HUMAYO KAYO - ecatholic-sites.s3.amazonaws.com · sulat na ito sa yumaong Obispo Bernard na aking...

21
HUMAYO KAYO, LAGI NINYO AKONG KASAMASulat ng Pastol 2017 Obispo Paul Hinder, O.F.M. Cap. Bikaryo Apostoliko ng Timog Arabia Ilang aspeto ng ating buhay bilang Simbahan ng mga migrante (MATEO 28,19-20) i

Transcript of HUMAYO KAYO - ecatholic-sites.s3.amazonaws.com · sulat na ito sa yumaong Obispo Bernard na aking...

“HUMAYO KAYO,LAGI NINYO AKONG KASAMA”

Sulat ng Pastol 2017

Obispo Paul Hinder, O.F.M. Cap.Bikaryo Apostoliko ng Timog Arabia

Ilang aspeto ng ating buhay bilang Simbahan ng mga migrante

(MATEO 28,19-20)

i

“HUMAYO KAYO,LAGI NINYO AKONG KASAMA”

(MATEO 28,19-20)

Sulat ng Pastol 2017

Obispo Paul Hinder, O.F.M. Cap.Bikaryo Apostoliko ng Timog Arabia

Ilang aspeto ng ating buhay bilang Simbahan ng mga migrante

1

Mahal kong mga kapatid kay Kristo,

Bago ko talakayin ang paksa ng sulat na ito ay nais ko munang magbigay-galang sa obispong nauna sa akin, si Obispo Bernard Gremoli na sumakabilang- buhay sa Florence, Italya noong ika-6 ng Hulyo 2017 sa gulang na siyampu at isa (91). Pinaglingkuran niya ang Bikaryato Apostoliko ng Arabia sa loob ng dalawampu at siyam (29) na taon. Pinamunuan niya at hinubog ang Simbahan sa Gulpo sa mahabang panahon. Karamihan sa mga simbahan sa Gulpo ay itinayo o isina-ayos sa panahon ng kanyang panunungkulan. Maraming gawaing pastoral ang sinimulan sa kanyang panahon upang bigyang-tugon ang mga pangangailangan at mga hamon na ang dahilan ay ang pagdagsa sa mga bansa sa Gulpo ng libo-libong mga mananampalataya upang maghanap ng ikabubuhay. Walang pagod niyang dinalaw taon-taon ang lahat ng mga komunidad ng mananampalataya sa anim (6) na bansa na nasasakupan ng Bikaryato, maging sa gitna ng mahihirap na kalagayan tulad ng naranasan sa Yemen at Saudi Arabia. Ang kanyang kabutihan at pagiging bukas-palad sa mga nangangailangan sa loob at labas ng Bikaryato ay hindi matatawaran. Maging ako man ay may utang na loob sa kanya. Nagpapasalamat ako sa kanya, sapagkat sa loob ng labing-apat na buwan (14) bilang kanyang katulong na obispo ay marami akong natutunan sa kanya. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil ipinagkaloob Niya sa Simbahan ng Arabia ang isang masigasig na pastol. Taglay ang pasasalamat ay lagi nating isama sa ating panalangin si Obispo Bernard at huwag natin siyang ibabaon sa limot. At sa aking pagtalakay sa ilang aspeto ng ating buhay bilang isang Simbahang migrante, nais kong ialay ang sulat na ito sa yumaong Obispo Bernard na aking pinalitan bilang obispo sa kahilingan ni San Juan Pablo II noong taong 2005.

Buhay- Migrante

1. Sa pagiging migrante kailangang lisanin ng bawa’t isa ang sariling bayan at pamilya. Ang Bibliya ay puno ng mga istorya ng mga migrante. Masasabi nating ang sumampalataya sa Diyos at sumunod kay Cristo ay isang paraan sa pagiging migrante. Isipin ninyo ang patriarkang si Abraham na tinawag ng Diyos na lisanin ang kanyang sinilangang-bayan at pamilya. Isipin ninyo ang ibang mga patriarka na naglakbay sa iba’t-ibang lugar. Ang kasaysayan ng bayang Israel ay kasaysayan ng mga migrante: ang patriarkang si Jacob ay naglakbay kasama ng kanyang mga anak tungo sa Ehipto, at si Moises ang nanguna upang akayin

2

ang kanyang bayan mula sa pagka-alipin Ehipto tungo sa Lupang Pangako. Balik-tanawin ninyo kung paano ang bayang Israel ay itinapon sa Babilonya at pagkatapos ng mahabang panahon ay nagbalik sa Bayang Banal.

2. Sa pagiging migrante ay kailangan din ng bawa’t isa na matutong makisalamuha sa ibang mga tao mula sa ibang bayan na may sariling tradisyon, pananampalataya at kultura. Patuloy ang pakikibaka ng bayang Israel upang mapanatili ang kanilang kasarinlan habang sila ay nakikisalamuha sa mga taong mula sa mga bayang Ehipto, Canaan, Babilonya at sa mga ibang lahi. Ang kanilang kalagayan bilang manlalakbay at laging nasa daan ang humubog sa kanilang isipan ng upang matuto silang makibagay sa iba’t-ibang kalagayan samantalang iniingatan ang kanilang pananampalataya sa tunay na Diyos na lumikha ng langit at lupa at siyang humirang sa kanila bilang “kanyang bayan”. Maari din nating sabihin na ang Exodo, ang Pagkabihag at Pagbabalik mula sa pagkatapon ang nagpadalisay sa kanilang pananalig at humubog dito. Ito ay ating makikita sa mga aklat ng Lumang Tipan. Subalit, ang patuloy na hamon kung paano mapananatili ang pagkakaisa ng Bayan ng Diyos sa gitna ng iba’t- ibang kapaligiran at karanasan ay naroon pa rin. Ito ang pangunahing gawain ng mga propeta na tawagin ang mga tao na magbalik-loob sa Diyos sapagkat sila ay nahulog sa tukso at sumamba sa Baal at ibang diyos-diyosan.

Kasama natin si Jesus sa daan

3. Mababanaag sa buhay ni Jesus ang kasaysayan ng bayang Israel na parang isang salamin. Ito ay malinaw lalo na sa ebanghelyo ayon kay San Mateo. Sa katunayan, ipinakikilala ni San Mateo si Jesus bilang bagong Moises: si Jesus ay pinagtangkaan ding patayin ni Haring Herodes noong bata pa siya. Iniligtas siya ng kanyang mga magulang noong tumakas sila patungo sa Ehipto. Mula doon ay nagbalik siya bilang bagong Moises, na siyang namuno sa kanyang bayan tungo sa kalayaan sa pamamagitan ng kanyang pamamalagi sa disyerto sa loob ng apatnapung (40) araw. At pagkatapos ay ituturo niya ang bagong Batas sa Sermon sa bundok. Katulad ng mga pagala-galang patriarka at mga propeta, nilakbay din ni Jesus ang Israel. Ang buhay ng ating Panginoong Jesucristo ay puno ng mga paglalakbay sa iba’t-ibang lugar. At itinagubilin din niya ito sa kanyang mga alagad. “Isinugo ni Jesus ang labing-dalawa matapos niyang pagbilinan, ‘huwag kayong pumasok sa lupain ng mga pagano o sa bayan ng Samaria. Sa halip puntahan ninyo ang nawawalang tupa ng bahay ng Israel.

3

At sa iyong pagyao, ipahayag ninyo: Ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mateo 10,5-7) Nilakbay nila ang mga bayan at nayon na wala silang seguridad at pagkain man. Nagtiwala sila sa makapangyarihang Diyos sapagkat sila ay kapos. Pagkatapos ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, isinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad na tumalima sa utos, at pinalawak ang misyon sa labas ng bayan ng Israel at isinama ang buong mundo: “humayo kayo at gawing alagad ang lahat ng mga bansa, binyagan sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, turuan silang sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. At tingnan ninyo, kasama ninyo ako lagi hanggang sa wakas ng panahon.” (Mateo 28,19-20)

4. Ang pangako ni Jesus na “Kasama ninyo ako lagi” ay hindi nangangahulugan na Siya ay nagpaiwan samantalang ang mga alagad ay naglalakbay sa iba’t- ibang lugar. Kasama siya sa kanilang paglalakbay. Huwag ninyong kalilimutan bilang mga migrante: saan man kayo naroon, kasama ninyo ang Panginoon. Kung minsan maari tayong makaramdam ng kalungkutan tulad ng naranasan ng bayan ng Israel noong itinapon sila sa Babilonya. At kung minsan ay ating hahanap-hanapin ang kagandahan ng mga relihiyosong pagdiriwang doon sa ating sariling bayan. Subalit, huwag nating kalilimutan kung paano nakita ni propeta Ezekiel sa pangitain ang Kaluwalhatian ng Diyos na lumisan mula sa templo ng Jerusalem patungong silangan, i.e. tungo sa mga Israelitang bihag sa Babilonya (Ezekiel 11,15-25). Tulad din nito, ang Panginoon ay kasama ng mga migrante na sumasampalataya at tunay na nananalig sa Kanya. Tunay nga na hindi tayo kailanman mawawalan ng Panginoon. Kasama natin lagi siya “hanggang sa katapusan ng panahon”.

Sa harap ng impluwensiya ng ibang kultura

5. Ang kasaysayan ng unang Simbahan ay kasaysayan ng mga migrante na nagpunta sa lahat ng bansa sa utos ng Panginoong muling nabuhay dala ng pag-uusig o ng pangangailangan sa buhay. Nang kalaunan, ang mga sundalo ng Roma, ang mga alipin at mga mangangalakal na nabubuhay sa loob ng Imperyo ng Roma ang naghatid ng Mabuting Balita ni Cristo. Subalit, ang paghahatid ng Mabuting Balita ay nagbunga din ng mga suliranin na hinarap ng unang Simbahan. Ang pagbabalik-loob ng mga pagano sa Kristiyanismo sa Antioquia at sa ibang lugar ay naging dahilan upang kwestiyunin ng mga Hudyong naging kristiyano ang unang komunidad sa Jerusalem. Naging malinaw na ang pagkakaisa ng mga Kristiyano ay hindi naka-ugat sa iisang

4

tradisyong relihiyoso na hinubog ng isang kultura bilang mga Hudyo. Ang pananampalataya sa Panginoong ipinako at muling nabuhay ang siyang nagbuklod sa kanila. Ang kanilang pananampalataya ay sinimulan sa binyag at ipinagdiwang sa Banal na Eukaristiya: “Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin!” Ang isang pamayanang nagkakaisa sa pananampalataya ay nagpapahayag: “Ang Kamatayan mo, Panginoon, aming ipinihahayag; ang muli mong Pagkabuhay ay ipinagdiriwang hanggang sa iyong pagbabalik.”

Mga Pagsubok

6. Hanap-buhay ang dahilan kung bakit ang karamihan sa atin ay naninirahan sa mga bansa sa Gulpo. Ang mga tao ay pumupunta sa mga bansang ito upang maghanap ng trabaho at pagkakakitaan upang magsimula ng pamilya o sustentohan ang pamilya doon sa kanilang sariling bansa. Wala tayong karapatang maging mamamayan ng mga bansang ito. Ang ating “residence visa” ay kailangang i-“renew” sa takdang panahon, at kung hindi, kailangan tayong bumalik sa ating mga sariling bansa o kaya ay maghanap ng ibang bansa na tatanggap sa atin. Kalimitan ang ating mga pamilya ay nagkakahiwa-hiwalay. Ang mga mag-asawa ay hindi magkasama, naiiwan ang isa doon sa sariling bansa, o nagtatrabaho at nabubuhay sa ibang lugar. Ang mga may kakayahang mabuhay nang sama- sama ay nahihirapang kumita nang sapat upang mabayaran ang upa sa bahay at pag-aralin ang mga anak. Kapag ang isa sa kanila ay nawalan ng trabaho, o lumiit ang sahod, ang buong pamilya ay naaapektuhan. Karamihan ay walang lakas ng loob na magpasya na bumalik sa sariling bayan at dahil dito ay hindi sila makawala sa bitag ng mga nagpapa-utang. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nabanggit ko sa nauna kong Sulat ng Pastol: “Malimit isipin ng mga tao na parang paraiso ang mabuhay sa mga bansa sa Gulpo. Maaring totoo ito para sa iba, ngunit bangungot naman para sa iba. Bilang kristiyano dapat nating harapin ang katotohanan nang mahinahon at may tiwala. Ang mga nawalan ng trabaho at walang makitang trabaho ay mag-ingat na huwag magkautang at tuloy makulong dahil hindi makabayad. Ang magtiwala ay hindi ibig sabihin na mangutang sa mga tao at sa mga banko na malaon at madali ay maniningil ng pautang, maliban na mayroon kang pambayad sa utang. Ang awa ay hindi nangangahulugang pagtakpan ang kakulangan ng hinahon o katangahan ng ilang tao. Sa halip ito ay nangangahulugan na dapat harapin nang matapat ang realidad ng kanilang kalagayan. (Sulat ng Pastol 2016 “Habag ang Ibig ko, hindi Hain” blg. 22)

5

7. Sa kabila ng mga hamon at pagsubok sa kabuhayan, may mga kristiyanong nahihirapang mabuhay ng marangal at matuwid sa kanilang kalagayan. Ang mabuhay nang hiwalay sa asawa sa mahabang panahon ay maaring maging dahilan upang ang mag-asawa ay magkalabuan, at maging daan ito sa pakikiapid o tuluyang paghihiwalay. Ang ilan ay nalululong sa pornograpiya, alkohol o droga upang punuan ang kanilang emosyonal na pangangailangan. Kalimitan, ito ay nagiging bisyo na mahirap nang iwanan. Ang masusing pagbasa sa mga sulat ni San Pablo, lalo na ang dalawang (2) sulat niya sa mga taga-Corinto ay nagsasaad na ang mga ganitong problema ay naroon na sa simula pa ng Kristiyanismo. Hindi tayo dapat magulat kung tayo man ay humaharap sa ganitong uri ng problema. Ang Simbahan sa Corinto ay may mga katangian. Gayun pa man, mayroon din silang mga problema sa kanilang komunidad. At kailangang harapin ni San Pablo ang lahat ng mga problema tungkol sa malaswang relasyon, kasinungalingan, pagdedemanda sa kapwa kristiyano sa hukuman ng mga pagano, ang hindi paglingap sa mga mahihirap, at iba pa. At may mga pagkakabaha-bahagi sa komunidad na nagiging dahilan upang mahati ang Simbahan at sa gayon ay humihina ang kanilang pagsaksi sa pagiging Katawan ni Kristo. Nananatili ang pakikibaka ni San Pablo laban sa paglitaw ng mga sekta at ibang mga grupo sa loob ng iisang Simbahang lokal. Mabuhay nang tama sa mundong di tama

8. Sa kabila ng mga kakulangan at sa gitna ng mga problemang hindi malutas o sinisikap lutasin sa loob ng Simbahan ng Corinto, ay sumulat si San Pablo: “Nagpapasalamat akong lagi sa Diyos dahil sa mga pagpapala niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sapagkat sa inyong pakiki-isa sa kanya, kayo ay umunlad sa pananalita at kaalaman. Ang katotohanang ipinangaral namin tungkol kay Cristo ay malinaw na nakikita sa inyo, anupa’t hindi kayo nagkulang sa anumang kaloob na espiritwal, habang hinihintay ninyong mahayag ang ating Panginoong Jesucristo.” (1 Co. 1, 4-7) Tahasang hinarap ni San Pablo ang mga suliranin sa buhay ng kasisimula pa lamang na Simbahan sa Corinto. Ito rin ay totoo sa kanyang ika-2 sulat sa mga taga-Corinto na ang isang bahagi ay tinawag na “mga luhaang sulat” dahilan sa mga paghihirap at pighati na dinanas ng Apostol sa komunidad ng Corinto. Sa kabila ng mga mapait na pagsubok sa Simbahan, sa simula ay sumulat si San Pablo: “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya tayo sa ating kapighatian

6

upang makatulong naman tayo sa mga namimighati, sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya. Kung gaano karami ang tiising dinaranas namin sa pakikipagka- isa kay Cristo, gayun din ang kaaliwang tinatamo namin mula sa kanya. Kung namimighati man kami, ito’y sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag inaaliw kami, kayo ma’y naaaliw din at lumalakas upang mabatá ang mga kapighatiang dinaranas ninyo, tulad namin. Kaya’t matibay ang aming pag-asa para sa inyo sapagkat alam naming kahati kayo sa aming kaaliwan, kung paanong kayo’y kahati namin sa pagtitiis.” (2 Co 1, 3-7) Matapos ipahayag ni San Pablo ang kanyang pag-aala-ala sa mga problema ng komunidad, nagbigay siya ng mga payo sa bawat problema, at tinapos niya ang sulat ng pakikipagkasundo: “Hanggang dito na lamang, mga kapatid, at paalam na sa inyo. Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko. Magkaisa kayo at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan. Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo. Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kapatid sa iglesya. Nawa’y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesucristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikipag-isa ng Espiritu Santo.” (2 Co 13, 11-13)

Magkaisa sa gitna ng pagkakaiba

9. Walang alinlangan na, tulad ng Simbahan sa Corinto, tayo rin ay Simbahan na may mga kasaping tapat at may mga katangian upang itayo ang katawan ni Cristo. Subalit, tulad din sa Corinto, napapansin ko na sa ilang parokya sa ating Bikaryato, ay may mga “grupong makasarili”. Tunay nga na sa mga kadahilanang pastoral ay kailangan nating pagbigyan ang mga lehitimong kahilingan ng mga taong may iba’t-ibang tradisyon, wika at bansa. At katulad din ng aking sinundan na si Obispo Bernard Gremoli, sinisikap kong tugunan ang pangangailangan na madagdagan ang bilang ng mga pari para sa iba’t-ibang mga rito, wika at mga bansa. Ang mga misa ay ipinagdiriwang at ang mga “retreats” ay ibinibigay sa iba’t- ibang wika, estilo at para sa mga grupong partikular. Gayun pa man, mayroon din panganib. Karamihan sa ating mga mananampalataya – pati na ang kaparian – ang mahalaga lamang sa kanila ay ang kanilang sariling wika, rito o gawain at hindi na nila binibigyang pansin ang pangangailangan ng ibang grupo. Sa ibang salita, ito ay halos kahawig ng sekta na binabatikos at itinutuwid ni San Pablo sa Corinto. Kung magkaminsan ang tulong pastoral para sa mga kasapi na may kakulangan sa wika, at ang kanilang lehitimong kahilingan tungkol sa kanilang sariling tradisyon, ay maaring

7

maging pansarili lamang. Ang ganitong mga tao ay walang kamalayan o hindi mahalaga sa kanila ang ating kalagayan dito sa Gulpo. Ang isang taong umalis sa sariling bansa sa mahabang panahon (o panghabang buhay man) ay hindi dapat umasa na matatagpuan niya sa sitwasyong kanyang dinatnan ang kanyang iniwan doon sa sariling bansa. Tanungin ninyo sina Abraham, Isaac at Jacob; tanungin ninyo si Moises, ang ibang mga propeta at ang mga taong ipinatapon – hindi nila nadala ang lahat ng nais nilang dalhin. Kinailangan nilang makibagay sa situwasyon bilang migrante at gumawa ng lehitimong pag-ayon sa bagong sitwasyon. Sa ganitong paraan, ang kanilang pananampalataya ay hinuhubog ng Diyos na siyang gumagabay sa kanila sa gitna ng mga pagsubok bilang mga migrante.

10. Totoo na sa ating paglingap pastoral ay hindi nakakalimutan ang pagkakaiba-iba ng mga tao sa loob ng Simbahan. Magkagayun man ay mahalaga nating isaisip na ang pagkakaisa ng katawan ni Cristo ay hindi lamang sa ating mga labi kundi sa atin ding mga pagkilos. Mahalagang banggitin si San Ignacio ng Antioquia na sumulat sa mga Magnesiano: “Sumang-ayon kayong lahat sa Diyos at igalang ang bawat isa. At huwag husgahan ninuman ang kapwa, manapa’y magmahalan ang bawa’t isa kay Cristo Jesus. Iwasan ninyo ang anumang makapaghahati, sa halip ay maki-isa kayo sa inyong obispo at sa mga namumuno sa inyo bilang halimbawa ng walang hanggang buhay.” Kailangan dito ang diwa ng pag-ibig, paggalang sa isa’t-isa at pagtitimpi sa sarili – sa maikling salita, ang pagpapakumbaba. May mga kakulangan sa ating parokya tungkol paggamit ng mga lugar at oras. Sa ating Simbahang Katolika ay may unawaan na ang isang parokya ay hindi lamang isang kalipunan ng malalayang grupo at mga “quasi-parishes” na kung saan ang bawa’t isa ay ipinagtatanggol ang sari-sariling interes na hindi man lamang isinasa-alang-alang ang mga pangangailangan ng iba. Hindi natin dapat kalimutan na tayo ay tinawag unang-una upang magkakasama tayong sumaksi bilang “Iisa kay Cristo”.

Pagtagumpayan ang grupong makasarili

11. Isang halimbawa: sapagkat tayong lahat ay nagmula sa iba’t-ibang bansa at taglay natin ang sariling kaugalian, kalimitang ipinagdiriwang natin ang mga kapistahan mula sa ating mga bansa. Subalit, ang mga kapistahan ay hindi dapat isipin bilang “ari-arian” ng isang grupo, bagama’t ang ilang kaugalian ay maaring igalang. Halimbawa, ang apostol na si Santo Tomas ay apostol

8

ng buong Simbahang Katolika at hindi lamang ng mga Syro-Malabar; si San Francisco Javier ay santo ng buong Simbahang Katolika at hindi lamang ng mga taga-Goa; si San Charbel na pinipintuho ng mga taga Lebanon ay santo rin ng buong Simbahang Katolika; ang pagsilang ng Mahal na Birhen ay isang kapistahan ng buong Simbahan at hindi lamang ng mga taga-Mangalore; ang Santo Niño ay pinipintuho hindi lamang ng mga Pilipino kundi ng buong Simbahang Katolika at ang iba pang mga kapistahan. Magandang pangalagaan ang mga sariling kaugalian. Subalit, dapat itong maging bukas sa ibang mga tao at dapat silang isali at hindi ibukod o isang-tabi.

12. Napapansin ko na sa ating Bikaryato ay maraming mga “retreats” at ibang mga gawain. Tunay na ito ay nagpapahiwatig ng pangangailangang espirituwal ng maraming kasapi na nais nilang tugunan. Natutuwa ako kung ang ating mga kasapi ay lumalago sa kalooban at isipan at kung ang lahat ng mga gawaing ito ay nagbubunga ng isang matibay na pananampalataya at matuwid na pamumuhay. Gayunpaman, dapat nating sikapin na ang mga gawaing ito ay magpapalalim ng ating pananampalataya at hindi hahantong sa sobrang pagpapahalaga sa sariling grupo at tutungo sa pagkakawatak-watak ng komunidad sa ating mga parokya.

Maglingkod sa Simbahan ngunit huwag kaligtaan ang sariling pananagutan

13. Tumatatanaw tayo ng utang na loob sa lahat ng mga mananampalataya na nagbibigay ng kanilang panahon sa iba’t-ibang gawain na nagpapasigla sa ating mga komunidad sa parokya. Nakatataba ng puso ang makita ang maraming kasapi na nangangalaga sa iba’t-ibang pangangailangan sa ating simbahan. Tulad ng mga gawain sa labas ng simbahan: ang pagdalaw sa mga maysakit sa mga pagamutan at nasa bilangguan, sa mga nasa “labor camps” at iba pang gawain. Maraming kababaihan at kalalakihan ang nagbabahagi ng malaking panahon para sa mga gawain ng simbahan. Gayunpaman, ang mga gawaing ito ay hindi dapat maging dahilan upang kaligtaan o iwasan ang mga responsabilidad sa kani-kanilang asawa at lalo na sa kani-kanilang pamilya. Maaring mangyari na ang mga gawain sa simbahan ay isa lamang dahilan upang kaligtaan ang sariling pamilya. Makabubuting alalahanin lagi ang magandang payo ni San Francisco de Sales sa mga layko: “Sinasabi na ang debosyon ay dapat gawin isa iba’t-ibang paraan ... naka-akma sa lakas, sa trabaho at sa mga pananagutan ng bawat isa.

9

Sabihin mo sa akin, Philothea, kung tama ba para sa isang manggagawa na gugulin ang buong araw sa simbahan na parang isang pari o madre; o kung tama ba para sa isang pari o madre na tumulad sa isang obispo na nakaharap sa lahat ng pangyayari na may kinalaman sa pangangailangan ng ating kapwa. Hindi ba’t ang ganitong uri ng debosyon ay tiwali, walang direksiyon at hindi katangap- tangap? Subalit ang ganitong kamalian ay malimit mangyari, ang tunay na debosyon ay walang sinisira, Philothea.” (Francisco de Sales, Philothea)

Mga pamilya na naapektuhan ng migrasyon

14. Tulad ng aking nabanggit na, ang mga mag-asawa at ang mga pamilya sa ating panahon ay nahaharap sa maraming pagsubok. Gayunpaman, mahalaga na ating bigyang-diin una sa lahat ang kagandahan ng matibay na pagsasamahan ng mag-asawa at ng mga pamilya. Taos-puso kong iminumungkahi na inyong pag-aralan ang “Apostolic Exhortation” ni Papa Francisco na ang pamagat ay “Amoris Laetitia” (The Joy of Love o Ligaya ng Pag-ibig). Pangunahing tinalakay ng Papa ang tungkol sa migrasyon at pamilya. Aking babanggitin ang bilang 46 na maaring kahawig ng inyong sariling karanasan: “Ang migrasyon ay isa pang tanda ng ating panahon na dapat nating harapin at unawain lalo na ang mga negatibong epekto nito sa buhay-pamilya. Binigyang-pansin ng katatapos na Sinodo ang bagay na ito. Binanggit dito na ang migrasyon ay may epekto sa buong sambayanan sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. At ang Simbahan ay may mahalagang papel na ginampanan sa bagay na ito. Ang pagpapanatili at pagpapahayag ng Ebanghelyo ay higit na kailangan ngayon. Ang paglalakbay ng mga tao, na likas sa kanila, ay nagpapatunay na ito ay maaring maging isang paglago ng mga pamilyang migrante at ng bansang tumatanggap sa kanila. Higit sa lahat, ang puwersahang migrasyon ng mga pamilya dala ng giyera, pag-uusig, kahirapan at kawalan ng hustisya, ang hirap ng paglalakbay na may panganib sa buhay ay nagiging dahilan ng malalim na sugat sa kanilang puso at pagkawasak ng mga pamilya. Sa pagdamay sa mga migrante, ang Simbahan ay nangangailangan ng isang tiyak ng gawaing pastoral na tutugon hindi lamang sa mga pamilyang umalis kundi pati na rin sa mga kapamilyang naiwanan. Ang ganitong gawaing pastoral ay dapat isagawa habang isinasa-alang-alang ang kanilang kultura, ang kanilang maka-tao at espiritwal na paghubog na tinanggap nila sa kanilang bansa. Dapat ding isa-alang-alang ang kayamanang espiritwal ng kanilang mga rito at kaugalian. Dapat gawin ito sa pamamagitan ng isang tiyak na pangangalagang pastoral.”

10

Ang kagandahan ng pamilya sa gitna ng mga pagsubok

15. Wala tayong solusyon sa lahat ng mga problema may kinalaman sa sitwasyong binanggit ng Papa sa kanyang “Apostolic Exhortation”. Mahalagang isa-isip ang mga talata sa “Amoris Laetitia” sa bilang 57: “Nagpapasalamat ako sa Diyos na maraming pamilya, na bagama’t hindi masasabing perpekto, ay patuloy namang nabubuhay sa pag-ibig, at isinasabuhay ang kanilang bokasyon bilang pamilya at pasulong na kumikilos bagama’t kung minsan ay nadarapa. Ang pagninilay ng Sinodo ay nagpapakita na walang iisang larawan ang huwarang pamilya. Sa halip, ito ay isang larawan ng iba’t-ibang realidad ng buhay, taglay ang kanilang ligaya, pag-asa at problema. Ang mga sitwasyon na ating nais harapin ay mga pagsubok. Hindi tayo dapat makulong sa pag-aaksaya ng lakas sa paghihimutok, sa halip ay humanap ng mga bagong pamamaraan ng pagmimisyon. Sa bawat sitwasyon na nasa harapan natin, batid ng Simbahan ang tungkuling maghatid ng salita ng katotohanan at pag-asa. Ang dakilang halaga ng kasal at ng kristiyanong pamilya ay tumutugma sa isang paghahangad na bahagi naman ng pagiging tao.”

16. Sa “Amoris Laetitia” ay iniaalay ni Papa Francisco ang isang pagninilay sa 1 Corinto 13 na may praktikal na payo hinggil sa Ating Pag-ibig na Pang-araw-araw (nn. 89-119). Ang pag-ibig na binabanggit ni San Pablo ay nagiging mabunga hindi lamang sa ugnayan ng mag-asawa, magulang at mga anak kundi pati na sa mga kapwa natin kristiyano at maging sa mga kaanib ng ibang relihiyon. Hindi makatutulong kung bibigyan-pansin lamang ang mga problema at kalilimutan ang kagandahan ng buhay at pag-ibig, ang ligayang dulot ng buhay-pamilya. At ang kaligayahang makita ang paglaki ng mga anak - at matulungan silang tahakin ang tamang direksyon sa buhay. Kung ang pamilya ay nagkakaisa sa pag-ibig, sa kanilang sama-samang pagdarasal at paggalang sa isa’t-isa, ito ay makapagbibigay ng pagkakaisa sa komunidad ng parokya. Hindi makatotohanang isipin na ang mga taong nabubuhay sa isang magulong pamilya ay makapagbabahagi ng kapayapaan at ligaya sa isang grupo o sa parokya.

Pagbibigay halaga sa kasal at buhay-pamilya ng mga migrante

17. Marami tayong mga gawain at grupo na naglalayong pasiglahin ang kasal at buhay-pamilya. Simulan natin sa “Marriage Preparation Courses” na hindi

11

isang pag-aaksaya ng panahon bago ikasal, manapa’y isa itong pagpapalalim ng pag-unawa sa kahulugan ng kasal at buhay-pamilya at tulong sa mga magnobyo upang pahalagahan ang sakramento ng kasal. Ang kasal ay hindi nababatay sa emosyon o kung ano ang nararamdaman. Ito rin ay higit pa sa pagiging magkasosyo sa negosyo. Ito ay isang sakramento na nagpapatunay na ang kasal ay may kinalaman sa ugnayan ni Kristo sa sangkatauhan at kaugnayan ni Kristo sa Simbahan. Para sa ating mga kristiyano, mahalagang unawain na sa kasal at buhay-pamilya sa simula’t simula pa ay may isa pang kasama sa tipanan ng kasal: si Jesucristo. Pagkatapos ng kasalan, makatutulong na kayo ay sumali sa isa sa mga grupo o kilusan tulad ng “Family Ministry”, “Couples for Christ”, “Marriage Encounter”, “Catholics for Family and Life”, “Equipes Notre Dame” at iba pa. Gayunpaman, walang kilusan o grupo ang maaring pumalit sa pagsasamahan ng mag-asawang nag-uusap at nananalangin, magkasama ang magulang at mga anak.

Paglago sa pananampalataya ng mga anak at matatanda

18. Ang mga magulang ang unang katekista ng kanilang mga anak. Ang mga halimbawa at mga salita ng mga magulang ay siyang pangunahing aral na natututunan ng isang bata. Mula sa labi ng kanilang ina at ama, ang mga anak ay natututo (o dapat matuto) ng mga mahalagang panalangin at aral- Kristiyano. Ang katesismo sa parokya ay nagpupuno lamang at nagpapalalim sa mga natutunan na sa pamilya. Hindi maaring isipin na ang katesismo ang siyang kapalit sa kakulangan ng pagtuturo ng mga magulang sa kanilang anak. Tulad ng aking nabanggit, dapat makita at maranasan ng mga bata ang halimbawa ng kanilang mga magulang. Ito ang magbibigay sa kanila ng tapang at ligaya upang ipagpatuloy ang kanilang naranasan. Kahit na sa kalaunan ay maari silang humarap sa ilang pagsubok sa buhay. Batid ko na sa maraming pagkakataon, ang mga magulang ay walang panahon at lakas ng loob na tuparin ang lahat ng kanilang mga tungkulin. Kung sila ay nakatira sa iba’t-ibang lugar o may pinagdaraanang hirap sa trabaho, ang maaapektuhan ay ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

19. Maraming mga magulang ang parang walang kakayahang magturo ng relihiyon sa kanilang mga anak sapagkat sila man ay hindi naturuan o kaya’y kanila nang nalimutan. Sila mismo ay nahihirapang gumamit o magbasa ng Bibliya at dahil dito at hindi nila matulungan ang kanilang mga anak nang

12

maayos. Naiisip ko na sa kabila ng pangangalaga ng ating Bikaryato tungkol sa katesismo ng mga bata, ay mahalaga ding turuan ng katesismo ang matatanda, hindi lamang ang mga naghahanda para sa binyag o nagnanais na maging katoliko, kundi pati na rin ang matagal nang kasapi. Kung paanong ang kaparian (at pati na mga obispo) ay kailangang patuloy na mag-aral ng teolohiya at magsanay sa gawaing pastoral, ang bawa’t layko ay gayun din ang dapat gawin. Tunay nga, na yaong mga nagsisimba tuwing linggo ay dapat makatanggap ng wastong aral sa mga homiliya – kung ang mga ito ay tunay na pinaghandaan at ang mga kasapi ay nabubusog sa kanilang pangangailangang espiritwal at pang- isipan. Ipina-alala sa atin ni Papa Francisco – sa mga kaparian at mga obispo – ang ating responsabilidad tungkol dito. Ako ay nakatitiyak na maraming mananampalataya sa ating Bikaryato ang naghihintay ng wastong aral mula sa mga homiliya sa misa.

20. Gayunpaman, bukod sa mga pakinabang na nakukuha sa lingguhang misa o sa mga “prayer groups”, makabubuting umanib kayo sa programa sa parokya na makatutulong sa inyo upang lumalim ang inyong kaalaman sa Bibliya at upang matuto kayong sumagot sa mga tanong ng mga hindi katoliko. Sumali din kayo sa mga programang magbibigay ng kasanayan na kailangan sa pagtuturo ng katesismo sa mga bata. At sa huli, sumali kayo sa mga programang magpapalalim sa inyong personal na kabatiran sa pananampalataya. Sa halos lahat ng ating mga parokya ay may “Bible Study” na iniaalay. Mayroon ding iniaalay na katesismo sa matatanda o kaparehong programa. At huwag kalimutan na maari din mag-aral “on line”. Ang ating “Office of Christian Formation” ay maaaring magbigay sa inyo ng kakailanganing kaalaman at tulong.

Mga Mag-asawa at pamilyang dumadaan sa pagsubok

21. Alam natin na hindi lahat ay nangyayari ayon sa ating inaasahan. Hindi lamang ang Simbahan, tulad ng nakita natin sa karanasan ng mga unang kristiyano sa Corinto, kundi pati na rin ang mga pamilya ngayon ay maaring dumaan sa pagsubok. May mga sitwasyon na kung saan may mga taong wala nang lakas na makibaka sa buhay. Kung minsan, ang mag-asawa ay walang lakas ng loob na humingi ng tulong bago pa mahuli ang lahat. Hindi dapat mahiyang humingi ng “counselling” kung may problema ang mag-asawa. Ang “Family Ministry” ay maaring pagkunan ng “first aid” na tulong. Kung

13

kinakailangan ay huwag mangiming makipag-usap sa isang pari, diyakono o isang “psychological counsellor” at humingi ng tulong. Batid ko na karamihan sa ating mga mananampalataya ay mas gustong makipag-usap sa isang pari, o diyakono o madre kaysa isang layko. Subalit, nais kong bigyang-diin na marami tayo mga laykong sinanay at may kakayahan na tumulong sa mga mag- asawa at mga pamilyang may problema. Gayunpaman, ang higit na mahalaga ay ang kahandaan nilang magpatawad at makipagkasundo, tanggapin ang sariling kamalian, at hindi ang hanapin ang kamalian ng kabila.

22. Gayunpaman, ano ang maaring gawin kung wala nang solusyon, kung ang pagsasama ay nasira na at ang pamilya ay magkakahiwalay? Sinabi ni Papa Fancisco sa “Amoris Laetitia” ang tungkol sa pagkilala sa hindi tamang sitwasyon at ang tulong pastoral na mababasa sa mga bilang 296-312. Pinansin ng ilang mga obispo at kardenal ang ilang mga pahayag ng Papa. Natatakot silang baka sirain ng Simbahan ang aral ng Panginoon. Ang Sinodo o ang Papa ay hindi tumatalikod kailanman sa aral tungkol sa “indissolubility” ng isang balidong kasal ng mga binyagang kristiyano. At mga talakayan sa Sinodo ay kung ang mga taong diborsiyado at muling ikinasal sa sibil ay hindi na dapat tumanggap ng sakramento ng kumpisal at eukaristiya sa habang buhay. Kahit na sa mga sitwasyong ang unang kasal ay hindi na maaring magkabalikan pa. Hindi ko maaring banggitin ang buong talata tungkol dito sapagkat hahaba ang sulat na ito. Nais ko lamang banggitin ang sinabi ni Papa Francisco na mahalaga tungkol sa bagay na ito. Nais ko ring himukin ang mga tao na lumapit sa isang pari at alamin kung paano nila maisasabuhay ang kanilang pananampalataya sa masalimuot nilang kalagayan.

23. Matapos talakaying puspusan ang tungkol sa iba’t-ibang aspeto ng kasal at buhay-pamilya ang Papa ay nagbigay ng ilang patnubay kung paano haharapin ang “magusot na sitwasyon”. Tanggap niya na kahit na ang Sinodo ay hindi nakapagbigay ng huling salita tungkol sa masalimuot na siwasyon: “Kapag ang isang responsableng tao, na hindi inuuna ang sariling kapakanan kaysa ang kabutihan ng nakararami sa Simbahan, ay nakipagkita sa isang pari na may kakayahang alamin ang kahalagahan ng kasong hinaharap niya, hindi niya isiping ang Simbahan ay namamangka sa dalawang ilog”. (Amoris Laetitia, n. 300)

14

Ang nasirang kalagayan ay may pag-asa

24. Patuloy na ipinaliwanag ng Papa ang alituntunin na dapat sundin ng mga pastol: “Kapag inisip natin na ang lahat ng bagay ay puti o itim, isinasara na natin minsan ang daan ng grasya at paglago; at hinadlangan natin ang daan ng kabanalang nagbibigay luwalhati sa Diyos. Alalahanin natin na ang isang maliit na hakbang, sa gitna ang malaking kakulangan ng tao, ay maaring maging kalugod-lugod sa Diyos kaysa sa isang buhay na waring maayos sa tingin, ngunit humaharap sa buhay na walang pinaglalabanang kahirapan. Ang praktikal na pangangalaga ng mga ministro at ng mga komunidad ay dapat yumakap sa ganitong kalagayan.” (Amoris Laetitia, n. 305) Kagaya ng Papa Francisco, nais ko ring sabihin sa lahat ng mga nakakaranas ng kabiguan sa kanilang pagsasama at sa buhay-pamilya na maari din silang umasa ng pagkalinga at pag-unawa ng Simbahan. Bagama’t hindi laging posible na ayusin ang magusot na sitwasyon, gayunpaman ang mga kapatid nating nasa ganitong kalagayan ay nananatili pa ring kaanib ng Simbahan at dapat natin silang isama sa ating panalangin at mga paglingap pastoral.

25. Hindi tayo nabubuhay sa isang mundong perpekto. Bagama’t ipinahahayag natin sa Credo ang ating pananampalataya sa “isa, banal, katolika at apostolikang Simbahan” batid nating tayo man ay makasalanan din na tinatawag tungo sa kabanalan. Bilang mga migrante, nababatid natin higit kaysa sa iba ang kahulugan ng pagsasabuhay ng mga bagay na makalangit dito sa lupa. Makabubuti na isipin natin ang isinulat ni San Pablo tungkol sa kanyang gawaing apostoliko: “Sapagkat ang Diyos na nagsabing ‘mula sa karimlan ay sisilang ang liwanag ‘ay siya ring nagbigay-liwanag sa aming mga isipan upang makilala ang kadakilaan ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo. Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espiritwal na ito ay hamak – kung baga sa sisidlan ay palayok lamang - upang ipakilala ang di malirip na kapangyarihan ng Diyos, at hindi amin. Ginigipit kami sa kabi-kabila ngunit di nagagapi. Kung minsan ay nag-aalinlangan kami ngunit di nawawalan ng pag-asa.” (2 Co 4, 6-8) Sa gitna ng mundong hindi perpekto at sa gitna ng Simbahan na nakikibaka sa panahong ito “tayo man ay kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.” (Efeso 2, 22)

15

Kasama natin ang Mahal na Birhen

26. Naisulat ko na sa una na tayo ay hindi iniwan ng Panginoon sapagkat nangako si Kristo na sasamahan tayo hanggang sa katapusan ng panahon. Hindi rin tayo ulila sa Ina, sapagkat ang Mahal na Birheng Maria, Ina ng Dios, ay lagi nating kasama sa paglalakbay. Kung paanong naglakbay siya upang ibalita ang kanyang pagbubuntis sa pinsang niyang si Elisabet, ngayon din naman lumalapit at tayo ay sinasamahan. At binibigyan niya tayo ng isang regalo: ang ating Manunubos na si Jesucristo, Anak ng Dios at anak ni Maria. Manalangin tayo sa kanya sa mga titik ng isang awit ng manlalakbay sa wikang Espanyol (Santa Maria del Camino):

Hindi ka kailanman nag-iisa sa buhay, Si Maria ay kasama mo sa iyong paglalakbay, Samahan mo kami, Maria, sa aming paglalakbay.

Kahit na sabihin sa iyo na walang pagbabago, Ipaglaban mo ang isang bagong mundo, ang katotohanan. Samahan mo kami, Maria, sa aming paglalakbay!

Kahit na hindi ka kilalanin ng iba sa mundo, Gayunpaman, lumapit ka sa mga sumasama sa iyo.Samahan mo kami, Maria, sa aming paglalakbay.

Kahit na waring walang saysay ang magpatuloy, Manatili ka sa daan, ang iba ay susunod sa iyo. Samahan mo kami, Maria, sa aming paglalakbay!

Obispo Paul Hinder, O.F.M. Cap. Bikaryo Apostoliko ng Timog Arabia

Abu Dhabi, 15 Agosto 2017 (Pag-aakyat sa langit ng Mahal na Birheng Maria)

APOSTOLIC VICARIATE OF SOUTHERN ARABIA P.O. Box 54, Abu Dhabi. Tel: +971 2 446 1895, Fax: +971 2 446 5177

Email: [email protected] | Website: www.avosa.org

PARISHES IN THE U.A.E.

ABU DHABI - St. Joseph's ChurchP.O. Box 54, Abu Dhabi.Tel: 02 446 1929, Fax: 02 446 [email protected]

ABU DHABI - St. Paul’s Church, MusaffahP.O. Box 9218, Abu Dhabi.Tel: 02 446 [email protected]

AL AIN - St. Mary’s Church P.O. Box 15645, Al Ain.Tel: 03 721 4417, Fax: 03 721 7929 [email protected]

DUBAI - St. Mary’s ChurchP.O. Box 51200, Dubai.Tel: 04 337 0087 /335 8504, Fax: 04 334 7594 [email protected]

JEBEL ALI - St. Francis of Assisi ChurchP.O. Box 72715, Jebel Ali.Tel: 04 884 5251, Fax: 04 884 [email protected]

FUJAIRAH - Our Lady of Perpetual Help ChurchP.O. Box 1168, Fujairah.Tel: 09 223 1377, Fax: 09 222 [email protected]

RAS AL KHAIMAH - St. Anthony of Padua ChurchBox 10946, Ras Al Khaimah.Tel: 07 222 2377, Fax 07 222 [email protected]

SHARJAH - St. Michael’s Church P.O. Box 1745, Sharjah.Tel:06 5662424/06 5662049,Fax: 06 [email protected]

PARISHES IN OMAN

RUWI - MUSCAT - Sts. Peter and Paul ChurchP.O. Box 613, Ruwi 112. Tel: +968 2470 1893, Fax: +968 2478 [email protected]

GHALA - MUSCAT - Holy Spirit ChurchP.O. Box 371, Madinat Qaboos 115. Tel: +968 2459 0373, Fax: +968 2450 [email protected]

SALALAH - St. Francis Xavier ChurchP.O. Box 1405, Salalah 211. Tel: +968 2323 5727, Fax: +968 2323 5787www.stfrancissalalah.org

SOHAR - St. Anthony’s Church P.O. Box 842, Sohar 311. Tel: +968 2684 1396, Fax: +968 2684 [email protected]

www.avosa.org | facebook.com/avosarabia | twitter.com/avosarabia

P. O. Box 54, Abu Dhabi, United Arab EmiratesTel:+971 2 4461895 | Fax:+971-2-4465177 | Email: [email protected]