘yong pamilya ni Mike lalo na ‘yong apat n’yang anak. Pare-pareho
nang nag-aaral ang mga ‘yon. Mabuti sana kung may trabaho rin ‘yong asawa at kahit papaano
ay makakatulong ang kinikita n’ya. Pero wala rin e. Kaya nakikini-kinita ko na ang mangyayari
lalo na’t ni wala man lang naiuwi si Mike. Pati severance pay na kadalasan ay s’yang inaasahan
nating mga Pilipino dito sa Dubai, wala. Ang katwiran kasi ng kumpanya, wala pa s’yang isang
taon. Kaya ‘yong huling sweldo na lang n’ya ang inaasahan kong maiipadala sa pamilya n’ya sa
Pilipinas. Ang tanong lang ay kung kailan ibibigay. Kung wala sanang pamilya si Mike kagaya
ko, solong katawan, wala sanang problema. Kawawa ang mga anak n’ya pag nagkataon.
CRIS
Kahit naman siguro papaano’y may naipon sina Mike at ang asawa n’ya. Sa tinagal ni Mike sa
pagtatrabaho dito, imposibleng wala.
BERT
‘Yan nga ang isa pang ikinaiyak ng asawa noong magkausap kami. ‘Yong kinunan nila ng
educational plan ng mga anak nila, nagsara na. Ang daming naghahabol pero mukhang malabo
sa ngayon kung maiibalik pa ang mga perang ibinayad ng mga tao. Kaya mas malamang, matigil
sa pag-aaral ang mga anak ni Mike. (Iiling.) Alam mo kung minsan naiisip ko, bugbog na
bugbog na tayo sa problema pero wala pa ring tigil sa kadadating.
CRIS
Lilipas din ito, Bert. Nalusutan nga natin ‘yong panahong pare-pareho tayong naghahanap ng
trabaho at pare-parehong wala e, ngayon pa ba natin di makakayanan ang mga ganitong
pagsubok?
BERT
Page 13 of 32
Ewan ko. Kung minsan ayoko nang mag-isip at baka kung ano pa ang maisipan kong gawin para
matapos na lang lahat.
(Sandaling matatahimik ang dalawa.)
CRIS
(Mapapangiti. Tila may maaalala.) Naaalala mo ba noong una tayong magkakila-kilala ni
Mike?
BERT
(Mangingiti rin) Makakalimutan ko ba naman ‘yon? Sa eroplano pa lang papuntang Kish
Island sa Iran kung saan tayo i-exit kasabay ang iba pang Pilipino, ang gugulo na nating tatlo.
CRIS
At panay ang pambobola ni Mike dun sa stewardess kaya panay rin ang silbi sa atin ng meryenda
kahit ni wala pa yatang isang oras ang lipad ng eroplano mula Dubai hanggang Kish.
BERT
At ang galing n’ya sa pambobola ay nakatulong din sa atin ng malaki noong halos isang buwan
tayo sa Farabi Hotel na bukod sa tambakan at takbuhan ng mga Pilipinong kagaya nating paulit-
ulit ang pag-exit ay poultry pa ng surot!
CRIS
Hindi nga lang s’ya nakalusot doon sa mga taga-hotel para makakuha ng discount at mabawasan
ang kulang-kulang na dalawang libong dirham na babayaran ng bawa’t isa sa halos isang buwan
nating paghihintay ng visit visa doon, madalas naman tayong malibre ng pagkain doon sa kainan
sa may likod ng hotel na ang kusinero’t mga nagsisilbi ay puro Pilipino dahil sa husay ni Mike sa
pakikisama.
Page 14 of 32
BERT
Na kung hindi man malibre dahil nakabantay ang may-aring Iranian, dadamihan naman ng ulam
at pagkain na ibinibigay sa atin!
CRIS
At noong mabuko ng may-ari ‘yong kusinero at mga waitress sa ginagawa nilang pagpapakain sa
atin ng libre at pagbibigay ng maraming pagkain, si Mike din ang nang-uto dun sa mga Iranian
na bantay sa internet shop para pahiramin tayo ng pambingwit at nang may makain tayo.
BERT
Pero ang totoo’y mas marami pa tayong nahingi dun sa ibang Pilipino maraming huli dahil sa
naawa sa atin at maghapon na tayo’y wala pa ring mahuli kahit man lang dilis!
(Magtatawanan sina Bert at Cris.)
BERT
Wala na siguro tayong makikitang kaibigan na kagaya ni Mike.
CRIS
Ibang klaseng tao, ibang klaseng kaibigan!
BERT
Kung iba-iba lang si Mike, siguro’y humiwalay na s’ya sa atin noong magkatrabaho s’ya. Pero
hindi ganoon ang nangyari. Halos isang taon din n’yang sinagot ang renta natin dito sa kwarto
para h’wag lang tayong maghiwa-hiwalay.
CRIS
Hinding-hindi ko makakalimutan ‘yon. Kung tutuusin nga’y parang inampon na n’ya ako noong
panahong wala akong trabaho. Pati pamilya ko’y nadamay sa kabutihan n’ya. Noong tanggihan
ko ang alok n’yang tulong na pampadala sa mag-ina ko dahil nahihiya na ako sa kanya, hinanap
Page 15 of 32
hanggang sa makuha n’ya ang address ko sa Pilipinas pati ang pangalan ng asawa ko. At
nalaman ko na lang noong minsan na tumawag ako sa aking asawa’t sinabing natanggap na n’ya
‘yong ipinadala ko samantalang wala naman akong naiipadala.
BERT
Hindi talaga madamot si Mike. Materyal na bagay man, pera o pagkakataon, hindi n’ya
ipagkakait sa ‘yo. Ibang-iba s’ya sa mga kapwa natin Pilipinong nakilala ko dito. Karamihan sa
kanila, kanya-kanya. Sa trabaho naman pag may nanira sa ‘yo sa mga amo, malamang kesa
hindi, kapwa mo Pilipino. Pero si Mike, iba. Nang malamang nangangailangan ng driver ang
kumpanya n’ya noon, ako agad ang inirekomenda n’ya. Nagulat na lang ako noong isama n’ya
ako at interbyu na pala ‘yong pupuntahan ko.
CRIS
‘Yon na nga e. Kaya pangit mang isipin, ipinagpasalamat kong tatlo lang kaming Pilipino sa
kumpanya.
BERT
Hindi na nga yata maaalis sa ugali nating mga Pilipino ang inggit. Luma na ngang marinig ang
pagiging parang talangka natin e. Ayaw nating may kababayan tayong nakakaangat. At ‘yong
umaangat na ‘yon, pipilitin nating hilahin pababa.
CRIS
Tama ka d’yan, Bert. Pero sa isang banda, hindi ko rin naman lubos na masisisi ang iba nating
kababayan sa ganyang ugaling paghila pabalik sa ibaba. Alam mo kung bakit?
BERT
Bakit?
Page 16 of 32
CRIS
Isa rin kasi sa hindi natin maalis na ugali ang kayabangan e. Pansinin mo. Pag ang isang
Pilipino ay umaangat, sa halip na manghila s’ya ng mga kababayan pataas, tinatadyakan pa n’ya
pababa ‘yong mga umaakyat para wala s’yang maging kaagaw o karibal sa puwesto. Ugaling
talangka pa rin ‘yon, Bert. Dahil kung titingnan mo sa ibang anggulo, hindi kaya ‘yong sinasabi
nating nanghihila pababa ang sa totoo’y nakikiusap o kaya man ay nagmamakaawa sa nasa itaas
na hilahin sila pero itinutulak lang sila pabalik sa kanilang kinalalagyan?
BERT
Kaya nga ibang-iba si Mike. Ginamit n’ya ang kanyang talino at galing para makatulong.
Napabilib n’ya sa husay n’ya ‘yong mga amo sa unang kumpanya kaya naman nung irekomenda
n’ya ako na maging tao n’ya, hindi s’ya nagdalawang-salita. At nung matapos ‘yong tatlong
taon naming kontrata, ganundin ang ginawa n’ya dito sa bagong kumpanya. Binitbit pa rin n’ya
ako. Hindi ko alam na habang nakabakasyon pala s’ya sa Pilipinas ay gumagawa na s’ya ng
paraan para sa akin at kinakausap na ang mga bagong amo. At siguro dahil nalaman na nila ang
galing ni Mike, nagawa n’ya ang gusto n’yang mapasok ako sa kumpanya n’ya bilang driver. At
hindi lang ako, Cris. Halos lahat ng mga Pilipinong kasama namin ngayon sa kumpanya, si
Mike ang nagpasok.
CRIS
Naranasan din kasi ni Mike ang hirap ng buhay dito sa Dubai kaya siguro ganoon na lang ang
kagustuhan n’yang makatulong.
BERT
At hanga ako sa sipag n’ya. Engineer na s’ya at mataas na kahit papaano ang puwesto pero
itinuloy pa rin n’ya ang pagsasanay at pag-aaral ng kung anu-ano na ayon sa kanya’y pandagdag
Page 17 of 32
din ng kaalaman. Wala naman daw masama at mawawala. At higit sa lahat, walang pinipiling
trabaho.
CRIS
‘Yan ang madalas kong marinig sa kanya. Trabaho naman daw kasi ang ipinunta n’ya dito sa
Dubai. Kaya kung may nag-aalok ng trabaho, tanggapin. Mas mabuti na daw ang kalahating
tinapay kesa wala. H’wag na lang daw munang isipin ang laki o liit ng sweldo. Ang mahalaga
daw ay kailangang gusto mo ang trabaho. Pag gusto mo ang trabaho, tiyak na pagbubutihin mo.
Pag nangyari ‘yon, tiyak na mapapansin ka at kasunod nang dadating ang gantimpala sa
pagsisikap at galing na ipinamalas mo. Sabi pa n’ya sa akin noon, kung hindi ko raw aalisin sa
isip ko ang aking pamilya at ang kagustuhan kong mapaganda ang buhay nila, hindi ako
magdadalawang-isip na pasukin ang kahit anong trabahong tutupad ng mga pangarap ko sa
kanila.
BERT
At hinding-hindi ko s’ya nakitang sumuko. Kahit na noong panahong tayong dalawa’y
nasisiraan na ng loob dahil sa tinagal-tagal na natin dito’y wala pa tayong mapasukan.
CRIS
‘Yon ang pinaka-inspirasyon ko. ‘Yon ang ginagaya ko. ‘Yong tapang at tibay ng loob n’ya.
Pag pinanghihinaan na ako ng loob noon dahil mag-iisang taon na ako’y wala pa akong
nakikitang trabaho, tinitingnan ko na lang si Mike. Pinagmamasdan ko na lang ang kasiglahan
n’ya. At s’ya yata ang taong ang tingin sa problema’y pangkaraniwang pagsubok lang at
ordinaryong pangyayari sa araw-araw na hindi dapat pansinin.
BERT
Mabuti ka pa.
Page 18 of 32
CRIS
(mapapatingin kay Bert) Ha?
BERT
Mabuti ka pa at hanggang ngayon ay napapalakas pa ang loob mo ng mga nakita mong
halimbawa kay Mike.
CRIS
Ganoon ka rin naman, di ba? Sa ating tatlo, ako na yata ang may pinakamahinang loob.
BERT
Suko na ako, Cris.
(Mabibigla si Cris sa narinig. Sandaling hindi makakapagsalita.)
CRIS
Nalulungkot ka lang sa pagkawala ng kaibigan natin kaya mo nasasabi ‘yan.
BERT
Hindi. Ayoko na dito.
CRIS
Ngayon ka pa aayaw kung kailan limang taon na tayo dito? Kung may dapat umayaw, ako ‘yon
dahil ako ang mawawalan ng trabaho samantalang ikaw ay may kontrata pa. May inaasahan ka
pa rin. E ako?
BERT
Ayoko na dito.
CRIS
Nalulungkot ka lang, Bert. Pareho lang naman tayo ng nararamdaman e. Sa tagal nang
ipinagsama-sama nating tatlo pati na rin ‘yong mga kabutihan sa atin ni Mike, hindi natin s’ya
Page 19 of 32
basta na lang makakalimutan. Pero lilipas din ito. Masasanay din tayong hindi na natin s’ya
nakikita at nakakasama. Kung pagtutuunan lang natin ng pansin ang ating pagtatrabaho…
BERT
Hindi mo naiintindihan. Hindi ang pagkawala ni Mike ang dahilan.
CRIS
May iba pa bang dahilan bukod dun?
BERT
Ayoko na dito.
CRIS
Dahilan ba ‘yan?
BERT
Sapat nang dahilan kung iintindihin mo.
CRIS
Hindi ko nga maintindihan. At kung maintindihan ko man, saan ka naman pupunta kung aalis ka
dito?
BERT
Uuwi na lang ako ng Pilipinas.
(Matatahimik si Cris. Maya-maya ay ngingiti. At ang ngiti’y mauuwi sa halakhak.)
BERT
(magtataka) Ano’ng nakakatawa sa sinabi ko?
CRIS
(titigil sa pagtawa) Sa loob ng napakahabang panahon na magkakasama tayo, ‘yan ang
pinakamalaking kalokohan na narinig ko sa ‘yo, Bert!
Page 20 of 32
BERT
Hindi ako nagbibiro!
CRIS
Kundi ka nagbibiro at seryoso ka, baka naman nababaliw ka na? Ganyan ba ka-tindi ang epekto
sa ‘yo ng pagkawala ni Mike at nasiraan ka na ng ulo?
BERT
Ano ang kabaliwan sa sinabi ko?!
CRIS
Hindi ba maiituring na kabaliwan ang bumalik ka sa isang lugar na wala ka namang maaasahan?
Ano’ng mapapala mo sa Pilipinas? Para ka namang hindi nakakapanood ng balita. Mula noong
umalis tayo hanggang ngayon, ang tanging ipinagbago ay ‘yong lalong paglubog ng kalagayan
ng ekonomiya natin. Ipinangangalandakan ng mga namumuno na tumaas ang antas ng
ekonomiya pero tumaas din ang bilang na mga nagugutom!
BERT
Mas gugustuhin ko nang makipagsapalaran sa sarili kong bayan kesa dito!
CRIS
Kung noon nga’y hindi natin napaangat ang ating buhay doon, ngayon pa kaya?! Ano’ng
gagawin mo dun? Babalik ka sa pagmamaneho ng dyip? Paano kung walang magtiwala sa ‘yo
kagaya ng dati? Ano’ng gagawin mo?! Ibibilang mo na lang ang sarili mo sa mga taong walang
trabaho hanggang sa makaisip gumawa ng masama para mabuhay? Ganun ba ang gusto mo,
Bert?!
BERT
Bahala na.
Page 21 of 32
CRIS
Hindi na pwede ang katwirang ‘yan sa kalagayan ng ating bansa, Bert. Aaminin kong ako ma’y
gumamit din noon ng salitang ‘yan bilang pagpapahayag ng pag-asa sa pagkakataong maaaring
naghihingtay pa sa akin paggising ko kinabukasan. Pero may pag-asa pa ba sa Pilipinas ngayon?
May naghihintay at natitira pa bang pagkakataon para sa atin kung ang karamihan nga sa ating
mga kababaya’y tuluyan nang nawawalan ng pag-asa?
BERT
Hindi ako nawawalan ng pag-asa.
CRIS
Maling pag-asa, Bert. Dahil kung totoong may natitira pang pag-asa para sa atin at para sa ating
mga pamilya, bakit kailangan pang umalis at makipagsapalaran ang marami nating kababayan
kahit sa mga bansang mapanganib puntahan? Bakit kailangan pa nilang isugal ang sariling
buhay mismo para kumita? Dito, dito sa kinaroroonan natin, nandito ang pag-asa, Bert! Nandito
ang lahat ng pagkakataon para kumita. Nandito ang pera. Konting tiis lang ang kailangan, Bert.
Konting tiis lang.
BERT
Tama na ang ipinagtiis ko. Ang kung ako ang tatanungin mo, mas baliw ang mga kagaya mong
nagpupumilit mabuhay sa isang bansan kahit kailan ay hindi ka tatanggaping isa sa kanila! Mas
kabaliwang maituturing ang paniniwala natin sa ibinabansag ng ating gobyerno sa atin na mga
bagong bayani raw ngunit ang totoo’y mas pinahahalagahan nila ang kanilang kinikita sa ating
mga ipinapadala kesa sa ating kapakanan!
CRIS
Hindi kabaliwan ang sikaping maabot ang pangarap para sa iyong pamilya!
Page 22 of 32
BERT
Kahit nasa Pilipinas ka, kaya mong abutin ang pangarap mo kung talagang gugustuhin mo!
Kung talagang pagsisikapan mo! Tingnan mo ang sarili mo. Naabot mo na ba ang pangarap mo
para sa pamilya mo sa loob ng limang taong pagtatrabaho natin dito? Palagay ko’y hindi pa.
Dahil kung hindi, matagal ka nang umuwi sa Pilipinas!
CRIS
Iba ang sitwasyon ko sa kalagayan mo!
BERT
Iba lang marahil ang pangangailangan natin pero iisa pa rin ang mithiin! Teacher ka, di ba?
Pero ang katwiran mo noon ay nagbaka-sakali ka dito upang maipagamot ang asawa mo.
Nagbaka-sakali ka dito dahil kulang na kulang ang kinikita mo sa pagtuturo para mabili ang mga
kinakailangang gamot ng asawa mo. Natupad mo ba?! Nakamatayan na n’ya ang pangarap mo,
di ba?! Ni hindi mo na nagawang umuwi para makita man lang s’ya sa huling pagkakataon, di
ba?!
CRIS
Halos isang taon akong hindi nakapagtrabaho! ‘Yon ang dahilan kaya hindi ko natupad
pangunahing dahilan ng pagpunta ko dito!
BERT
Ngunit hanggang ngayon ay nandito ka pa rin! Nagtitiis ng lungkot! Ng hirap!
CRIS
Dahil may anak pa ako at magulang na umaasa sa akin! Magkaiba tayong dalawa, Bert! Hindi
mo kagaya, may kailangan pa akong gampanan at gawin! Nawala man ang aking asawa, may
anak at magulang pa akong dapag asikasuhin! Hindi mo ako kagaya!
Page 23 of 32
BERT
(malumanay) Mali ka, Cris. May tungkulin din ako sa sarili ko. May pangarap din akong gusto
kong matupad.
(Sandaling katahimikan.)
CRIS
Kung ganoon, bakit kailangan mong umalis?
BERT
Sa loob ng limang taong pagtatrabaho ko bilang driver, pakiramdam ko’y tumigil na ang mundo
ko. Wala na akong pinupuntahan. Hindi mo lang alam, hindi n’yo lang nakikita ni Mike ang
paghihirap ng loob ko dahil pilit kong ikinukubli ‘yon ng mga tawa sa ating mga
pagkukuwentuhan at pagbibiruan. Mag-isa na lang ako sa buhay pero higit kong naramdaman
ang pangungulila at pag-iisa noong makarating ako dito at maranasan ang buhay sa ibang bansa.
Hindi n’yo lang alam ang napakaraming gabi na hindi ako dalawin ng antok dahil sa kalungkutan
sa kabila ng pagod ng katawan sa maghapong pagtatrabaho sa mala-impyernong init ng lugar ng
paggawa. Kung hindi ko siguro kayo nakilalang dalawa ni Mike, baka hindi na ako makakaabot
kahit man lang isang taon dito. Pero kagaya mo, kumuha rin ako ng lakas ng loob kay Mike. Sa
mga sandali ng kalungkutan, sa kanya ko nakikita ang panibagong pag-asam ng magandang
bukas, ng pag-asa sa isang maginhawang buhay pagdating ng ilang panahong pagtitiis at
pagsusumikap, ang pagkakatupad ng matagal nang pinapangarap pagkatapos ng pag-iipon mula
sa kinita sa pagtatrabaho ng ilang panahon, ng ilang taon. Simple lang naman ang pangarap ko,
Cris. Tama na sa akin ang makapagpundar ng kahit isang ari-arian na matatawag kong sa akin,
sarili ko, makapagpatayo ng kahit maliit na negosyong pagkukunan ko ng ikabubuhay hanggang
sa huling sandali ko dito sa mundo. Mula pa sa pagkabata’y hindi na ako nakatikim ng
Page 24 of 32
kaginhawahan. Halos lumaki ako sa pagpapalimos at sa piling ng ibang taong ni hindi ko
maituturing na magulang. Bangketa at kung saan-saang kalye ang nagsilbing bahay ko.
Ipinagpapasalamat ko na lang na hindi ako nahila sa uri ng buhay na kadalasang pinupuntahan
ng mga kagaya ko. Ang may-ari ng dyip na minamaneho ko ang dahilan kaya ako nakapunta
dito. Hindi ko pa rin matatawag na tulong ang ginawa n’ya dahil ilang taon ko ring binayaran
ang ipinautang n’yang panggastos sa pag-aasikaso ko ng papeles sa ahens’ya ng kumpare n’ya.
Gusto ko lang matupad ang pangarap ko. ‘Yon at ‘yon lang tanging dahilan kaya nagawa kong
magtagal dito. Pag-asa lang ang dahilan kaya natiis ko ang pamumuhay ng parang isang alipin.
CRIS
Kahit kailan, ang isang alipin ay hindi binabayaran. Ngunit dito, ang luha, dugo, pawis, pati
sipon na tumulo mula sa ‘yo, Bert, lahat ‘yan, binabayaran!
BERT
Hindi matutumbasan ng anumang halaga ang paghihirap ng loob, ang pangungulila, ang lungkot.
Naging alipin ako ng kalungkutan. Naging alipin ako ng aking sariling pangarap. Ayoko nang
magpakaalipin, Cris! Ayoko nang magpakaalipin katulad ng iba pang Pilipinong kagaya natin na
tinitiis ang lungkot ng pag-iisa, patuloy na sinisikil ang kagustuhang muling makasama ang kani-
kanilang pamilya at mga mahal sa buhay dahil sa kagustuhang kumita ng malaki. Pero naisip na
kaya natin ang kagustuhan ng ating mga mahal sa buhay, Cris? Mas gugustuhin kaya ng ating
mga anak na magpasasa sa mga biyaya kesa makasama sa kanilang paglaki ang kanilang ama?
Mas sasaya kaya sila sa mga mamahaling laruan, mga damit at kung ano pang mga bagay na
ipinapadala natin kesa sa ligayang mararanasan ng isang anak habang nakakapit s’ya sa kamay
ng kanyang ama sa kanilang pamamasyal? Ikaw, Cris… sa palagay mo ba’y mas ginusto ng
Page 25 of 32
asawa mo na mapalayo ka sa kanya at hanggang sa huli’y di na n’ya nakita upang mayakap man
lang bago mapatid ang kahuli-hulihang hibla ng kanyang buhay?
CRIS
Pareho kaming nagpasya. Hindi ko sinarili ang desisyon.
BERT
Ipagpalagay. Pero ibig bang sabihin noon ay maluwag din sa loob n’ya ang pagpayag na malayo
ka sa kanya?
CRIS
Gusto pa n’yang mabuhay! Gusto n’yang gumaling para makasama pa kami ng aming anak
kahit man lang ilang panahon pa!
BERT
Pero hindi natupad, Cris. Nabigo ka sa pangunahing dahilan ng pagpunta mo dito.
CRIS
Dahil hindi agad ako nabigyan ng pagkakataon!
BERT
Kung ganoon, hindi sagot ang pagtitiis natin dito para matupad ang ating mga pangarap gaya ng
paniniwala mo.
CRIS
Hindi ibig sabihin ng unang pagkabigo ang habang buhay nang di pagkakatupad ng pangarap, ng
habambuhay nang pagkabigo! Ang kailangan lang ay patuloy na pakikibaka sa mga pagsubok at
hindi pagsuko na parang isang duwag kagaya ng nakikita ko sa ‘yo!
Page 26 of 32
BERT
Hindi karuwagan ang hangaring lumaya!
CRIS
Kahirapan lang ang piitang kinakukulungan mo, natin, ng mga kagaya natin! At dito, dito, Bert,
narito ang susing magbubukas ng kulungang kinalalagyan natin! Narito ang susi ng ating
kalayaan, ng ating mga anak, ng ating mga pamilya, ng ating mga mahal sa buhay, ng ating mga
sarili!
BERT
Sa limang taon natin dito, Cris… nakamit mo na ba ang kalayaang sinasabi mo?
(Hindi agad makakapagsalita si Cris. Matatahimik silang dalawa ni Bert. Lalakad si
Bert papunta sa kinaroroonan ng kama ni Mike. Kukunin n’ya mula sa ibabaw, sa itaas ng
kama ang isang maleta. Ipapatong n’ya ito sa kama ni Mike at bubuksan. Pagkatapos nito’y
sisimulan na n’yang ligpitin ang mga gamit ni Mike. Ang matitiklop na gamit ay ilalagay
n’ya sa maleta ni Mike.)
CRIS
Kung kasama lang natin si Mike, tiyak na kahit s’ya ay hindi sasang-ayon sa ‘yo. Tiyak na siya
ang unang-unang pipigil sa binabalak mo.
BERT
(Titigil sa kanyang ginagawa si Bert. Tila galit itong biglang babaling kay Cris.) ANG
PROBLEMA NGA’Y WALA NA SI MIKE! WALA NA S’YA! PATAY NA S’YA! AT
AYOKONG MAPAGAYA SA KANYA! AYOKONG MAMATAY NANG NAG-IISA SA
ISANG BANSANG NI HINDI MAN LANG MAGLULUKSA O MANGHIHINAYANG SA
Page 27 of 32
PAGKAWALA KO! NAIINTINDIHAN MO BA AKO?! AYOKONG MAPAGAYA KAY
MIKE!!!
(Matatahimik si Cris. Nakatingin lang s’ya kay Bert. Para namang nanghihinang
mapapaupo si Bert. Kitang-kitang ang kalungkutan sa kanyang mukha.)
Dalawampung minuto lang ang pagitan ng minamaneho n’yang kotse ng kumpanya at ang
minamaneho kong service van ng mga empleyado, Cris. Masayang-masaya pa s’ya nang
maghiwalay kami noong hapon na ‘yon. Tuwang-tuwa pa n’yang ibinalita sa akin ang
itinawag sa kanya ng asawang magtatapos daw sa high school bilang valedictorian ang
kanilang panganay na anak. Damang-dama ko ang kanyang pagmamalaki noong
magkausap kami. Nakadagdag pa sa katuwaan n’ya ang pagpayag ng kumpanya na
makauwi s’ya sa Pilipinas upang dumalo sa pagtatapos ng kanyang anak. At hindi ko
maintindihan kung bakit sa kauna-unahang pagkakataon ay minaneho n’ya ang kotseng ‘yon
samantalang dati-rati nama’y sa van s’ya sumasakay kasama ng iba pang empleyado ng
kumpanya. Bago umalis ay pinagbilinan pa n’ya akong umuwi agad pagkahatid ko sa mga
empleyado at magsi-celebrate daw tayo. Ibo-blow out daw n’ya tayo. Magpapainom daw s’ya
para sa kanyang anak. (Titigil. Parang hirap na hirap sa pagpigil ng damdamin.)
Dalawampung minuto lang ‘yon, Cris. Malayo pa lang kami doon sa madalas naming daanan ay
nakita ko na ang pagkakagulo ng mga tao, ng mga pulis na nakapalibot sa pinangyarihan ng
aksidente. Di ko pa man nakikita ang nangyari’y para nang may tumadyak agad sa dibdib ko.
At nakita ko nga ang kotseng kanina lang ay minamaneho ni Mike. Wasak na wasak ang kotse
habang ang truck na nakabangga sa kanya’y halos hindi nagurlisan. Isang tingin pa lang sa ayos
ng kanina’y sinasakyan ni Mike ay agad mo nang iisipin na walang mabubuhay. Hindi ko na
namalayan kung paano ko itinigil ang aking minamaneho at kung paano ako nakalabas. Basta
Page 28 of 32
nakita ko na lang ang sarili ko na nakatingin sa nakalatag na katawan ni Mike ilang metro mula
sa kinaroroonan ng kotseng nabangga. Tumilapon ang katawan ni Mike sa lakas ng
pagkakabangga. Naghahalo na sa kalye ang langis ng makinang nawasak at ang dugo ni Mike.
Halos hindi mo na s’ya makikilala dahil wasak ang kalahati ng kanyang mukha. Ngunit
humihinga pa si Mike! Buhay pa s’ya ng mga sandaling ‘yon!
PERO… PERO NI WALA MAN LANG TUMUTULONG SA KANYA!!! (Tuluyan nang
mapapaiyak.) SA DINAMI-DAMI NG MGA PULIS NA NAKAPALIBOT SA LUGAR NG
AKSIDENTE, NI ISA’Y WALANG KUMILOS PARA ISUGOD MAN LANG S’YA SA
OSPITAL! AT ALAM MO BA, CRIS… ISANG TAO NA NAGPAKILALANG DOKTOR
ANG NAGTANGKANG TUMULONG! PERO ALAM MO BA ANG GINAWA NG MGA
PULIS? PINIGILAN NILA ANG DOKTOR, CRIS! KAILANGANG HINTAYIN DAW ANG
AMBULANS’YA AT MGA AWTORISADONG RESCUE WORKER UPANG S’YANG
MAG-ASIKASO KAY MIKE!!! ‘YON DAW ANG BATAS DITO! BUHAY NA ANG
NAKATAYA NGUNIT MAS PINAHALAGAHAN PA ANG BATAS AT KALAKARAN!!!
AT KITANG-KITA KO, CRIS… KITANG-KITA KO ANG MATINDING PAGDARAMDAM
SA MUKHA NI MIKE BAGO N’YA DAHAN-DAHANG IPIKIT ANG KANYANG MGA
MATA!
Dalawampung minuto lang, Cris… dalawampung minuto lang ang kailangan upang ang lahat ng
pangarap, pagsasakripisyo, mithiin, pagmamalaki, pag-asam, galak at buhay ay tuluyang
maglaho. Dalawampung minuto lang ang kailangan ni Kamatayan upang sa isang iglap ay
maglaho ang lahat!
AYOKONG MAPAGAYA KAY MIKE! AYOKONG MANGYARI SA AKIN ANG
NANGYARI SA KANYA! AYOKONG MAMATAY SA GITNA NG MGA NAKAPALIBOT
Page 29 of 32
NA TAONG WALA KAHIT KATITING NA PAGDARAMDAM SA AKING PAGKAWALA!
AYOKONG ANG AKING KAMATAYAN, MALAGIM MAN O HINDI, AY MAGING
ISANG PANGKARANIWANG PANOORIN LANG NG MGA TAONG WALANG
PAKIALAM KUNG SINO AT KUNG ANO AKO! AYOKONG UMUWI SA AKING BANSA
KAGAYA NI MIKE NA NAKASILID SA ISANG KABAONG NA DI MAAARING
BUKSAN UPANG KAHIT SA HULING SANDALI’Y MASILAYAN MAN LANG NG MGA
KAKILALA’T KAIBIGAN! AYOKONG MAMATAY SA BANSANG ITO!!!
(Isang napakahabang katahimikan ang susunod. Dahan-dahang maririnig ang
malamyos na paksang himig. Lalakad si Cris papunta sa mesang kinaroroonan sa
pagsisimula ng dula. Parang nanghihina itong mapapaupo. Si Bert naman ay mananatili sa
kanyang kinaroroonan, sa kama ni Mike. Hindi s’ya kumikilos bagama’t patuloy pa rin ang
pagpatak ng kanyang luha.
Dahan-dahan ay magdidilim ang buong tanghalan maliban sa may dakong
kinaroroonan ni Cris kagaya rin sa pagsisimula ng dula. Ito ang hudyat ng pagtatapos ng
“flashback” at ang pagbabalik sa kasalukuyang panahon.
Makikita ang matinding kalungkutan sa mukha ni Cris. Kitang-kita ang paghihirap
ng kanyang kalooban.)
CRIS
Ilang linggo pa mula nang maiuwi ang bangkay ni Mike sa Pilipinas ay umalis na rin si Bert.
Gusto kong sabihin na hindi ko na s’ya napigilan. Ngunit hindi ko kayang lokohin ang aking
sarili upang bigkasin ang mga katagang ito. Ang totoo’y wala na akong lakas upang pigilan s’ya
sa kanyang balak na pag-uwi sa ating bansa. Mula noon ay wala na akong nabalitaan sa kanya.
Hindi ko alam kung nasaan s’ya o kung ano na ang nangyari sa kanya.
Page 30 of 32
Hanggang ngayon ay gusto ko pa ring papaniwalain ang aking sarili na mali si Bert at tama ako.
Ngunit iyon nga ba ang totoong isinisigaw ng aking damdamin? Hindi ko alam.
Paminsan-minsan ay sumasagi sa aking alaala ang aking matatalik na kaibigang sina Mike at
Bert. Gusto kong hanapin si Bert. Gusto ko s’yang tanungin. Gusto kong makita ng aking
sariling mga mata na tama nga s’ya, na hindi lang ang ibang bansa ang makakapagbigay sa ‘yo
ng pagkakataon upang tuparin ang iyong mga pangarap. Gusto kong makita ang katibayan ng
kanyang pagsisikap, ang pagkakatupad ng kanyang mga pangarap, na s’yang magpapatunay sa
katotohanan ng kanyang sinabing hindi na kailangang magpaalipin ng isang Pilipino upang
makamit ang kanyang minimitmi. Gusto kong mapatunayan ang lahat upang ako man ay
magkaroon din ng lakas ng loob, ng tapang, upang gawin ang ginawa n’ya, upang
makapagpasya. Gusto ko ring itanong kay Mike kung tama ba ang aking pasya na manatili sa
bansang ito. Gusto kong marinig sa kanyang bibig ang pagsang-ayon sa aking mga ginagawa at
mga gagawin pa sa mga darating na panahon. Ngunit sa katapusa’y katahimikan pa rin ang
aking kapiling sa loob ng maliit at masikip na silid na ito. Sa kalauna’y sarili ko pa rin ang
makakapagpasya.
At hindi ko alam kung tama ba ako o mali. Ang alam ko’y ipagpapatuloy ko pa rin ang
nasimulan kong pagtupad ng aking mga pangarap para sa aking anak at sa aking mga magulang.
Hindi ko alam kung hanggang saan ako makakarating sa aking paglalakbay. Ang alam ko lang
ay handa kong harapin ang lungkot ng pag-iisa, pangungulila at patuloy na pag-asam sa isang
magandang bukas para sa aking mga mahal sa buhay. Kung mali man ako, kung totoo nga ang
sinabi ni Bert na ako’y nagpapakaalipin sa aking mga pangarap, marahil ito ay isang
pagkakamaling hinding-hindi ko pagsisisihan. Hahayaan ko na lang ang panahon na s’yang
humusga sa katapatan ng aking ginawa.
Page 31 of 32
(Lalakas ang malamyos na paksang-himig. Hindi titinag sa kanyang kinaroroonan si Cris. Ilang
sandali pa’y dahan-dahang magdidilim ang ilaw.)
T A B I N G
Page 32 of 32