Ang Daluyan Anniv Issue 2013

16
1

description

 

Transcript of Ang Daluyan Anniv Issue 2013

1

2

Mensahe mula sa

Daluyan Maligayang pagbati, Buklod!

Heto na naman ang panahon ng pagbabaliktanaw. Ngayon ay tatlumpu’t dalawang taon na ang nakaraan mula ng itinatag ang organisasyon na ating pinakamamahal. Parami nang parami ang mga sandaling nagiging alaala rin sa madaling panahon, kung kaya’t hindi tayo kailanman mauubusan ng mapapagkuwentuhan.

Ang nakaraan ay nakaraan. Ngunit ang nakaraan ay may patutunguhan, at iyon ang isa pang binibigyang-halaga natin sa okasyon na ito. Isinasaisip natin sa Buklod kung paano tayo makapagbabalik sa bayan na siyang kinagagalawan nating lahat sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng sikolohiyang malaya, mapagpalaya, at mapagpabagong-isip. Kung kaya’t hindi maiiwasan na ang paglingon sa nakaraan ay may kaakibat na pagtanaw sa hinaharap.

Sa pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng UP Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino, ipagpatuloy nating hanapin ang kabuluhan sa nakaraan at hinaharap. Sa ganitong paraan, masisiguro natin na sa bawat gawain nito, ang Buklod ay ginagabayan pa rin ng mga prinsipyo at layunin na makakapwa at makabayan.

Nagmamahal,Daluyan

Michelle Yzabel AlcantaraClarysse Bernadette Alfonso

Justine Veronique Christine AzarragaValerie Borja

Patricia Angeline EscalonaJoseph Dominic Liao

Henessy Mae OrbetaEthel Gee Divinee PabloZoe Ysabel PadillaDarynne Ariana SolidumShiela Mae Tamparong

Punong Patnugot | Gabriela Victoria Timbancaya~ Ang Daluyan ~

P.S. Maaari nyong basahin ang iba pang mga lathalain ng mga Kids sa Tumbuk, ang Tumblr account ng Buklod! Ang Daluyan ang kasalukuyang namamahala sa blog na ito, na nasa http://tumbuk.tumblr.com/.

3

Mensahe mulasa BTT Antonia

Beatrice Lee Isang mapagpalayang Gabi ng Anibersaryo!

Marahil, para sa marami sa atin, mahirap ang dumalo sa gabing ito ng selebrasyon dahil sa kaalamang may mga kababayan tayong naghihirap ngayon dahil sa hagupit ng bagyong Maring. Ang mga ganitong pangyayari sa bansa ang siyang gumigising sa diwa natin ng pakikiisa sa sambayanang Pilipino, at gumagabay sa'tin upang tuluyang makatugon sa mga pangangailangan nito. Ang pagdalo natin ay simbolo 'di lamang ng pakikiisa natin sa pinakamamahal nating organisasyon, kundi pakikiisa natin sa kapwa tao natin sa pagtaguyod ng Sikolohiyang gagabay sa atin sa ganitong oras ng kagipitan - isang sikolohiyang malaya at mapagpalaya.

Dahil dito, sa ating pagdiriwang ng ating ika-tatlumpu't dalawang taon, dalawa ang nilalayaong makamit ng Bukluran: ang pagpapatibay ng relasyon ng bawat kasapi sa isa't isa at sa organisasyon, at ang paglalabas sa organisasyon upang maka-ambag sa pagbabago sa lipunan. Sa pamamagitan ng pagbabalik sa ugat at puso ng organisasyon at sa konteksto kung sana ito nabuo, mas lalalim ang tunguhan ng mga miyembro, at mas lalakas ang pagnanasang magbigay ng maka-kontekstong pagtulong at pagtugon sa ating mga kapwa PIlipino. Ito ang pag-iisip na nais naming ipamana sa mga Buklet, at palakasin sa mga Bukid, at tinitingala namin sa mga Bukbok. Kaya naman ang tema sa ika-32 taon ng UP Buklod-ISIP ay Balik-Bayan: Balikan ang Pinagmulan, Magbalik sa Bayan.

Sa gabing ito, maliban sa masarap na salu-salo at pag-uusap, sana'y maging makahulugan at makabuluhan ang ating pagsasama-sama. Sana'y lumalaim pa ang pag-intindi natin lahat di lamang sa pinanggalingan ng organisasyon, kundi pati na rin sa mga paraan upang magamit natin ang ating mga natutunan mula rito sa ating mga pag-aaral, pagtatrabaho, at pang-araw-araw na buhay.

Sama-sama tayo tungo sa isang Sikolohiyang malaya at mapagpalaya!

4

| LuKasLupon ngKasapianBT: Jaslyn Monique Viray

Una sa mga gawain ng LuKas ngayong semestre ay ang Integration Activity na ginanap noong Hunyo 10, 2013. Nagkaroon muna ng masiglang laro bilang ice breaker na sinundan ng kwentuhan ayon sa mga gabay na paksang nakahanda. Naging matagumpay ang gawaing ito na nakalaan para ipagtibay ang samahan ng Kids sa pagsisimula ng taon. Ang dapat na hanggang 5pm lamang na teambuilding activity ay umabot hanggang 8pm dahil maraming nais magbahagi at makinig sa kwento ng bawat isa.

Sa pamumuno naman ni LuKas Bebe Vanessa at LuGaw BT Pat, nagkaroon ng napakasayang Palarong Pambukluran bilang teambuilding ang Kids at Lets. Ang apat na kupunang naglaban-laban noong Hulyo 20 sa Sunken Garden ay ang “UBEybehhs,” “PINK Perfect,” “Apoy sa gubat,” at “Threending” na binubuo ng tig-siyam na kasapi (limang kids at apat na lets bawat kupunan). Isa sa mga di malilimutang laro ay ang Agawan Buko dahil marami talaga ang napalapit sa isa’t isa dahil dito ;D

Plano naman na isagawa ang Heart-to-Heart sa huling linggo ng Agosto hanggang Setyembre. Naglalayon ang LuKas na pakinggan ang saloobin ng bawat Kid at Let sa Bukluran sa pamamagitan ng kwentuhan.

Sa kasalukuyan, may 34 na BukLets ang sumasailalim sa App Process. Kanila nang nakilala ang SP at ang Bukluran sa apat na Workshop at Expo Trip na kanilang napagdaanan. Tinatapos na nila ngayon ang kanilang mga sigsheet. Ipapamalas nila ang mga natutunan nila sa proseso ng pagsapi sa mga interbyu na gaganapin sa ikatlo at ikaapat na linggo ng Setyembre. Magtatapos naman ito sa Induksyon na gaganapin naman sa Oktubre 19-20.

5

LupUs | Lupon ngUgnayang Panlabas

BT: Maria Carla Buenaflor

Una sa lahat, kasalukuyang inaaayos ng LupUs ang Bukbok directory at in-uupdate ito upang mas mapadali ang daluyan ng impormasyon sa pagitan ng mga BuKid at mga Bukbok, mas lalo na pagdating sa pag-anyaya sa mga Bukbok sa mga event ng Bukluran. Mayroong sarbey form na naka-post sa Bukbok Ako! Facebook group, kung saan maaaring i-update ng mga Bukbok ang kanilang contact information.

Pangalawa, balak din ng LupUs, kasama ang Lupon ng Gawaing Pangkalinangan, na gawing buwanan ang Lingap Kamay, na magsisilbi na ring “immersion” o paglubog ng mga BuKid sa isang sektor ng lipunan. Ang Lingap Kamay ay isang proyekto kung saan pupunta at makikisalamuha ang mga BuKid sa isang mahirap at naisasantabing komunidad. Mahalaga ito upang maintindihan ng mga BuKid ang pangangailangan at konteksto ng mga miyembro ng komunidad na ito, at siyempre, para na rin makatulong sa kanila. Pagkakataon din ito upang maisabuhay ng mga BuKid ang kaalaman nila ukol sa Sikolohiyang Pilipino.

Pangatlo, gaganapin ang SP Career Talk sa susunod na semestre sa Linggo ng Sikolohiya sa Pebrero. Aanyayahan ang ilang mga propesyonal mula sa iba’t ibang larangan upang talakayin ang kanilang propesyon, at kung paano nila naisasabuhay ang Sikolohiyang Pilipino sa kani-kanilang mga Karera. Mahalaga ito upang ipaalam sa mga mag-aaral na ang Sikolohiyang Pilipino ay hindi nalilimitahan sa loob ng silid-aralan.

Panghuli, ang UP Buklod-ISIP ang mangunguna sa isang proyekto ng Charity of Psychology Societies o CPS—isa sa mga affiliate ng organisasyon. Makakasama ng mga BuKid ang Samahan ng mga Mag-aaral ng Sikolohiya mula sa De La Salle University, Ateneo Psyche, Mapua Psychological Society at UST Psychology Society, upang magsagawa ng kawanggawa sa isang organisasyon o institusyon na napili ng host school. Ang UP Buklod-ISIP, bilang host school ng CPS para sa taong ito, ang mamimili ng komunidad na tutulungan kasama ng mga nabanggit ng organisasyon mula sa mga nasabing unibersidad. Ang UP Buklod-ISIP ang magiging pinuno sa pagpaplano ng proyektong pagtutulungan-tulungan ng mga miyembrong organisasyon ng CPS. Ito ay gaganapin sa taong 2014.

Para sa ika-32 na taon ng UP Buklod-ISIP, may apat na proyekto ang Lupon ng Ugnayang Panlabas na nais nitong maisakatuparan bago matapos ang akademikong taon, kaakibat ng pangangalaga sa relasyon ng Bukluran sa mga affiliate at sa mga Bukbok.

6

|LuPagLupon ngPag-aaral at Pananaliksik

BT: Miguel Enrico Teves Sinimulan ng LuPag noong summer ng 2013 ang paghahanda para sa Application Process. Sinimulan ito sa isang pagpaplano at pagbibigay-layunin ng mga proyektong kaugnay nito, at pagbibigay na rin ng konkretong flow. Ang mga pangunahing layunin dito ay ang pagbahagi sa Lets ng pagbibigay-halaga sa SP at pagbigay ng kaalaman sa SP.

• SP Primer – Nilayong maging pangunahing batayan ng impormasyon tungkol sa SP ang SP Primer. Tiningnan kung akma pa ang mga halimbawa, inayos ang mga kaugnay na impormasyon, at inayos ang format at flow.• SP Workshop – Patuloy na inayos ang mga aktibidad para sa mga SP Workshop. Nagsilbing elaborasyon ito ng SP Concepts. Nagkaroon ng apat na workshop na isinagawa noong mga buwan ng Hulyo at Agosto.• Sekond Sig – Kaakibat din ng App process ay ang pagkolekta ng LuPag ng mga Sekond Sig. Naging layunin nitong mapaisip ang mga Kids sa kanilang sig at makita kung ano ang mga maibabahagi sa Lets.• Expo Trip – Naisagawa na rin ang Expo Trip sa Quiapo noong Agosto.

Maliban dito inagawa rin ang SP Refresher para sa mga BuKid. Nilayon nitong ipagbalik-tanaw ang mga Kids ukol sa mga konsepto ng SP.

Sinumulan na rin ang Tokle Series – isang series ng mga talk, discussion, at forum na may kaugnay sa mga konsepto o sa SP mismo. Sinimulan ito sa San Na Si SP: SP in the Classroom Setting, isang talk tungkol sa pag-aaral ni Propesor Jose Antonio Clemente. Dito na rin isinagawa ang naging Comics Launching ng mga San Na Si SP Comics. Ito rin ay naging bahagi ng mga aktibidad para sa buwan ng Anibersaryo.

Patuloy na pinaghahandaan ng LuPag ang mga susunod pang proyekto na tentatibong pinamagatang ACLE, Tokle 2, at ang Fishbowl Project.

7

LuPaP | Lupon ngPaglalathala’t Publisidad

BT: Danielle Marie Parreño

|LuPag Matagumpay ang naging simula ng taon para sa Lupon ng Paglalathala’t Publisidad. Bilang panimula, pinangasiwaan ng LuPaP ang Tambuklinis at Tambukbihis noong nakaraang tag-init kung saan layon ng LuPaP na magkaroon ng disenyo para sa tambuk na matibay at pangmatagalan.

Naging bahagi rin ang Buklod-Isip

sa taunang CSSP Organization Fair

kung saan nakamit ng Buklod-Isip ang Best Stage Design.

Ang design na ito ay pinangasiwaan ng LuPaP at pinagtulungang buuin ng mga Kids kung kaya’t mas

naging matagumpay ang resulta nito.

Tulad noong nakaraang taon, matagumpay din ang LuPaP sa paglabas nito ng mga pubmat para sa mga gawaing panlabas at panloob ng Bukluran. Naging instrumento ang mga pubmat na ito sa pagiging matagumpay ng mga pagdiriwang na inilunsad ng Bukluran para sa buwan ng anibersaryo.

Mayroon ding eksibit ang Buklod-Isip sa may PHAn lobby para sa pagdiriwang ng ika-32 Anibersaryo. Ang konsepto ng eksibit ay nakabatay sa tema para sa taon na ito na, “Balik-Bayan: Balikan ang Pinagmulan, Magbalik sa Bayan.” Mayroong magkabilang mukha ang eksibit kung saan pinamunuan ng Bukids at Buklets ang bawat isa. Ang bahagi ng Kids ay nagpapakita ng mga gawain ng Buklod-Isip para sa buwan ng anibersaryo sa anyo ng mga flight schedules sa airports, habang ang bahagi naman ng mga Lets ay nagpapakita ng iba’t-ibang Bukbok na bumalik at nagbalik sa bayan.

Nais ng LuPaP na maipagpatuloy pa ang mga magagandang nasimulan para sa ikauunlad ng Bukluran.

8

|LuGawLupon ngGawaing Pangkalinangan

BT: Patricia Castelo

Sa ika-32 taon ng UP Buklod-Isip, tuloy pa rin ang Lupon ng Gawaing Pangkalinangan (LuGaw) sa pagbibigay-diin ng halaga ng pagkatuto sa labas ng silid-aralan. Saan pa nga ba natin mas maiintindihan at mapapahalagahan ang SP kung hindi sa mismong kulturang ating ginagawalan?

Palarong Pambukluran Ngayong taon, ginanap ang Palarong Pambukluran noong ika-20 ng Hulyo. Nakasanayan nang ganapin ang Palaro sa buwan ng anibersaryo, ngunit minabuting agahan ito upang maaga ring magkaroon ng bonding session ang mga Kids at lalung lalo na ang Lets. Sa pamamaraang ito, maitatanim sa isip ng mga Kids, pati na ng mga Lets habang aplikante pa lamang sila, na maraming paraan ng pagtingin at pag-intindi sa SP. Kabilang na dito ang mga laro natin na hindi na gaanong nabibigyang pansin sa panahon ngayon, mahalagang bahagi rin naman ito ng kulturang Pilipino.

Awitin Mo, Itutuloy Ko! Taliwas sa mga nakasanayan sa nakaraang mga taon, may bagong programa ang LuGaw para sa pagdiriwang ng buwan ng anibersaryo: ang Awitin Mo, Itutuloy Ko! Isa itong paligsahan na naglalayong maipakita ang pagpapahalaga at pagmamahal sa kulturang Pilipino sa pamamagitan ng kakaibang larangan na kinawiwilihan ng mga Pilipino: sa pag-awit ng mga Original Pinoy Music (OPM). Gaganapin ito bilang pagtatapos ng buwan ng anibersaryo, sa ika-23 ng Agosto, 5:30 n.h. hanggang 7 n.g. sa PH 207.

Lingap Kamay Ipagpapatuloy din ngayong taon ang pagsasagawa ng Lingap Kamay, ang outreach program ng Buklod. Sa pamamagitan nito, mas maipapadama sa mga Kids ang kahulugan ng “pagbabalik sa bayan” na siyang bahagi ng tema ng Buklod sa pagdiriwang nito ng kanyang ika-32 taon. Pinaplanong gawin itong isang buwanang event pagsapit ng ikalawang semestre, ngunit sisimulan ito ngayong Setyembre. Ang nais na mga benepisyaryo sa taong ito ay mga bata.

9

LuPan | Lupon ngPananalapi

BT: Arisa Saisho

Dahil sa magandang kalakaran sa Lupon ng Pananalapi noong nakaraang taon, wala pa masyadong pagbabago sa mga gawain nito sa kasalukuyan. Buwan-buwan pa rin ang paglalabas ng financial statements (hard at soft copy) para sa bukas na paglalahad ng mga pang-pinansyal na transaksyon ng Bukluran. Para naman sa ating ika-32 Anibersaryo, nagkaroon ng rummage sale noong Aug. 5, 2013 sa Brgy. UP Campus, na masayang nilahukan ng mga BuKids at BukLets. Ang ilang natirang rummageables ay napagdesisyunan na i-donate sa City Hall, na mapupunta naman sa mga nangangailangan. Walang naging pagbabago sa mga ipinataw na butaw, maliban sa kabayaran sa Gabi ng Anibersaryo. Ito ay nagtaas naman upang mabigyan ang lahat ng isang di malilimutang gabi ng pagdiriwang.

Para sa semestreng ito, naglabas din ang LuPan ng SP shirts, na may official logo na (Salamat LuPaP)! Ang SP shirts ngayon ay tinawag naming #hashtag shirts, na may 3 uri (#hugot, #sparks, #tiwala). Ito ay nakatakdang ilabas sa unang linggo ng Setyembre, at talaga namang inaabangan na ng lahat!

Kasalukuyan na ring humahanap ng sponsors sa ibang naka-linyang gawain ng Bukluran upang mabawasan ang pasanin sa loob ng organisasyon. Nakikipagtulungan tayo sa ibang lupon para sa mas maayos na paglabas at pagpasok ng pera. Para naman sa mga darating pang proyekto ng LuPan: magkakaroon muli ng Papel-Bote drive sa katapusan ng semestre, pinag-iisipan pa ang ibang maaaring IGP ngunit nasa listahan ang solicitation ng myembro, raffle ticket, bake sale, at SP planner. Ang mga ito ay nakalista pa lamang; ang LuPan ay masayang tatanggap pa ng suhestyon mula sa inyo.

Aming ipinapasalamat ang inyong pagdalo sa gabing ito. Akin ding sinisigurado na ang pondo ng Bukluran ay laging mapupunta sa mga proyektong magtataguyod sa mga paninindigan at adhikain ng organisasyon. Dahil ang perang ito ay hindi si LuPan, ito ay sa Bukluran. Maraming salamat!

10

Naging maganda ang simula ng taon para sa Aklatang Virgilio Enriquez sa pamamagitan ng paglilinis kasama ang iba’t ibang organisasyon at pagpapanatili nito sa mga nagdaang buwan. Inaasahang bago magsimula ang susunod na semestre, magkakaroon muli ng AVE Linis.

| LupAkLupon ngAklatan

BT: Rodrigo Cruz

Pagdating sa pagsasaayos ng mga libro at kagamitan sa aklatan, nagtutulungan din ang mga organisasyon sa pagkakatalog ng mga libro upang mailabas na ang opisyal na listahan ng mga iyon. Naghati-hati ng gawain at inaasahang bago matapos ang semestre ay tuluyan na itong naisaayos. Kailangan ding bawasan pa ang mga libro na walang kinalaman sa sikolohiya pagkatapos humingi ng permiso upang ito ay ibenta o i-donate na lang. Hinihintay pa ang pondo na mula sa Euphoria noong nakaraang taon upang maisagawa na ang mga pagsasaayos ng buong aklatan. Ang Buklod pa rin ang nakatalagang magbantay sa AVE tuwing Biyernes. Ibinalik din muli ang pagpapagawa ng Buklod polo shirt sa tulong ng LuPan, na sinuportahan naman ng maraming Kids at Lets. Ito ay naipamahagi sa simula ng linggo ng anibersaryo. Patuloy ang pagtatala ng mga napag-usapan sa bawat GA ng Buklod at pag-aasikaso sa mga reservation at iba pang mahahalagang pangangailangan ng Bukluran. :D

Dati, hindi mo ako mapapalakwatsa nang biglaan sa kung saan-saan. Kung hindi sya nakasulat sa kuwaderno kong Green Apple na nagsisilbing planner ko, pasensya na lang. Ngayon kahit saang lupalop ng Maynila ay handa akong…gumora (walang mas saktong salita para dito!), basta kasama ko ang Buklod.

Dati, hindi mo ako mapapa-overnight kahit saan. Unang overnight ko sa labas ng dorm yung Christmas party sa bahay ni Kuya Viko kung saan bumirit kami nang walang humpay hanggang namalat na lang ang mga lalamunan namin. Feeling ko na noon, napaka-badass ako kasi hindi ako natulog sa dorm.

Ang metamorphosis, kumbaga ni Gabi Timbancaya

11

Dati, hindi ko aakalaing magagawa kong magsakripisyo ng oras, pera, at tulog sa kahit anong hindi dadagdag sa grado ko. GC ako (hindi naman iyon nagbago), pero alam kong hindi nasasayang ang lahat ng iniaalay ko sa Buklod.

Dati, hindi mo ako mapapasulat ng kahit ano sa Filipino kung hindi ito required sa eskuwelahan. Ngayon, heto akong nagsusulat para sa pahayagan natin na Filipino ang pangunahing wikang ginagamit.

Dati, pangarap kong iwan ang Pilipinas at manirahan sa ibang bansa. Habol ko ang banyagang kultura at mataas na sahod. Ngayon, kung aalis man ako ng bansa, para lamang mamasyal nang saglit o mag-aral nang ilang taon. Uuwi at uuwi ako. At gagawin ko ang lahat upang makatulong sa bansa sa kahit anong maging trabaho ko. Dahil mahal ko masyado ang Pilipinas para ipagpalit ito sa iba.

Ang pagbabago ko’y hindi pa tumitigil. Pero wala akong dahilang mangamba, basta ang Buklod ang humuhubog sa akin at kasama ko ring nagbabago. ^_^

Bakit nga ba Buklod? Hindi ako aktibong bata; kung tutuosin, prioridad ko ang humilata at managinip. Hindi ako magaling sa mga tao o sa mga interaksyong sosyal. Kaakibat na nga ng pangalan ko ang mga salitang socially awkward, anti-social at mas madalas sa hindi, kahit pa man walang naniniwala, pati na rin ang salitang mahiyain.

Kaya nagulat na lang ako nang mamalayan kong nasa kalagitnaan na pala ako ng isang app process para sa isang org. Maraming nagsabing isa itong parodya. Kung sanay ka na kasi sa mga aspeto ng kahihiyan, madalas napagkakamalang parodya ang lahat ng iyong gawain. Hindi ‘yun hugot. Fun fact lang. Heto ako, nakikipagsapalaran sa mga dialogo kasama ng mga dapat estranghero ngunit may bahid sila ng pamilyar. Alam ko, tila kontradiksyon: mga estrangherong may bahid ng pamilyar, pero ganun na nga ang pakiramdam. Baka kasi hindi lang kami simpleng estranghero sa isa’t-isa, baka kasi may mga bahid ng tawa at galak na siyang unti-onting bumubura sa mga linyang nararapat pumagitan sa mga estranghero. Baka kasi sa panahong ito, may awa ang tadhana at naisipan nitong biyayaan kami agad ng onting pakikipagkalagayang-loob. Baka kasi may linya ng isang konseptong siyang kumukunekta sa amin - konsepto ng kapwa, diwa ng SP. (ituloy sa pahina 12)

Bata, Bata,Bakit Ka Nangangapa?

Isang diskursong pakapa-kapasa makabagong mundo ng Buklod-Isip

ni Mitch Alcantara

12

(mula sa pahina 11) Posibleng pinapaganda ko lang ang pangyayari, possibleng produkto lamang ito ng tamang timpla ng pagiging-FC (feeling close) pero wag na nating buwagin ang kwento. May elemento na ng poignancy eh. Pero sa totoo lang, ayun siya, hayag siya: ang konsepto ng SP, ang hangaring bumabalot sa dulo ng aking dila noong bago pa lamang ako sa unibersidad—ang hangaring itaguyod at ipaglaban ang isang sikolohiyang malaya at mapagpalaya. Isang hangarin na nabigyang pangalan, hugis at anyo ng app process ko, ng pagtangka kong sumali sa Buklod-Isip. Ang mga diskuro at interaksyong sosyal na naging parte ng aking app process, ang mga SP workshop at expo trip na aking nasalihan, ang siyang nagbigay ng ngalan sa aking panaginip.

Kung kaya’t panandaliang nalimot ko ang aking hiya, isinantabi ko ang pagiging takot ko sa tao at nakinig ako, nakihalubilo ako habang kinikilala ko ang konseptong umukit na ng kanyang lagda sa aking kaisipan noon pa man, lalo na noong nag-108 ako. Lalo kong nakita ang epekto ng nakaraan sa kasalukuyan, lalo na ukol sa lagda ng dayuhan sa ating kasaysayan na isa pa ring suliranin ng bansa at ng kada indibidwal, namalas ko ang malakihang hating kultural, ang kulelat syndrome, ang malungkot na sosyal na realidad. Ngunit kaakibat nito, nakita ko ang prinsipyo, ang mga uri ng pagtulong, ang SP bialng isang paraan ng pagbubuo ng isang kaalamang maaring makatulong sa kondisyon natin ngayon, ang SP bilang isang kilusan na siyang magpapalaganap ng kaalamang ito upang makapagbigay ng boses at kapangyarihan sa mga tauhang natural na karapatan ang magkaboses at kapangyarihan ngunit naisang-tabi dahil sa mga sakit ng lipunan.

Hindi pamilyar sa akin ang proseso ng org, hindi pamilyar sa akin ang mga batas na gumagabay sa interaksyong sosyal, ngunit pamilyar sa akin ang mga prinsipyo at adhikain ng Buklod-Isip, sapagkat ito rin ang mga prinsipyo at adhikain ko noong isa akong musmos na nagliliwaliw sa mga panaginip, sa mga ideyang sabi nila ay wag ko na pagkaabalahan sapagkat bilang iisang musmos, wala rin naman daw akong mapapala dito, Pamilyar sa akin ito, itong diwa na siyang bumabalot sa bawat diskuro sa Buklod, sa isang konseptong bumubura sa konsepto ng estranghero at ginagawa itong kapwa, sa isang hangarin na kay sarap makamit. Ngayong binabalikan ko ang aking mga karanasan, ang aking mga rason sa #bakitbuklod, hindi ko maiaalis ang diwang ito, ang konseptong ito, ang hangaring ito na bagamat basal, bagamat abstract, ay nagagawang salat ng mga tao sa Buklod-isip, nagagawang buo, nagagawang totoo, na bagamat panaginip ay nabibigyan nilang pag-asa makamit.

Alam ko iniisip mo ngayon. “#Medyocheesy na ata, Isa pa itong bagay na maaari mong maidagdag sa pagbabagong naidulot ng Buklod sa akin, nagagawa nito akong cheesy. Nakikipaghalubilo na nga ako sa mga tao dahil dito, halos araw-araw may naalay na akong dignidad at kahihiyan para sa/dahil sa buklurang ito, hindi na malaking bagay ang maging cheesy. Alang-alang sa kabuluhang naibibigay ng Buklod, maliit lamang na bagay ito. Sabi nga nila, nababago ka ng Buklod, nababago ka ng liwanag na napapamalas nito.

13

‘Yan ang huling tanong sa Let’s Propayl naming mga Lets. Isang statement na paulit-ulit kong pinatatakbo sa utak ko para madugtungan at makumpleto. Isang statement na naging tanging laman ng isip ko habang nasa jeep at FX ako pauwi pagkatapos ng Apps’ Orientation, higit isang buwan na rin ang nakakaraan.

Bakit nga ba ako sumali ng Buklod? Sagot ko: dahil alam kong sila lang ang makakapag-feed ng curiosity ko tungkol sa SP.

SP o Sikolohiyang Pilipino. Isang konsepto na pumukaw ng atensyon ko nung mabasa ko ang curriculum naming mga BA/BS Psychology noong freshie pa ako. Isang konsepto ilang beses ring binanggit noong kumuha ako ng Fil 40 last summer. Isang konsepto na isinusulong at tinutulungang lumago ng Buklod.

Pero kung ganun lang naman pala talaga ang habol ko sa Buklod, eh di sana kina-reer ko na lang ng bonggang-bongga ang pagkuha ko ng Psych 108 ngayong sem. O, di hindi pa ako nagpakahirap na mag-app at magpa-sig…

Kaya muli kong tinanong ang sarili ko: bakit nga ba ako sumali ng Buklod?

Simple lang, kasi sa Buklod, ang sasabaw ng mga tao. Sa kahit anong oras, may makakasama ka sa mga wild na trip mo sa buhay. Kapag kasama mo sila, hindi pwedeng hindi ka matatawa o tatawa. Kasi sa Buklod, kapag nakikipag-sig ka sa mga Kids, para ka lang nakikipag-kwentuhan/chokaran sa mga matagal mo nang hindi nakikitang mga kaibigan. Hindi mo mararamdaman na iba sila sa’yo, na isa ka lang hamak na nag-aapply sa org nila. Kasi sa Buklod, matututo ka ng iba’t-ibang bagay. Hindi ka lang matututo sa mga SP Workshops kundi pati na rin sa mga kwentong ibinabahagi ng mga Kids tungkol sa mga naging karanasan nila. Mapapalawak ang tingin mo sa mundo at sa mga bagay na nakapaligid sayo.

Ngunit ang pinaka-importante marahil sa lahat ng dahilan, ay dahil sa Buklod, lahat ng mga ginagawa ay may kabuluhan. Hindi ka nila pagugulungin at patatakbuhin sa Sunken Garden para sa Agawang Buko para sa wala lang. Sa lahat ng ginagawa at mga pinapagawa, may mapupulot at mababaon kang aral at/o alaala na habambuhay mo nang panghahawakan.

At yun marahil ang pinakamahalagang dahilan kung bakit okay lang sa akin ang pumasok ng Lunes at Sabado para sa mga Prod Work at SP Workshops. Kung bakit okay lang mag-stay ng kahit hanggang anong oras para sa mga events na kailangang puntahan.

Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit pinagpapatuloy ko ang pagsali ko sa UP Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino.

#BakitBuklod? ni JustineAzarraga

14

Kids’ survey:Ano ang pinakamasarap balikan na alaala ng

Buklod-Isip sa inyong karanasan bilang Let?

Pagkuha ng mga sig at pagbabasa ng mga inspiring (& hilar) messages mula sa Kids at

mga Bukbok <3Aica Sta. Isabel

Marealize yung congruence ng SP sa app process, kasi andaming kabuluhan ang

mapupulot dun :DJK Costo

Yung sabay-sabay kaming nagpasa ng requirements. Yun kasi yung first time na na-feel ko na part ako sa isang pamilya at, kahit

corny, we’re all in this together. =))Shiela Tamparong

There was this time a bunch of us played laser tag. It was dumb and exhilarating!

Val Borja

Yung mga Buddy Dates everywhere (conquerin’ Binondo and beyond)! Tsaka yung bonding with the Kids noon, especially with

those na grumaduate lang this year. XDVince Maullon

Yung una-una kong nakilala yung mga co-lets ko at kids noon (tapos todo naghihiyaan pa, kaso FC pagkatapos), at unang napamahal sa

SP. :”>>Pochi Gutierrez

Kung paano kami unti-unting nagiging close ng kids at lets. Random moments in time~

Ivy Torres

noong pasahan na ng requirementsUda Lim

Yung sekond sig kasi ang saya na pag-usapan ang SP sa konteksto na labas sa silid-aralan. Sa mas personal naman na aspect, yung una kong

pagsali sa choir, which is Himig! :)Ron Sanchez

LAHAT? Chos! Pero kung meron mang pinakamasarap balikang alaala ng karanasan ko bilang Let, siguro yung Expo Trip, kasi unang beses kong makapunta sa Quiapo

noon (so feeling ko Field Trip sya, haha), at dahil dun ko talaga unang nakita ang SP “in action”. Pangalawa siguro yung Anniv Night,

kasi anniv night yun eh!Ced Adorna

Sigs....nakakatuwang balikan kung paano ako natakot lumapit sa mga kids at kung paano

ako nagkaroon ng mga 1st impressions. ito rin ang mga panahong bilang na bilang ang kilos

mo pati mga sagit mo sa mga tanong nila, dahil baka may masabi at magawa kang mali. Pero ngayon, kita mo naman, kulang na lang magpalitan ng mukha sa sobrang close. :D

Vane Burton

Masarap balikan ‘yong panahon na napagtanto ko (YEHES, ang lalim) na, “Shems. This is it. I’ve finally found the one.” Pero legit, masarap sa pakiramdam na kahit Let pa lang ako noon,

nahanap ko na ang pamilya ko sa UP. :)Carla Buenaflor

Masarap balikan yung rehearsal ng Lets performance kasi nakakatuwa na sobrang

game ng lahat ng colets ko sa pagrehearse ng mga sayaw. <3 you Buklets 11!!!!!!!

Jessel Herradura

15

Yung tuwing pupunta ako sa Buklod (tambayan, AVE o kung san pa man), palagi akong sinasalubong ng mga bati at ngiti. Sobrang sarap sa pakiramdam.

Clarysse Alfonso

Korny, pero ‘yung buong app process ay masarap balikan para sa akin. Mula sa mga pagtambay hanggang 7pm, sa unang overnight sa Viko’s Palace, sa Anniv night, sa interview, sa induction,

at mga random dinners--lahat ay napakamemorable. <3Keeshia Cacdac

Yung mula sa estudyanteng school-bahay lang dahil atat umuwi, umaabotn na ako ng gabi kakatambay dahil ang sarap magpasig sa kids :>

Ian Masangkay

Lets’ survey:Gamit ang mga natutuhan nyo sa Buklod-Isip, paano kayo magbabalik sa bayan sa hinaharap?

Gagamitin ko ang aking kakayahan upang tulungan ang aking mga kababayan tungo sa

pag-unlad ng bayan :)Alyza Panopio

Sa kung ano mang landas ang napagisipan kong kunin, gagamitin ko ang mga

konseptong SP sa aking trabaho, lalo na ang pagkaimportansya ng konteksto. Maging doktor man, mananaliksik o tindera ng

banana-Q aalamin, uunawain at isasama ko sa konsiderasyon ng aking mga kilos ang

konsepto ng aking kapwa. :)))Mitch Alcantara

Magbabalik ako sa bayan sa pamamagitan ng paggamit ng aking mga natutunan sa

aking pag-aaral sa pagpapalaganap ng isang sikolohiyang malaya't mapagpalaya para sa

sambayanang Pilipino.Mica Cordero

Babalik ako sa bayan sa paglilingkod ko sa ikauunlad ng bayan. :))))

Kathy Hingan

Ang paborito kong paraan ng pagbabalik sa baya'y pagbahagi ng kaalaman tungkol sa mga karapata't tungkulin natin bilang

mamamayan.Ethel Pablo

Pag naging doktor na ako, lagi kong uunahin ang kapakanan ng pasyente. Hindi ako manggagamot para lang sa kikitain o sa

ikasisikat ko.Iris Escalada

Magbabalik ako sa bayan sa hinaharap sa pamamagitan ng pananatili sa bansa at sa

tapat at buong-pusong paglilingkod sa kapwa gamit ang aking napiling propesyon. :)

Faith Cuenca

Maglingkod sa mga hindi napaglilingkuran. At maging tulay para marinig ang mga hindi

naririnig at napapansin ng lipunan.Justine Azarraga

16

Balik-balik Din…’Pag May Time

ni Clarysse Alfonso

Simula noong huli akong nagtapos, hindi pa ko nakakabalik sa hayskul ko.

Halos lahat ng mga kasabayan ko, bumisita na uli bilang mga alumni. May mga kakilala sila roon, mga kaibigan. Lahat naman ng mga kaibigan ko ay sa Peyups din pumasok. Sabi sa isang kanta, high school life ang pinakamasaya o kapana-panabik na yugto sa buhay. Pero wala akong katangi-tanging alaala sa apat na taon kong iyon. Masaklap man sabihin, wala akong babalikan.

Ganoon din ang kwento noong magtapos ako ng elementarya. Isang beses lang ako bumalik, dahil kinailangang kunin ang Form 137 ko. Sa aking buhay, halos taon-taon kaming lumilipat ng bahay. Hindi ako nalulungkot. Naiisip ko, ang bawat pagbabago ay bagong simula. Lalo na ngayong nasa UP ako, kung saan nararamdaman kong mas maligaya ako, mas payapa, mas malaya. Narito ako kung saan ko maipagmamalaki ang aking sarili.

Ngunit ngayon, napagtatanto kong hindi na ako makapagsisimula pang muli. Ang tao ay isang papel sa pagkapanganak, at ang bawat alaala at karanasan ay lukot at guhit sa papel na iyon. Ang tangi ko lang ginagawa ay nagbubulag-bulagan sa mga marka, nagmamanhid-manhidan sa mga tupi. Maraming pagkakamali na ang naulit ko—at malamang marami pa sa hinaharap—kung pipilitin kong isipin na ang paglipat sa unibersidad ay tanda ng panibagong ako. Hindi tayo isinisilang muli, tumatanda lang tayo. Natututo. Bumabagsak at bumabangon. Pinatatatag ng mga pagsubok ng panahon. At ang tunay na progresibong pag-unlad ay hindi dulot ng nagbagong kapaligiran, kungdi ng isang pansariling pasya.

Sabi nila, “Ang hindi tumingin sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.” Hindi ako naniniwala roon. Sa aking palagay, mas nararapat sabihing, “Ang hindi makatingin sa pinanggalingan, hindi nakasisigurong may pinaroroonan.” Hindi makasasama kung lahat tayo, lilingon paminsan-minsan. Sinong makakaalam kung paikot-ikot na lang pala tayo? Kung wala tayong takot tumingin sa nakaraan, mas nakasisiguro tayong handa nang tumanaw sa kinabukasan.

Baka dumating din ang araw na babalik ako. ‘Pag may time. ‘Pag di na ko nagkukunwaring may istip nek.