Angkang Marikeño, Angkan ng mga Mabubuting Tao:
Ang Kapistahan ng mga Angkan sa Marikina Tungo sa Pagbubuo
at Paggigiit ng Bayan
Jayson D. Petras
Dalawang makasaysayang taon para sa Marikina ang mga taong 1630 at 1996.
Makikita ang mga ito sa kasalukuyang opisyal na sagisag ng lungsod. Ang una, ika-16
ng Abril 1630, ang kinikilalang petsa ng pagkakatatag ng Marikina dulot ng pagkakabuo
ng visita ng ordeng Heswita malapit sa pampang ng Ilog Marikina (History of Marikina
City). Ang pangalawa, ika-8 ng Disyembre 1996, ang panahong naging lungsod ang
Marikina sa ilalim ng Atas Republika 8223 (Petras 2002). Sa loob ng 366 na taon mula
sa pagkakatatag at pagiging lungsod, dumaloy ang kasaysayan at karanasan sa Marikina
at sa mga Marikeño. At sa panahong naging lungsod ito, isang dekada na ang
nakararaan, litaw ang naging pagbabago ng dating bayang palagiang binabaha, matindi
ang trapiko, at delikado dulot ng pagiging pugad ng mga rapist. Pinatunayan ng Marikina
ang pangunguna sa pagiging espasyong urban sa napakaraming gawad at parangal na
tinanggap nito tulad ng Cleanest and Greenest City – 2nd placer noong 1997, Most
Outstanding Highly Urbanized City noong 1999, Most Competitive Metro City noong
2004, at One of the Healthiest Cities in Asia-Pacific at One of the Most Business-Friendly
Cities in the Philippines noong 2005.
Sa inihaharap na mukha ng pagbabago ng Marikina bilang lungsod, matingkad pa
ring mababakas ang karanasan ng pagiging bayan. Malinaw sa mga Marikeño ang
1
pagkakakilanlan na naisasakongkreto maging sa iba’t ibang simbolo ng kalunsuran.
Bilang pagsasabuhay sa islogang “Marikina: Lungsod ng May Mabuting Ugali” na
nakakabit sa sagigsag panlungsod nito, makikitang nakapaskil ang iba’t ibang mga istiker
at karatula na tila may pagtatangi sa pagiging Marikeño tulad ng “Ang Tricycle Driver na
Taga-Marikina ay…” o “Yes, Marikenians are WISE (W-waste conscious, I-involved in
community programs, S-segregating wastes properly, E-ecologically educated).
Sa taong 2007, papalo na sa gulang na 377 taon ang Marikina. Kasabay ng
pagdiriwang sa pagkakatatag, idinadaos din ang Kapistahan ng mga Angkan o Ka-
Angkan Festival na nagsimula noong 1999. Proyekto ng dating Alkalde Bayani
Fernando, layon nitong parangalan ang mga lehitimong angkang Marikeño. Sa ganitong
pagkilala sa mga taal na taga-Marikina, naroon ang pagtatangkang higit na kilalanin ang
bayan. Ang pagdukal sa kaibuturan ng pagiging Marikeño ay sinusugan pa ng mismong
kabuuang isalogan ng Ka-Angkan, ang “Ka-Angkan Ko, Mabubuting Tao”. Sa ganitong
mga naiulatag na katunayan, lilitaw ang katanungang nais siyasatin ng pag-aaral: Ano
ang pagkabayan ng Marikina na binubuo at iginigiit ng pagdiriwang ng Kapistahan ng
mga Angkan sa kabila ng pagbabagong pangkomunidad dulot ng kalunsuran?
Ang Marikina bilang Teritoryo
Batay sa UP Diksiyonaryong Filipino, isa sa mga kahulugan ng “bayan” ay “yunit
na pangangasiwa sa gawaing pampolitika na pamahalaan ng binubuo ng mga barangay”
(2001, 110). Marahil ito na ang depinisyon ng “bayan” na popular na ipinakilala sa atin
sa akademya – bilang administratibong yunit, may partikular na sakop na kalupaan. Sa
ganitong kahulugan din mailulugar ang pagkakatatag ng Marikina noong 1630.
2
Ang pagkakaroon ng Marikina ay bunga ng sistemang reduccion ng mga
Espanyol, kung saan pinagsasama-sama ang mga mamamayan sa isang sentrong lugar sa
ilalim ng kampana (Agoncillo 1990, 80) o ang pagkakaroon ng nagsasariling parokya. At
bagama’t taong 1688 (“Augustinians in Philipines” 1903-1909, 267) pa naituring na
nagsasariling parokya ang lugar, na noon ay tintawag na Mariquina, bunga ng
pagkakabuo ng simbahan sa hangganan ng Bo. Sta. Elena at Bo. San Roque (Petras
2002), ang kinikilala at ipinagdiriwang na taon ng pagkakatatag na 1630 ay dulot ng
pagpapasailalim ng Marikina sa kontrol at pamamahala ng mga Heswita at sa
pagkakabuo ng kanilang visita malapit sa pampang ng ilog na tinawag nilang Jesus dela
Peña.
Bago pa man maging isang nagsasariling parokya ang Marikina, naging maligalig
ang pagkabayan nito kung pagbabatayan ang pamamahala at sakop na teritoryo. Batay sa
tala ni Antonio Morga (hango sa talakay sa Marikina…Daloy ng Lahi!), ang unang
dumayo sa Maynila ay nahahati sa dalawang pangkat. Ang unang pangkat ay sina Raha
Soliman na sumakop sa timog na bahagi ng Pasig, na ngayon ay ang lugar ng Intramuros.
Ang ikalawa naman ay sina Raha Lakandula na sumakop sa lugar ng Bangkusay sa
Tondo. Sa lupang sakop ni Raha Lakandula sinasabing nakapaloob ang Marikina.
Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, tila nagsasalitan sa pagkontrol ng
Marikina ang mga ordeng Agustino at Heswita. Sa kasaysayan, itinatalaga ng Hari ng
Espanya ang mga misyonerong pari sa bawat lugar tungo sa paglalatag ng paniniwalang
Katoliko (Agoncillo 1990, 80). Unang nakarating sa kalupaang ito ang mga Agustino
noong dekada 1570 na siyang nakasaksi sa paninirahan ng mga katutubo sa gilid ng isang
bukal, na ngayon ay higit na kilala sa tawag na Chorillo sa Bo. Barangka (History of
3
Marikina City). Mula noon ay napasailalim na sa mga Agustino ang pangangalagang
espiritwal sa mga katutubo at naisama ang lugar na ito sa visita ng Maybunga sa ilalim ng
parokya ng Pasig noong 1572.
Nailipat ang Marikina sa kontrol ng mga Heswita noong ika-16 ng Abril 1630.
Ang paglilipat na ito ay ipinagtibay ni Fray Pedro de Arce na siyang Obispo ng Cebu at
pinunong Apostolika ng Arsobispado ng Maynila at ginawaran ng atas pagpapatibay ni
Don Juan Niño de Tabora, Vice Real Patron at Gobernador-Heneral ng Pilipinas, noong
ika-22 ng Abril 1630 (Cuneta 1997, 130).
Sa pagsapit ng ika-16 ng Marso 1687, muling kinuha ng mga Agustino ang
kontrol ng Marikina at isinanib sa Ministerial ng San Mateo. Inilipat nila ang kapilya
mula sa Bo. Jesus dela Peña tungo sa higit na mataas na lugar sa kabilang pampang ng
ilog upang maiwasan ang pagbaha sanhi ng maligalig na ilog. Ang lugar na ito ay nasa
hangganan ng Bo. Sta. Elena at Bo. San Roque. At noong ika-16 ng Marso 1688, dulot
ng atas pagpapatibay ng Vice Patron Gobernador Don Gabriel De Curucelaegui, naging
nagsasariling parokya ang Marikina (“Augustinians in Philippines” 1903-1909, 266)
sakop ang mga baryo ng Chorillo, Barangka, Tañong, at Jesus dela Peña (Petras 2002).
Nagsilbing unang ministro nito si Fray Jose del Valle (“Augustinians in Philippines”
1903-1909, 266).
Sa taong 1696, dulot ng isang atas tagapagpaganap, muling mababawi ng mga
Heswita ang kontrol ng Marikina. Tinawag ng mga Heswita ang lugar na ito na
Hacienda de San Isidro de Mariquina bilang pagkilala sa dangal ng paggawa ng mga
tenante at trabahador ng asyenda (Cruz et.al. 2001, 14). Noong ika-3 ng Pebrero 1748,
4
inaprubahan ng Hari ng Espanya ang Marikina bilang asyendang susuporta sa Colegio de
San Jose sa Maynila (“Public Instruction” 1903-1909, 250).
Sa pagkakapatalsik sa mga Heswita sa Pilipinas noong 1768, naging pagmamay-
ari ang asyenda ng mga Tuazon, partikular ni Don Vicente Tuazon na nakabili rito sa
halagang 33,750 piso. Naging isa ito sa pinakamalaking asyenda sa Pilipinas sa huling
bahagi ng ika-18 siglo. Sa katunayan, idineklara ang Marikina bilang isang mayorazgo o
marangal at mayamang lupain noong ika-20 ng Agosto 1794 ng Hari ng Espanya. Sa
kalaunan, taong 1787, nagkaroon ng kauna-unahang gobernadorcillo ang Marikina, si
Don Benito Mendoza. May pagkakataon pang naging kabisera ng Maynila ang Marikina
nang maging gobernador ng Maynila si Don Ambrosio Flores sa panahon matapos
ideklara ang kasarinlan noong 1898 (Cruz et.al. 2001, 14).
Pagsapit ng 1901, sa ilalim ng pamamahalang Amerikano, napalitan ang
pangalang “Mariquina” ng “Marikina”. Naging bahagi rin ang bayan ng Marikina ng
lalawigan ng Rizal sa bisa ng Batas Blg. 1378 na ipinalabas ng Philippine Commission
noong ika-11 ng Hunyo 1901, at sa huli ay naisama sa Kalakhang Maynila bunga ng
Presidential Decree 824 noong 1975 (Cuneta 1997, 131).
Sa kasalukuyan, ang Marikina ay tinatayang may layong 21 kilometro sa silangan
mula sa Lungsod ng Maynila at may kabuuang lawak na na 2,150 ektarya na bumubuo sa
3.42 % na bahagi ng Kalakhang Maynila. Binubuo ito ng 16 na barangay – siyam ay
nasa unang distrito at pito ay nasa ikalawa. Ang mga barangay sa unang distrito ay ang
Sto. Niño, Malanday, Barangka, San Roque, Jesus dela Peña, Tañong, Kalumpang,
Industrial Valley Complex, at Sta. Elena. Sa ikalawang distrito naman ay ang mga
barangay na Concepcion I, Concepcion II, Marikina Heights, Nangka, Parang, at ang mga
5
bagong barangay na Fortune (dating sajop ng Parang na naihiwalay noong 2004) at ang
Tumana (dating bahagi ng Concepcion I na naging ganap na barangay noong 2006).
Ang Pagkakabuo ng Marikina batay sa Ugnayang Tao-Kalikasan at Ugnayang Tao-
sa-Tao
Kung pulitikal na kahulugan ng “bayan” ang pagbabatayan, palagiang mauuwi
ang usapan sa pagkakatatag ng Marikina sa panahong dumating ang mga Espanyol. Sa
ganitong pagtanaw, tila ba nagsisimula lamang ang pagkakakilanlang Marikeño dulot ng
“kaliwanagang” nagmula sa mga Espanyol. Mahirap lunukin na ang kaisipan ng
pagiging bayan at pagkataong Marikeño ay nilikha lamang ng puwersang kolonyal. Kaya
naman, nararapat na higit pang suriin ang pagiging bayan ng Marikina, lagpas sa nailatag
na konsepto ng teritoryo at sentro ng mga Espanyol.
Malalim ang kahulugan ng bayan at hindi ito masasapul lamang ng artipisyal na
istrukturang hatid ng reduccion ng mga Espanyol. Kaugnay nito, higit na nararapat
bigyang-pansin ang dalawang natural na lebel ng ugnayan sa pagkakabuo ng bayan – ang
uganayang tao-kalikasan at ugnayang tao-sa-tao (Rodriguez-Tatel 2005, 7).
Dinamiko ang ugnayang tao-kalikasan. Kapwa nag-aambag ang tao sa kalikasan
at ang kalikasan sa tao tungo sa pagbubuo ng natatanging kakanyahan ng bayan.
Mapapansin ang ganitong ugnayan sa Marikina dulot ng katangiang heograpikal ng lugar.
Isang lambak na dinadaluyan ng ilog ang bayan ng Marikina. Bilang isang lambak,
naliligid ang Marikina sa silangan ng bundok Sierra Madre at sa kanluran ng mga burol
ng Lungsod Quezon. Sa gawing hilaga ay ang mga makasaysayang bayan ng San Mateo
at Montalban. Sa timog naman ay ang mga bayan ng Cainta at Pasig. Malaki ang naging
6
bisa ng pagiging lambak ng Marikina upang mailagak ang mga natatanging karanasan at
pagkilala ng bayan sa kanyang sarili. Ang pagkakaroon ng pangalang Industrial Valley
ng isa sa mga barangay ng Marikina at maging ang pagpapangalan na Marikina Valley
Medical Center sa katatayo pa lamang na ospital ay kumikilala sa pisikal na katangiang
ito. Bukod pa rito, ang kapatagang nalilikha ng katangiang lambak ay naging mainam na
taniman at sakahan.
Higit pang patitingkarin ang natatanging karanasang Marikeño sa pagkakaroon ng
ilog. May kabuuang sukat na 220 ektarya, nagsisilbing daluyan ang ilog ng Marikina ng
mga katubigang nagmumula sa bulubunduking bayan ng San Mateo at Montalban
patungong Ilog Pasig. Nagsisilbi naming hangganan ng Marikina sa bayan ng San Mateo
at Montalban ang ilog sa Brgy. Nangka. Bukod rito, nagsasanga rin ang ilog ng Marikina
sa anim na creek na dumadaloy sa halos kabuuan ng bayan – Bangkaan Creek, Park
Creek, Concepcion Creek, Usiw Creek, Balante Creek, at Sapang Bato (Marikina City
Facts & Figures 2006).
Dahil sa pagdaloy ng ilog at iba pang anyong-tubig sa Marikina, naging mahigpit
itong bahagi ng pamumuhay ng mga Marikeño. Kinikilala ang ilog sa pagkakaroon ng
sariwang isda at iba pang lamang-tubig. Sa katunayan, bunga ng halaga ng ilog, may
inilalagay na konstable o sundalo sa mga baybayin upang bantayan ang kalinisan nito
(Ibañez n.d., n.p.). Naging popular ang mga anyong-tubig sa buong Kamaynilaan na
pinatutunayan ng pahayag ni Buzeta:
Kinikilala sa buong Kamaynilaan ang katubigang dumadaloy sa
Chorillo ng Marikina… malinaw, walang amoy at lasa, at walang
idinudulot na kakaibang epekto sa nakakainom di tulad ng iba pang
katubigan… (1850, 24)
7
(malayang salin ng may-akda)
Ang babayin din ng ilog ay pinagpalang magkaroon ng mataba at malamig na uri
ng lupa. Kaya naman, halos 90% ng mga prutas at gulay sa Marikina ay dito itinatanim.
Bunga nito, tinaguriang “vegetable Bowl” ng Maynila ang Marikina (Ibañez n.d., n.p.).
Sa mga baybayin din ng ilog nagaganap ang pakikipag-ayusan sa mga kalakal at negosyo.
Dahil sa malaking papel ng ilog sa pamumuhay ng mga Marikeño, maging sa mga
paniniwala at kamalayan ay masasalamin ito. Sa pag-aaral ni Rodriguez-Tatel,
sinasabing ang pagkakaroon ng mga ritwal ay manipestasyon ng paggalang sa kalikasan
(2005, 10). Isa sa maituturong kaugnay nito ay ang tradisyon sa panganganak kung saan
sinasabing sa oras na iluluwal na ang sanggol, ang ina ay dapat humiga na ayon sa
direksyon ng pag-agos ng ilog (Petras 2002). Makikita rin sa matandang bokabularyong
Marikeño ang konseptong “ilaya” at “ibayo”, kung saan ang “ilaya” ay may pagtukoy sa
“bayan” samantalang ang “ibayo” ay ang “kabila ng ilog”. Samakatuwid, nagtatakda ang
heograpikal na katangiang ito ng Marikina ng pananaw na hiwalay sa hindi bahagi ng
“loob” na kalupaang kakabit ng ilo. Pinagtitibay nitong may naiibang danas ang mga
Marikeño na magiging pundasyon ng kanilang pagkakakilanlan sa sarili na dadalhin
hanggang sa panahon ng urbanisasyon. Patunay nito ang pagiging kabahagi ng ilog sa
taunang Ka-Angkan, partikular noong 2005 nang ang kabuuang tema ng pagdiriwang ay
pinamagatang “Maki-Angkan, Maki-Ilognayan”. Gayundin, nagpaparangal din sa ilog
ang iba’t ibang pangalang ibinibigay sa mga lugar at estbalisyimento tulad ng Riverbanks
Mall, River Bend Hotel at River Booze Bar.
Malaki ang nagawa ng pisikal na katangian at yamang-tubig ng Marikina upang
dumaloy ang hanapbuhay ng pagsasaka at pagtatanim sa mga Marikeño. Makikita sa
ilang mga kasaping angkan ng Marikina ang kanilang pagkilala sa hanapbuhay na ito
8
bilang pinagkakakitaan ng kanilang mga ninuno. Gayundin, hindi mawawalang kakabit
ng pangalan ng Marikina ang sapatos. Kinikilala ang pagsisimula ng industriya ng
sapatos noong taong 1887 sa bahay ni Don Laureano Guevarra mula sa angkan ng Andres
(ang kanyang ina ay si Doña Mariquita Matea Andres). Pagsapit ng tapng 1935, mayroon
nang 139 pagawaan ng sapatos sa Marikina na nakagagawa ng 260,078 pares ng
pambabaeng sapatos at 86,692 pares na panlalaki. Ito ang nagbigay ng kita sa Marikina
na umabot sa 762,896 piso. Mayroon din noong 2,450 Marikeño na direktang
nasasangkot sa industriyang ito. Sa malaking bahagi ng ika-20 siglo, ang Marikina ang
pinakamalaking prodyuser ng matataas na kalidad ng sapatos. Sa katunayan, sa pagitan
ng mga taong 1978 at 1982, ang mga produktong sapatos at bag na gawa sa balat ng ahas
ay lumalaban sa pamilihan sa Fifth Avenue, New York City. Noong 1983, 70 % ng
produksyon ng sapatos sa Pilipinas ay nagmumula sa Marikina (Petras 2002). Sa
kasalukuyan, bagama’t nagiging matamlay ang industriya ng sapatos, patuloy na
gumagawa ang lungsod ng mga paraan upang mapangalagaan at maipakilala ang sapatos
ng Marikina. Ilan sa mga ito ay ang House Bill No. 3950 noong 2001 na may layong
paunlarin ang mga industriya ng sapatos at balat at magbigay ng insentibo sa mga
manufacturers at employees, ang Ordinance No. 55 Serye ng 2002 tungo sa pag-aangat
ng kalidad ng mga produktong sapatos, ang Marikina Council of Fashion na dumadayo at
nagpapakilala ng sapatos sa buong mundo, at ang Shoe Museum Project na inayos noong
1998.
Ang hanapbuhay ng pagtatanim at pagsasaka at ang industriya ng sapatos ay
lumilikha ng karanasan ng mga Marikeño sa kanilang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa.
Ang ugnayang ito ng tao-sa-tao ang siya namang humhubog sa pagpapahalaga,
9
kamalayan, kaugalian, diwa, paniniwala, o ang natatangi at iisang pananaw-pandaigdig
(Rodriguez-Tatel 2005, 12) ng mga Marikeño. Ito, ayon kay Rodriguez-Tatel, kung kaya
higit pa sa pulitikal na kahulugan ang konsepto ng “bayan”:
…ang bayan ay isang pangkalinangan/kultural na kabuuan na
binigyang-daan ng proseso ng kaganapan ng mga taong dito’y
nananahan. Patunay dito ang dami ng mga salitang mabubuo mula sa
salitang ugat na bayan, na naglalarawan ng bawat hibla ng pamumuhay
ng mga tao… (2005, 13)
Ang Kapistahan ng mga Angkan sa Marikina
Sa ganap na pagsiyasat sa konsepto ng “bayan” batay sa ugnayang tao-kalikasan
at ugnayang tao-sa-tao sa konteksto ng Marikina, nakikita ang kahalagahang ilugar ang
pagtalakay sa kalikasan ng Kapistahan ng mga Angkan o Ka-Angkan Festival. (tingnan
ang larawan 1)
Paano Nagsimula?
Ang Kapistahan ng mga Angkan o Ka-Angkan Festival ay isang proyekto ng
dating alkalde ng Marikina, Bayani Fernando. May kabuuang islogan na “Ka-Angkan
Ko, Mabubuting Tao” (tingnan ang larawan 2), nagsimula ang pagdiriwang na ito noong
1999 at taunang isinasagawa tuwing Abril, kasabay ng pagdiriwang ng pagkakatatag ng
bayan, bilang pagpaparangal sa mga lehitimong taga-Marikina.
Sa panayam kay Bb. Natividad Cabalquinto, Hermana Mayor ng Kapistahan ng
mga Angkan noong 2001 at mula sa angkan ng Nepomuceno, sinasabing ang proyektong
ito ay pinasimulan upang sa halip na kanya-kanyang angkan ang magkaroon ng reunion,
magkakaroon na ng malawakang reunion kung saan ang bawat angkan na sasali ay
10
tatanggap din ng suportang pinansyal sa pamahalaang lungsod (batay sa Ordinansa Blg.
88 Serye ng 1999). Gayundin, sinasabing pangangailangan ang magkaroon ng ganitong
kapistahan dahil “sa paglipas ng panahon at sa pagyao ng mga matatandang kasapi ng
angkan o pamilya, ang mga bigkis na nag-uugnay sa mga angkan ay napuputol dahilan
upang ang mga magkakamag-anak, lalo na yaong malalayo, ay hindi na magkakakilala
(Fernando 2000, 6)” at kung gayon, maaaring malimutan hindi lamang ang ugat sa
angkan kundi ang ugat ng pagiging Marikeño. Mahalagang pansinin ang pagkilala sa
bayan na binibigkis ng mga angkan, kung kaya’t nararapat suportahan upang manatili ang
kabuuang danas at kamalayang-bayan.
Paano Isinasagawa?
Isang linggong pagdiriwang ang Ka-Angkan na nagsisimula sa simbolikong
pagtanggap ng mga katungkulan ng mga Hermano Mayor at Hermana Mayor na pinipili
mula sa mga kasaping miyembrong angkan. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng
paglalagay sa kanila ng kapa. Nagkakaroon din ng parada ng mga angkan, kung saan
malayang nakagagawa ng gimik ang bawat angkan upang higit silang makilala.
Halimbawa, ang angkan ng Nepomuceno ay palagiang nakasuot ng kulay dilaw na damit
samantalang ang angkan ng Fernando ay nakasaya at camisa de chino. Nariyan din ang
angkan ng Kwitib na sumasayaw sa parada at ang angkan ng Butiki na nagdadala ng
malaking modelo ng butiki.
Hindi rin nawawala sa Ka-Angkan ang photo exhibit kung saan inilalabas sa
publiko ang iba’t ibang larawan ng mga angkan, lalo na ang mga nuno nito (tingnan ang
larawan 3). Bukod dito, mayroon ding exhibit ng mga bagay na pinag-iingatan at
pinangangalagaan ng mga angkan. May programa ring isinasagawa, kung saan
11
nagtatanghal ang bawat angkan. Ang angkan ng Emmang Hilot ay minsang nakalikha ng
tula para sa kanilang angkan:
Ang Ating Inang Emma
Natatandaan ko pa ang ating Inang Emma:Kilala siya sa buong bayan ng Marikina
Sa ngalang “Guillermang Hilot.”Hindi kailangang ipagtatanong pa
Buhat sa Kalumpang at San Roque Hanggang sa Ibayo’t Santo Ninyo,Santa Elena at Malanday, at kahit pa
Sa Santolan, “Guillermang Hilot” ang tawag.
Natatandaan ko pa ang ating Inang Emma:Mapadaling araw o mapahating gabi
Kapag nakailangan at nasundo ang hilotLakad at sakay ng karetela;
Dala-dala ang munti niyang bag.Bitbit pa ang isang payong itim;
At kahit pagod na, pagaspas pa ang mandin ang sayaSa pagdalo sa isang inang mapapa-anak na.
Sa papaanong paraan ko maiwawaksi Sa alaal ang ating Inang Emmang
Magandang singkit at tsinitang mga mata;Kulot at nagpuputiang mga buhok;
Magagaan at maliliksing mga kamay panghilot;Budhing malinis, likas ang katalinuhan;
Maawain sa mga kinakapos at mahihirap;Kapuri-puring magulang at nunong mapagmahal.
Hindi maaaring malimutan ang ating Inang Emma:“Guillermang Hilot” ang tawag ng lahat sa kanya;
Komadrona o midwife naman ang taguri sa mga nakatapus.Walang natapos ang ating Inang Emma;
Karanasang walang hanggan ang kanyang mahalagang hiyasNa karapat dapat ipagmalaki nating lahat at alang-alang
Sa ating Inang Emma, ubod lakas nating isigaw:
MABUHAY ANG HILOT CLANMABUHAY!!!
(likha ni Ester del Rosario, 2005)
Ilan pang mga gawain ng taunang pagdiriwang ang Ka-Angkan Miss Gay, Ka-
Angkan Footwear Fashion Show, Ka-Angkan Kite-Flying Contest, at Ka-Angkan Booth
Tent.
Sinu-Sino ang mga Kasali? (tingnan ang larawan 4)
Batay sa itinalagang kwalipikasyon ng Ka-Angkan:
12
Upang maging kabilang sa Samahan ng mga Angkan sa Marikina,
kinakailangan na matukoy ng mga magkakamag-anak ang isang ninuno
na kung nabubuhay ay may edad na hindi bababa sa isandaang taon.
Kinakailangan din na ang pinakamatandang kasapi ng angkan ay
ipinanganak sa Marikina o sa mga pook na dating sakop ng lungsod
tulad ng Krus na Ligas (Fernando 2000, 7).
Batay sa paliwanag ni Bb. Cabalquinto, hindi naman kinakailangan ang mga
patunay na gamit, bagama’t mainam kung may maipapakitang larawan o papeles. Aniya,
mainam nang matukoy ng isang angkan kung sino ang kanilang nuno. Kadalasan, sa
pagbanggit lamang ng partikular na pangalan ay alam na ng mga matatanda kung
lehitimong Marikeño ang isang angkan. Ang ganitong pagpapatunay ay maaaring ligaw
sa kalakaran ng konsepto ng “lungsod” na nananalig sa mga papeles at iba pang
dokumento bilang patunay.
Gayundin, itinatakda rin ng Ka-Angkan na:
Ang bawat angkan ay pipili ng kanilang pinuno na may tungkuling
magsaliksik at bumuo ng family tree ng angkan. Ito rin ang tatayong
kinatawan ng pamilya sa samahan ng mga angkan (Fernando 2000, 7)
Sa bahaging ito, magandang kilalanin ang sigasig ng mga angkan sa pagsasaliksik
sa kanilang mga ugat. Halimbawa na lamang ay ang angkan ng Nepomuceno, ang
pinakamalaking angkan ng Marikina na kinabibilangan ni Sen. Richard Gordon at Sen.
Francis Pangilinan, kung saan may mga miyembro ng angkan na nagibang-bayan pa
upang masaliksik ang kanilang mga ninuno.
Sa huling tala, umaabot sa humigit-kumulang na 80 angkan ang mayroon sa
Marikina. Gayunman, hindi lahat ng mga ito ay nakakasali sa taunang Ka-Angkan dulot
13
na rin ng kawalan ng kinatawang maaaring mag-asikaso. Ang iba naman, sa patuloy na
pananaliksik sa angkan, ay naipasok na sa iba pa (halimbawa, ang angkan ng Kuba ay
bahagi na ng angkan ng Nepomuceno) o naihiwalay naman (halimbawa, ang angkan ng
Gara ay humiwalay mula sa angkan ng Tiburcio).
Narito ang listahan ng mga kinikilalang angkang Marikeño:
Abeng Mamamakyaw, Adobo, Ahas, Ampalaya, Andres, Asuncion,
Baboy, Baka, Bale, Balakubak, Baluyot, Bangus, Bautista Hubad,
Bawang, Belo, Bernardino, Benga, Bobing Hipon, Brosti, Bubuli,
Bulig, Bungbong, Bukayo, Buklo, Bulik, Butiki, Caro, Carlos, Daga, de
Dios, de Guzman, dela Paz, Desiderio, Emiliong Bulos, Emmang Hilot,
Estanislao, Eustaquio, Fernando, Gago, Gara, Gasco, Golong,
Grimaldo, Jocson Suman, Josef, Kabayo, Kalabaw, Kalabyang,
Kalamansi, Kalampag, Kalapati, Kamatis, Kampana, Kanduli, Kariton,
Kuba, Kugon, Kuyog, Kwitib, Lebrias-Bobis, Lupa, Manok, Mejia,
Mores, Nepomuceno, Pagpag, Palaka, Palayok, Panggasi, Pantog,
Pasay, Pasco, Pato, Patola, Pertong Intsik, Pipit, Predong Putol, Pulgas,
Reyes A, Reyes B, , Santos Mora, Santiago, Severino, Sile, Supok,
Tabo, Tetong Magtatakong, Tiburcio, Tigete, Tubo, Uga, Usok
Ang Kahulugan at Pakahulugan ng Pamamansag sa mga Angkan
Kung babalikan ang listahan ng mga lehitimong angkang Marikeño, makikita na
karamihan sa mga ito ay nakilala sa kani-kanilang mga bansag. Sa paliwanag ni Bb.
Cabalquinto, pangunahin niyang itinurong pinagmumulan ng mga bansag ang mga
salamyaan sa Marikina. Ang salamyaan ay nangangahulugang isang silungan kung saan
ang mga Marikeño, partikular ang mga matatanda, ay nag-uumpukan upang magpalitan
14
ng iba’t ibang opinion at impormasyon sa mga pangyayaring panlipunan (Florendo-Imao
2002). Dahil sa hilig ng mga Marikeño sa bidahan dumami sa bawat kanto ang mga
salamyaan noong dekada ’60 at ’70. Sa mga salamyaang ito, maririnig rin ang mga
kantyawang, “ito talaga si Batok…” o “Nasaan na si Kuba?” bilang pagtukoy sa mga
taong may prominenteng batok o may kurba ang likod. Kaugnay nito ang pahayag
hinggil kay Lelong Cornelio Sta. Ana na dahil sa kaliitan at katabaan ay tinawag namang
“tabo”, na kinikilalang nuno ng angkan ng Tabo. Sa mga salamyaan din, nalilikha ang
mga kuwento hinggil sa pinagmulan ng katawagan ng angkan. Sa pamamagitan nito,
makikitang patuloy na nabubuhay ang oral o pasalitang tradisyon ng paglikha ng mga
mito ng mga Marikeño. At bagama’t may mga angkang nakilala sa kani-kanilang mga
apelyido, hindi nangangahulugang wala itong naging bansag. Sa katunayan, ang angkan
ng Estanislao ay nagkaroon ng sampung bansag: Aringkin, Bagaybay, Tumbong,
Bagoong, Tarangka, Ganet, Pakmora, Patyaw, Magtatahong at Kamote. Gayundin, ang
angkan ng Nepomuceno ay binubuo ng anim na angkan na may kanya-kanyang bansag:
Paminta, Hapak/Pula Ilong, Batok, Kulubot, Go Het, at Katwiran.
Matingkad na nasasapol ng mga bansag ng mga angkan ang ugnayang tao-
kalikasan at ugnayang tao-sa-tao sa pagbubuo ng bayan. Dahil sa impluwensya ng
kalikasan sa tao at ng tao sa kalikasan, lumilitaw ang mga bansag sa mga angkan na
kumikilala sa katangian ng mga bahagi ng kalikasan na nakahahalintulad ng katangian ng
isang partikular na angkan. Halimbawa, sa kaso ng angkan ng Butiki:
Nagsimula ang katawagang butiki sa angkan na ito noong panahon ng
bagyo kung saan ang bahay nina Elino at Perina de Guzman ay may
kahinaan. Nagpasya si Elino na itali at tibayan ang bubong upang hindi
matangay ng hangin subalit dahilan sa kakulangan ng materyales, may
15
mga bahagi ang bubong na hindi naitali. Naisipan ni Elino na daganan
na lamang niya ang yero. Nagkataon na habang siya ay nakadagan sa
bubong ay maraming tao ang nakakita rito at sinabi kay Elino na
mukha itong butiki sa kanyang pagkakadapa (Cruz et.al. 2002, 19).
Sa kaso naman ng angkan ng Kwitib, na ang nuno ay sina Mariano San Diego at
Maria de Guzman:
Ang bansag na kwitib ay naitatak sa angkang ito dahilan sa sila’y
karaniwang maliliit, maliliksi, at masisinop tulad ng mga maliliit na
langgam (Cruz et.al. 2002, 21).
Ilan pa sa mga angkang nakaugnay ang bansag sa kalikasan ay ang: angkan ng
Bangus na ang mga miymebro ng angkan ay sinasabing may mapuputing kutis; angkan
ng Ampalaya, na ang isa sa mga nuno nitong si Ciriaco at ipinaglihi sa ampalaya kung
kaya kulot na kulot ang buhok; at, angkan ng Kalabaw, na ang nunong sina Julio at Ana
Ciriaco ng Brgy. Tañong ay may lakas at sipag na tila kalabaw (Cruz et.al. 2002, 18-22).
Sa kabilang banda, maihahanay sa ugnayang tao-sa-tao ang mga angkang nakilala
sa kanilang mga nunong may partikular na gampanin sa bayan at kilala sa ambag na
naranasan at napakinabangan ng bayan. Halimbawa ay ang angkan ng Emmang Hilot:
Tubong San Roque si Guillerma de Guzman na mas kilala sa tawag na
Lelang Emma na isinilang noong 1870 at napangasawa ni Fausto
Santos na taga-Marikina rin.
Kilala sa buong bayan ng Marikina bilang dalubhasang tagapagpaanak
at dahil dito’y nabansagan bilang Emmang Hilot. Maliban sa kanyang
likas na katalinuhan, siya ay tanyag rin sa pagiging maawain at
pakikipagkapwa-tao, isang sagisag para sa mga miyembro ng angkang
ito (Cruz et.al. 2002, 20).
16
Gayundin ang angkan ng Abeng Mamamakyaw:
Nag-umpisa sa magkapatid na Lelang Maria (na asawa ni Abeng
Mamamakyaw) at Felipa Cruz na tubong Malanday.
Ang pangunahing gawain ng magkapatid noong araw ay ang
pagtatanim at pamamakyaw ng gulay at pagtitinda nito sa palengke. Ito
rin ang dahilan kung bakit si Lelong Abeng ay binansagang
mamamakyaw (Cruz et.al. 2001, 6).
Kaugnay rin ng ganitong ugnayan ang angkan ng Tetong Magtatakong, na ang
nunong si Sixto “Teto” Reyes ng Brgy. San Roque ay nakilala sa paggaw ng takong ng
sapatos na yari sa kahoy, at ang angkan ng Bukayo, na kilala naman sa pagluluto ng
masasarap na bukayo (Cruz et. al. 2004).
Mailulugar ring bahagi ng ugnayang tao-sa-tao ang mga angkang nakilala sa kani-
kanilang mga apelyido, na karamihan ay dulot ng pagiging tagapaglingkod at
maimpluwensya sa bayan. Halimbawa, kinikilalang mayaman ang angkan ng Andres na
ang nuno ay sina Don Rufino Andres at Doña Petrona; ninuno naman ng angkan ng
Desiderio si Placido Desiderio, isang Kastila na kilala bilang Kapitan Sindo na may
malawak na lupain na sumasakop sa dalawang kalye sa Jesus dela Peña; ninuno naman
ng Angkan ng Tiburcio si Eladio Tiburcio na naging katiwala ng isang mataas na opisyal
ng Espanya at nabigyan ng malaking parte ng lupain na bahagi ngayon ng Lungsod
Quezon; ninuno ng angkan ng Reyes sina Simplicio at Francisca na nakilala dahil sila ang
kauna-unahan sa Marikina na nagmay-ari ng dalawang bus/trak noong 1920; taong 1910
naman nakilala ang angkan ng Bernardino sa pagkakaroon nito ng pinakamalaking
pagawaan ng sapatos na kinilala sa buong Kamaynilaan, at noong 1940, si Lolita
Bernardino ang naging kauna-unahang babaeng konsehal sa Marikina; at ninuno naman
17
ng angkan ng Fernando si Claro Fernando, isang cabeza de barangay na kinikilalang
maykaya, maraming kalabaw, at malawak na sinasaka (Cruz et.al. 2004).
Sa kabuuan, kung babalikan ang pangkalahatang islogan ng Ka-Angkan na “Ka-
Angkan ko, Mabubuting Tao,” nililinaw lamang nito na nararapat na ang isang angkan ay
kakikitaan ng mga katangiang pinahahalagahan ng bayan – sa pagiging matiyaga,
masiyahin, mapag-aruga sa pamilya at sa kapwa, at iba pa. Samakatuwid, binibigyang-
parangal ng bayan ang mga katangian ng mga angkang nakapag-ambag sa pagbubuo ng
natatanging pananaw-pandaigdig. Sa puntong ito, makikita rin ang kapangyarihan ng
pamamansag kung saan ang sinumang angkang nagtataglay ng bansag na hindi kanais-
nais dulot ng pag-uugaling hindi tinatangkilik ng bayan ay naisasantabi. Nabanggit ni
Bb. Cabalquinto ang isang angkan na binansagang “puke” dahil batay sa kuwentu-
kwentuhan, ang mga kalalakihan daw sa angkang ito ay mahilig manilip. Sa paliwanag
naman ni Bb. Angie Tan ng angkan ng dela Paz, ang angkan ng “puke” raw ay
nabansagang ganito dahil sa ang mga babaeng miyembro ng angkan ay mga malalandi at
pakawala. Gayunman, walang malinaw na tala ang angkang ito sa kasalukuyan.
Ang Kapistahan ng mga Angkan sa Pagbubuo at Paggigiit ng Bayan
Higit sa pulitikal na hangganan, ang bayan ay ang mga mamamayan (UP
Diksiyonaryong Filipino 2001, 110) at ang pagkakaugnay-ugnay ng kanilang isipan,
damdamin, at kilos (Rodriguez-Tatel 2005, 66). Ayon kay Salazar, na sinipi nina
Navarro et.al, ang bayan ay.:
…ang pagkakaugnay ng mga Pilipino hindi lamang sa pisikal na
pagtatagpo nila sa isa’t isa (kalakalan, digma, ugnayang pampamilya at
18
pang-estado tulad halimbawa ng relasyon ng Brunei at Maynila, taga-
Luzon at Butuan, atbp.) kundi sa pundamental na batis at
pagkakahawig ng kanilang kalinangan (ibig sabihin, ang pagkakaisa ng
diwa at kaugalian na batay sa kanilng nakaraan) at kapaligiran (na
pinagbubuklud-buklod ng dagat at mga ilog at nagdudulot sa mga
dating Pinoy ng batayan ng kabuhayan (2000, 129-130).
Sa kaso ng Kapistahan ng mga Angkan, nagiging lunsaran ang pagdiriwang ng
pagbibigkis ng mga angkan sa muling pagbubuo at paggigiit ng pagkabayan ng Marikina
bilang tahanan ng mga Marikeño na may pinanghahawakang natatanging pananaw-
pandaigdig dulot ng kanilang kalinangang pinanday ng pakikipag-ugnayan sa kapwa, tao
man o kalikasan. Makikita ang pagpapahalaga sa mga katangian ng mga angkan na
esensyal sa naging pagbubuo ng bayan. Pinararangalan din ang mga natatanging
personalidad na nagkaroon ng malaking gamapanin sa pagpapakilala at pagpapaunlad ng
Marikina at ng buhay ng mga Marikeño. Sa muling pagsasama-sama ng kamag-anakan
at pagbalik sa nakaraan, nabubuo ang pagkakakilanlang “loob” na iba at natatangi sa
karanasan ng “labas”. At ang matatag na “loob” ang nagiging tuntungang bato ng mga
Marikeño sa kanilang pagharap sa nagbabagong mukha ng lungsod at ng bansa.
19
Sanggunian
Aklat
Almario, Virgilio, ed. 2001. UP Diksiyonaryong Filipino. Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino, Unibersidad ng Pilipinas.
“Augustinians in Philippines.” The Philippine Islands, 1493-1898. Inedit at isinalin nina Emma Helen Blair at James Alexander Robertson. Cleveland: The Arthur and Clark Company, 42:1903-1909.
Buzeta, Manuel. 1850. Diccionario gegografico, estadistico, historico, de las isles Filipinas. Madrid: Impr. de J.C. de la Peña.
Cuneta, Armando G., ed. 1997. Aklat Kasaysayan ng Kamynilaan. Manila: KASAFI-MM.
“Events in Filipinas, 1686-88.” The Philippine Islands, 1493-1898. Inedit at isinalin nina Emma Helen Blair at James Alexander Robertson. Cleveland: The Arthur and Clark Company, 39:1903-1909.
Florendo-Imao, Cielo. 2002. “See you at the Salamyaan.” Kaangkan 2002: Salamyaan sa Ilog. Inedit nina Melvin Cruz, Jun Aguilar, at Jojo Pinga. Marikina City.
Isidro, Antonio, 1975. The Marikina Story. Marikina: Marikina Historical Institute.
Navarro, Atoy, Mary Jane Rodriguez, at Vicente Villan, mga ed. 2000. Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi.
“Public Instruction.” The Philippine Islands, 1493-1898. Inedit at isinalin nina Emma Helen Blair at James Alexander Robertson. Cleveland: The Arthur and Clark Company, 45:1903-1909.
Rodriguez-Tatel, Mary Jane. 2005. Ang Dalumat ng Bayan sa Kamalayan at Kasaysayang Pilipino. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi.
Magasin at Iba pang Manuskrito
Agulay, James Paul C. 2006. “Ka-Angkang Festival 2006.” Woman’s, April 5.
Marikina City Facts & Figures. 2006. Marikina City Government.
Navarro, Maria Lourdes T. 2005. “’Maki-Angkan’, ‘Maki-Ilognayan’ 2005: A Tribute to the Native Clans of Marikina.” Marikina River Digest 5, no. 2, April.
Panayam
20
Cabalquinto, Natividad. 2006. Personal na Interbyu, December 19.
De Guzman, Lani. 2006. Personal na Interbyu, December 19.
Fernando-Cobarrubias, Yolly. 2006. Personal na Interbyu, December 20.
Nepomuceno, Lyn. 2006. Personal na Interbyu, December 20.
Tan, Angie. 2006. Personal na Interbyu, December 19.
Papel
Ibañez, Jett Viola. “Marikina…Daloy ng Lahi!” Papel na inihanda sa Araling Marikina. St. Scholastica’s Academy-Marikina.
Petras, Jayson. 2002. “Ang Bayan…Ang Bayani…Ang Industriya.” Papel na inihanda para sa Kasaysayan 114. UP Diliman.
Souvenir Program
Fernando, Bayani, et.al., mga ed. 2000. Ka-Angkan 2000: Kapistahan ng mga Angkan; 370th Foundation Anniversary of Marikina, April 15.
Cruz, Melvin, et.al., mga ed. 2001. Ka-Angkan 2001; 371st Foundation Anniversary of Marikina, April 15.
__________. 2002. Ka-Angkan 2002: Salamyaan sa Ilog; 372nd Founding Anniversary of the City of Marikina, April 16.
__________. 2003. Ka-Angkan 2003: 373rd Foundation Anniversary of Marikina, April 16.
__________. 2004. Ka-Angkan Goes to the Farm: 374th Founding Anniversary of the City of Marikina, April 16.
Website
History of Marikina City. www.marikina.gov.ph.
21
22
Larawan 1. Ang Pagtatanghal sa Ka-Angkan Festival noong 2006.
Larawan 2. Ang sagisag at islogan ng Ka-Angkan
23
Larawan 3. Ka-Angkan Photo Exhibit
Larawan 4. Angkan ng Nepomuceno, ang pinakamalaking angkan ng Marikina
Si Jayson de Guzman Petras ay kasalukuyang instruktor sa Departamento ng Filipino at
Panitikan ng Pilipinas, UP Diliman. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kanyang
masterado sa Araling Pilipino, na may disipilina sa Panitikang Pilipino at Sikolohiya.
Nakalinya ang kanyang mga pag-aaral sa larangan ng Sikolohiyang Pilipino at Araling
Marikina.
email: [email protected]
contact nos.: 0922-8889662; 948-8277
24
Top Related