Nancy Eufemia Dalman & Vinita Sangtani North Georgia College & State University
2010 Dalman
-
Upload
lesleigh-ochavillo-manginsay -
Category
Documents
-
view
170 -
download
11
description
Transcript of 2010 Dalman
MAKATOTOHANANG PANGYAYARING NAGAGANAP SA MGA PANGUNAHING TAUHAN SA MGA PILING MAIKLING KWENTO NI
LIWAYWAY A. ARCEO: ISANG PAGSUSURI Pamela G. Dalman
1.0 Panimula Isa si Liwayway Arceo na isang kwentista ang nagpahayag sa isang masining na paraan ng kanyang damdamin, pananaw, kakayahan, kahusayan at kadakilaan. Ang mga panulat niyang maikling kwento ay maihahanay sa masining na likha. Dito naibahagi niya ang kanyang mga karanasan at ang mga pangyayaring makatotohanang nagaganap sa lipunan na ginagalawan. Sa mga akdang ito masasalamin ang sariling buhay upang maging huwaran para sa kabutihang naibabahagi nito sa buhay ng tao. Ang mga makatotohanang pangyayaring ito ay masasalamin sa mga piling maikling kwento ni Liwayway Arceo. Sa mga kwentong sinulat niya ay sinuring mabuti ang mga inilahad na pangyayari at inilarawan sa pamamagitan ng mga ginamit na diyalogo, upang mabigyan ng tamang patunay na ang mga pangyayaring natagpuan sa kwento ay nadarama, nakikita at totoong nagaganap sa kasalukuyang panahon sa ating lipunang ginagalawan. Ang malawak na pagpapakahulugan ng realismo ay “wastong representasyon ng realidad” na maituturing na isang pamaraang pampanitikan na ginagamit ng maraming paaralang sumusulat ng pananaliksik. Inilalahad sa pananaliksik na ito ang mga teorya na ginagamit upang maging gabay sa tinatahak na landasin tungo sa isang matagumpay na pagsusuri. Isa sa mapagkakatiwalaang teorya na natagpuan ng mananaliksik ay ang ibinigay ni Reyes (1992) aniya: Sa pananaw na realismo ay nakapaloob ang paniniwalang may taglay na kapangyarihan ang teksto at ang manunulat ng akda na susuriin ay masalimuot na realidad at gagamitin ang mga ito sa paglikha ng mga akda na sa tingin niya ay representasyon ng realidad. Upang higit na maging makatarungan ang ginagawang pagsusuri ay idinagdag ang teorya mula kay Cassanova (2001) na nagsasabing ang pamaraang realismo ay naglalarawan sa paraang siyentipiko at hindi namimili ng mga bagay na nadarama at napag‐ukulan ng pagmamasid. Inilalarawan ang buhay sa katunayan nito at walang idealismo. Sa teoryang ito, ipinahayag ang paglalarawan ng iba’t ibang kalakaran ng realismo at inilalarawan sa anyong pampanitikan ang kalagayan ng lipunan sa makatotohanang pamamaraan. Sa pamamagitan nito naipakita ang makulay na mundo ng tao. Ang iba’t ibang damdamin ng tao ay nababasa, napapakinggan at ating napapanood sa isang malikhaing batayan ng panitikan. Para naman kay Reyes (1992), ang mas malinaw na doktrina ng realismo ay isang impirikal sa pag‐unawa sa mundo kung saan ipinalalagay na ang panitikan ay nagtataglay ng kapangyarihang hulihin, ilarawan
ang karanasang bumuo ng buhay sa kanyang partikular na kakayahan. Sa pag‐aaral na ito ni Reyes ay nakatutulong upang maging lunsaran para sa mga makatotohanang pangyayari sa mga kwento ni Liwayway A. Arceo. Kinilala ng mananaliksik ang mga makatotohananng pangyayari ayon sa kamalayang sikolohikal, ispiritwal at emosyunal na dulot sa mga pangunahing tauhan. Inilahad din ang mga implikasyon nito sa lipunang ginagalawan sa kasalukuyang panahon. Ang pag‐aaral ay nakatuon sa pagsusuri sa mga makatotohanang pangyayaring inilahad sa mga pagbabagong nakikita sa mga tauhan ayon sa mga kamalayang sikolohikal, ispiritwal at emosyunal sa mga piling maikling kwento ni Liwayway A. Arceo at sa naging dulot na pagbabago sa mga pangunahing tauhan. Ito ay sumasaklaw sa sampung (10) maikling kwento: “Uhaw ang Tigang na Lupa (1943)”, “Ang Nanay ni Iking”, “Ang Buhok ni Pilo”, “Doon sa Looban”, “Kalapati, Ang Tagapayo”, “Iro: Sabungero”, “Sa’n ang Lakad Mo Ngayon, Ma?”, “Ikaw Pala, Misis Brown…Kumusta?” at “Ang Puso Niya ay Isang Rosas”. Ang pananaliksik ay isinagawa ngayong taong 2009‐2010 sa paaralan ng St. Michael’s College, Lunsod ng Iligan. Ang pag‐aaral na isinagawa ng mananaliksik ay naglalayong makapag‐ambag ng impormasyon tungkol sa mga makatotohanang pangyayari na matatagpuan sa akdang pampanitikan na magbibigay gabay sa mga mambabasa. Ito ay makadaragdag sa kanilang kaalaman ng mga guro ng panitikan, makapagbigay ng ideya sa paraan ng pagtuturo. Maragdagan ang kaalaman ng mga mag‐aaral tungkol sa realidad ng buhay. Maipaabot sa kanilang puso’t isipan ang katotohanan ay kailangang maintindihan tungo sa makabuluhang pamumuhay sa lipunang kanilang kinabibilangan. Ang papel na ito ay makatutulong nang malaki sa mga mambabasa upang maunawaan nilang mabuti at maintindihan ang kabuuan ng mga nasusulat na mga maikling kwento. Makapagbibigay ang pananaliksik na ito ng sapat na impormasyon upang lumawak ang kaalaman tungkol sa mga paksang tinalakay ng mataas na paaralan at kolehiyo at makatutulong sa kanilang isasagawang pananaliksik sa mga realismong pananaw na napapaloob sa iba pang anyo ng akda. 2.0 Metodolohiya Gumamit ang mananaliksik ng Pamaraang Palarawan (Descriptive Analysis) at Pangnilalamang Pagsusuri (Content Analysis) sa mga Piling Maikling Kwento. Sinikap ng mananaliksik na matukoy ang mga piling maikling kwento na isinulat ni Liwayway A. Arceo na kasasalaminan ng realismong pananaw, ang realidad na pangyayari na nagaganap na tinataglay ng mga tauhang ginamit ng may‐akda sa kanyang
maikling kwento at upang maipakita ang mga pagbabagong nasasalamin sa mga pangunahing tauhan batay sa mga kamalayang Sikolohikal, Ispiritual at Emosyunal. Sa pamamagitan ng mga pamaraang ito naipakita ng mananaliksik ang paraan ng pagpapahayag sa pamamagitan ng paggamit ng diyalogo at mga sitwasyon kung paano ang mga makatotohanang pangyayari ay nagaganap sa kwento. Nagkakaron ng krayterya ang mananaliksik sa pagpili ng kwentong susuriin. Bago ito ginawa ng mananaliksik kanya munang binasa at pinili ang mga maikling kwento. Ang mga maikling kwento ay isinulat ni Liwayway A. Arceo. Ang mga ito ay nakikitaan ng mga iba’t ibang realidad o mga makatotohanang pangayayari ang mga maikling kwento. May mga diyalogo o mga pangyayari na ginamit ang manunulat upang ipakita ang makatotohanang pangyayari na nagaganap sa mga tauhan ng maikling kwento. 3.0 Paglalahad, Pagsusuri at Pagpapakahulugan Buod ng Maikling Kwento Uhaw ang Tigang na Lupa. Itinuturing na panulukang‐bato ng makabagong maikling kuwentong Tagalog ang akdang ito ni Liwayway Arceo. Ito’y kwento ng isang dalagitang nagkaroon ng mga magulang na kailanman ay hindi niya kakikitaang naglalambingan. Hanggang matuklasan nito na may mahal palang iba ang ama at matagal na nitong inililihim sa pamilya nang mabasa nito ang talaarawan ng ama. Dito nagsimulang magalit ang dalagita sa ama ngunit ang ina sa kabila nang natuklasang pagtataksil ng asawa ay hindi nito ipinakitang siya’y nasasaktan sa harap ng anak. Patuloy pa rin niyang inalagaan ang maysakit na asawa. Ang Nanay ni Iking. Ang kwentong ito ay nauukol kay Iking na nobyo ng dalaga na nagkaroon ng matinding paghanga sa sarili nitong ina. Walang bukam‐bibig ang binata kundi ang kanyang napakabuting ina. Dahil dito ay naramdaman ng dalagang wala nang hihigit pang mahalaga para sa nobyo kundi ang kanyang ina. Kaya may pagkakataong naninibugho siya sa ina nito. Ngunit ang pagiging malapit ng nobyo sa ina ang siyang dahilan upang lubos niyang makilala ang binata at matuklasan kung ano ang gusto at ayaw nitong gagawing pag‐aalaga at pagmamahal sa kanya. Ang Buhok ni Pilo. Ito ay tungkol sa inang natutuwang makita ang anak na labindalawang taon (12) na sa kabila ng pagiging hikahos nito sa buhay ay marunong itong mag‐ayos sa sarili lalo na sa kanyang buhok. Ngunit ang ganda ng pagkakaayos ng buhok nito ay nawala nang minsang mapagtripan ng lasenggong ama nang umuwi itong lasing at gupitin ang buhok nito sa likod ng pagtutol ng asawa at anak. Sa tuwing lasing ang lalaki ay walang magawa ang asawa na pigilin ang ninanais nitong gawin kahit na ikasasama pa ito ng loob ng anak.
Doon sa Looban. Ang kwentong ito ay tipikal na paglalarawan sa buhay sa nayon kung saan isang lugar ang pinagtitipunan ng mga magkakapitbahay ay ang Ponda ni Aling Barang, samut‐saring kwento ang naririnig sa bawat isa. Ngunit ang pinakasentro ng bawat usapan ay ang buhay ni Turne na bukas na aklat para sa lahat. At sa tuwing ito’y nagugutom tanging ang ponda ni Aling Barang ang pinupuntahan upang makakain kahit walang ibabayad. Kalapati. Ito’y kwento sa buhay ng magkaparehang kalapating inalagaan ng mag‐asawang Remy at Tinoy at ng kanilang anak. Inilarawan dito ang pagkakahawig ng tao sa ugali ng kalapati kung pag‐ibig ang pag‐uusapan. Gaya ng nangyari sa alagang mga kalapati nang makakita ng ibang kalapati ang isa ay iniwan ang una at sumama sa iba. Na siyang dahilan upang mawalan ng buhay ang huli dahil hindi na muling nagbalik ang kasama nito. Ang Tagapayo. Ang kwentong ito ay tungkol sa isang manunulat na si Neneng na minsan ay naging tulala at hindi napalagay ang pag‐iisip sa pagsusulat nang pagsabihan siyang hindi na dalaga dahil sa galing nitong magpayo hinggil sa pag‐aalaga ng anak. Dahil dito’y naapektuhan ang kanyang pagsusulat dahilan upang pagsabihan at pangaralan siya ng kanilang patnugot. Dito nalaman ng kanilang patnugot ang hindi magandang hahangarin ng nobyo sa dalaga. Iro; Sabungero. Ito’y nauukol sa isang pamilya na nabubuhay sa pagiging sabungero ng ama at tagapayo ng ilan sa mga sabungerong katulad niya. Walang araw na hindi nagiging magulo ang buong bahay dahil sa bunganga ng maybahay nito na inihahalintulad sa radio na laging nakabukas sa tuwing walang pasok at nandoon ang mga anak na magugulo rin. Sa kanya lahat umaasa ang buong mag‐anak kaya nang bigla itong namatay ganon na lamang ang panlulumo ng lahat. Hindi malaman ng asawa kung ano ang gagawin gayong marami itong naiwang anak at sanay siyang ang asawa ang nagpapalakad sa buong pamilya. Sa’n ang Lakad Mo Ngayon, Ma? Ang kwentong ito ay nauukol sa isang anak na dalaga na si Loly na laging naiiwan sa kanyang yaya Idad dahil laging wala sa bahay ang ina na si Ditas na isang sikat na lider–sibiko at mangangalakal. Maagang naulila sa ama kaya ang yaya na ang kinamulatang kasama sa buhay dahil sa walang panahon sa kanya ang ina. Nakapag‐isip na sumama sa maling barkada at nakilala ang lalaki na siyang dahilan upang malulong ito sa masamang bisyo. At ito rin ang sanhi ng kanyang maagang pagkamatay nang ma‐overdose sa gamot habang nagdadalantao. Hindi natanggap ng ina ang kinasapitan ng anak ngunit huli na ang lahat para magsisi ito. Ikaw Pala, Misis Brown…Kumusta? Ang kwentong ito ay ukol sa dalawang magkaklase na kapwa may pagtingin sa iisang lalaki. Si Lina ang matalino at si Salud ang walang hilig sa pag‐aaral. Si Lina ay naging simpleng guro ngunit hindi nag‐asawa nang malamang ang lalaking minahal niya ay sumama kay Salud na hindi rin nagtagal ang pagsasama. Hindi na pinatawad ni Lina ang binata nang minsang humingi ito ng tawad sa kanya. Habang si Salud ay halos hindi na nakikilala dahil bumata ito at yumaman at nakapag‐asawa na ng kano. Ngunit taliwas ang nangyari sa kanyang inaasahan, si Salud sa kabila ng walang pinag‐aralan ay ito pa ang naging mayaman at masaya sa buhay.
Ang Puso Niya ay Isang Rosas. Ito’y kwento hinggil kay Elsa at sa boss na si Miss Solano na ubod nang sungit, walang nakakasundo at kung tawagin ng kanyang mga kasamahan ay suwangit dahil hindi ito kakikitaan ng kagandahan dahil na rin sa pag‐uugali nito. Biglang nagbago ang lahat nang makilala nito ang Kuya ni Elsa. Ang buong akala ni Elsa ay paaamuin lamang ng kanyang kuya ang dalaga ngunit nagkamali siya dahil umibig na rin ang binata na siyang nagpabago sa boss nito. Sinimulan sa kunwaring pagkagusto ng kuya sa kanyang boss na nagtapos sa totohanang pagmamahalan na hindi niya sukat akalaing humantong sa pagiging tunay na pagmamahalan ng dalawa. Mga Tema ng Maikling Kwento Madalas na Ipinamalas ng Anak ang Pag‐iisip sa Dahilan ng Hindi Pagkikibuan ng mga Magulang. Tahasang inilahad ng anak sa kwento ang kanyang pangungulila sa ama, taliwas sa naging karanasan ng ibang karaniwang anak na naging maganda ang ugnayan ng mga ito sa kanilang mga magulang. Ang pangunahing tauhan ay nakaramdam ng pagkabagot sa buhay. Isang malaking salik ang relasyon ng mga anak sa magulang upang ang mga anak ay magrebelde at napapariwara sa buhay. Hindi maipagkaila na maramdaman ng anak ang pangungulila kung ang mga magulang ay wala nang oras para sa mga anak. Ipinakita ng Anak ang Kanyang Pag‐aaruga sa Amang Nakaratay. Ipinakita ng anak na babae ang pag‐aalala sa kalagayan ng amang may sakit. Sa ginawang ito ng anak, ay naipadama niya sa Ama ang kanyang pagmamahal at pag‐alala sa kalagayan nito. Isa itong makatotohanang pangyayari na ginagawa ng sinumang anak na may pagmamahal sa ama. Na lalong ipinadama ng kahit sinong miyembro ng pamilya ang pagmamahal at pag‐aaruga sa alinmang kapamilya lalo’t ito ay nagkakasakit. Hindi Nakatulog sa Buong Magdamag at Pinaraan ang Gabi sa Pagluha. Pagseselos ang kalimitang nararamdaman ng ina sa tuwing nalalamang ang kanyang binata ay mayroon ng napupusuang dalaga. Kung minsan ay takot ang nararamdaman ng mga magulang na masaktan ang anak sa dahilang mula pagkabata ay ipinakita na sa anak ang pagkalinga at ang pagmamalasakit at higit sa lahat makapili ang anak ng manugang na kanilang maipagmamalaki. Madalas na naging karibal sa puso ng babae ang ina ng lalaki lalo na kung nakikita nito ang labis na pagmamahal ng ina sa nobya o di kaya’y pagpapakita na malapit ito sa isa’t isa. Ito ay tahasang ipinakita ng nobya na kanyang nararamdaman sa ina ng kanyang kasintahan. Laging Sinasaktan ng Asawa sa Tuwing Ito ay Nalalasing. Ang tao ay nagkakaroon ng bisyo, tulad ng pag‐inom ng alak o di kaya ay pagsusugal. Ginagawang dahilan ng mga nagkakaroon ng ganitong bisyo, ang kahirapan para lamang maibsan ang kalagayan at ilagay sa limot ang kalagayan sa buhay. Sa halip na tulungang makabangon sa kahirapan ay lalo pang ibinabaon ang pamilya sa mahirap na kalagayan. Sa ipinakitang ito ng lasenggong asawa ay pati kinabukasan ng pamilya ay unti‐unti nitong pinadidilim.
Naging Tampulan ng Tsismis ng mga Kapitbahay Dahil sa Pagkakulong ng Anak. Ang kaganapang ito ay isang makatotohanang pangyayari sa isang tao sa nagiging bukas na aklat ang buhay sa mga kapitbahay at kakilala. Ganito ang ikinikilos ng mga tao sa kwentong, “Doon sa Looban”, parang bukas na aklat ang buhay ng mga tao. Naging tampulan ng tsismisan sa tindahan ni Aling Barang at ang kasamahan nitong sina Pamboy Barbero, Miyang Huweteng at iba pa. Mababakas ito sa arketipal o ispiritwal na pananaw na bahagi na o bahagi na sa ating kapwa ang makikialam sa buhay ng may buhay. Nakikita ang mga Ikinikilos ng mga Kalapati na May Pagkakahawig sa Tao. Tahasang ipinakita sa kwento na hayop man ay may damdamin ding nasasaktan gaya ng pagkakatulad ng kalapati sa tao. Maraming katangian ang tao na maihahambing sa kalapati. Gaya halimbawa ng pagiging maramdamin at pagiging maselan sa anumang bagay lalung‐lalo na sa kanilang mga inakay. Maliban dito may ugali ang tao katulad ng kalapati kung pag‐ibig ang pag‐uusapan gaya sa naging kalagayan ng kalapati nang makitang may ibang naging tagasuyo ang kapareha nitong kalapati. Katulad ng tao ay may iba’t ibang pagtugon kung paano labanan ang problemang kinasasangkutan ng bawat isa. Gulong‐gulo ang Isipan nang Sabihin ng Nobyong Magsama Muna Bago Magpapakasal. Ang pagbibigay ng isang kapasyahan ay humahanap ng tamang dahilan bago sumuong sa dapat na kalagyan. Nagaganap ang pangyayaring ito kapag nag‐iisip ang tao kung ano ang nilalaman ng kanyang kalooban. Kapag ito ay may makitang dahilan na siyang magiging balakid sa susuonging buhay lalo na sa pagpili ng makakasama sa buhay. Dumarating ang pagkakataong nag‐aalinlangan sa ibibigay na kapasyahan at nagkakaroon ng pagdadalawang‐isip na maaaring makapagbago sa damdamin. Para sa isang babae napakahalaga ang pangangalaga sa dignidad kaya kung ito ay nagkakaroon na ng lamat mahirap ng ituwid ang sarili. Sa larangan ng mga kalalakihan ang pagkakaroon ng asawang birhen ay isang malaking regalo mula sa babaing pakakasalan. Maraming Lumalapit sa Kanya Upang Humingi ng Payo sa Pagsasabong Dahilan Upang Maging Bilib Ito sa Sarili. Ang tao ay may kanya‐kanyang taglay na katangian na maaaring kakaiba o nangingibabaw sa iba. At dahil sa katangiang ito, may mga nagtataglay nito na nagiging hambog at pinapaparangalan sa madla ang naturang kaalaman. Dahil sa hindi matanggap sa sarili na hindi sa lahat ng pagkakataon siya ay tama dahil nagbabago rin ang timplada ng kaisipan, at umaabot sa pakikipag‐away at pakikipag‐alitan, na maliit na bagay lamang siyang pinagmulan ng pagtatalo. Naging Trabaho at Buhay na ang Pagsasabong. Si Pedrong Maglake ay isang ehemplo ng tipikal na Pilipinong naninirahan sa baryo. Isang uri ng karakter na nagpapahiwatig na ang Pilipinas magpasahanggang ngayon ay may natitira pa ring bakas galing sa mga Kastila na isa sa mga ito ay ang interes sa pagsasabong. Si Pedro gaya ng inilalarawan sa kwento ay napapaligiran ng iba’t ibang uri ng tao sa lipunan na pumupunta sa kanya kaya nararamdaman nitong siya ay mahalaga sa lipunang kanyang kinagagalawan. Naramdaman niyang siya’y mahalaga sa likod ng kanyang pagkukulang bilang haligi ng pamilya na dapat magbigay at pumuno sa pangangailangan ng mag‐anak na hindi inaasa kung kailan mananalo sa sugal.
Hindi Nakakasama ang Ina sa Tuwing may mga Lakad na Kailangan ang mga Magulang sa Paaralan at mga Espesyal na Okasyon. Sa mga kabataang napapariwara sa buhay ay madalas nagiging dahilan ay dahil sa mga magulang na laging walang oras para sa mga anak dahil abala sa pagpapalakad ng negosyo at iba pa. Tahasang ipinapakita sa kwento ang mga dapat naging pananagutan ng mga magulang sa anak upang ito ay hindi malulong sa masamang bisyo o mga masasamang barkada lalo na sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Nakadama ng Inggit at Pagseselos Nang Nakipagtanan ang Nobyo sa Iba. Ang pagkainggit sa kapwa ang siyang madalas na dahilan upang ang tao ay hindi magiging masaya sa buhay. Nagkaroon ng pagkaawa sa sarili na hahantong upang hindi magiging makulay ang mundo nito. Ipinakita ng pangunahing tauhan ang kanyang nakatagong damdamin sa kapwa guro dahilan upang mararamdaman nitong siya’y napag‐iiwanan na ng kanyang mga kasamahang guro. Ipinakita sa kwento ang pagpapahalaga sa edukasyon na siyang nagpapabago sa estado sa buhay ng tao. Ngunit marami pa rin sa kasalukuyan ang nahihirapang iangat ang buhay dahil walang panggastos sa pag‐aaral dahil sa hirap ng buhay. Mahigpit sa Kanyang mga Sinasakupan. Gaano man kasungit ang tao may pagbabago rin sa kanyang puso dahil hindi likas na masama ang tao, may taglay at tinatago rin itong kabutihan. Katulad ng pangunahing tauhan sa kwento, hindi niya nakakasundo ang halos lahat na kanyang mga kasamahan sa trabaho. Ngunit dahil may nagpapakita sa kanya ng pagpapahalaga at pagmamahal nagbago rin ang pananaw nito sa buhay at pag‐uugali. Hindi Inaway ang Asawa nang Matuklasang Nagtaksil ito sa Kanya. Sa kwento, tahasang ipinakita ng lalaki ang pagmamahal nito sa kanyang kalaguyo kahit na ito ay nag‐aagaw buhay na. Masakit isipin na mas binibigyang halaga ng isang naghihingalo ang maling pag‐ibig. Bilang isang mabuting kristiyano ang pakikiapid ay isa sa ipinagbawal ng Sampung Utos na siyang ginawang gabay sa buhay ng tao. Ang pangangaliwa ng lalaki o babae man ay laganap na sa ngayon sa lipunan. Hindi lamang sa mga kwento o anumang anyo ng panitikan ito nangyayari kundi sa tunay na buhay. Sa panig naman ng maybahay, likas na sa kulturang Pilipino ang pagiging mapagsilbi sa kanilang mga asawa. Ipinapakita ang Pag‐aaruga sa anak Hanggang sa Paglaki sa Pamamagitan ng Paghahanda ng Paboritong Pagkain at Damit na Isusuot ng Anak. Isang emosyunal at ispiritwal na kalagayan ang ipinapakita sa kwento tulad ng pagkalinga ng isang ina sa anak ay maliwanag na inilarawan. Ang pag‐aarugang ito ng ina ay nakapagdudulot kay Iking ng isang napakagandang adihikain sa kanyang puso na lalong mahalin ang kanyang ina. Ang pagmamahal na ipinakita ng ina ni Iking ay isang magandang halimbawa ng mabuting pag‐aaruga sa mga anak. Sa ipinakitang ito ng ina ay masasabi ng mananaliksik na naging mabuting ina ang nanay ni Iking. Dahil sa pagmamahal at pag‐aaruga ng ina sa anak ay hindi lamang kapakanan ng anak ang iniisip ng isang ina o magulang kundi maging ang pagpili ng babaeng mamahalin ng anak. Pagtawag sa Panginoon sa Gitna ng Paghihirap sa Kamay ng Asawang Lasenggo. Ang pagtawag sa Panginoon lalong‐lalo na sa gitna ng kagipitan ang una at madalas na ginagawa ng tao. Hindi
naihihiwalay ng tao ang pananalig sa Diyos ano man ang estado nito sa buhay. Katulad ng pangunahing tauhan sa kwento sa kung saan ang pagdarasal ang siyang tanging paraan upang maibsan ang takot na nararamdaman. Ginagawang dahilan ng mga nagkakaroon ng bisyo ang kahirapan para lamang maibsan ang kalagayan at ilagay sa limot ang kalagayan sa buhay. Sa halip na tulungang makabangon mula sa kahirapan ay lalo pang ibinabaon ang pamilya sa mas mahirap na kalagayan. Laging Pagsisimba. Isa sa magandang ipinakita sa kwentong “Doon sa Looban” na kahit na puno tayo ng problema at kahirapan sa buhay ay hindi tayo nakakalimot sa Poong Maykapal. Ito ay tahasang ipinakita ng tauhang si Miyang Huweteng na hindi nakalimot magsimba bago pumunta sa pondahan ni Aling Barang. Isa sa ating obligasyong pang‐ispiritwal ay ang pagsisimba at pakikinig sa banal na salita ng Diyos dahil ito ay pinaniniwalaang nakapagbigay ng katiwasayan at katahimikan sa ating buhay. Pagpapahalaga sa Kabanalan ng Kasal. Ang pagmamahalan sa pagitan ng lalaki at babae sa kanilang ugnayan ay nagsimulang mabuo pagkatapos ng kasal at hindi bago nito. Ito ang naging paninindigan ni Neneng at dahilan kung bakit nag‐aalinlangan ito sa nais ng nobyo na silay’y magkaniig bago ang kasal. Tahasang ipinapakita ni Neneng ang pagpapahalaga sa kanyang pagkababae at kahalagahan ng kasal. Ipinakita lamang ni Neneng ang kanyang pagpapahalaga sa kabanalan ng kasal para sa isang babae at ang ipinakita ng nobyo sa kanya ay hindi tunay. Ang tamang desisyon ng tao ang tunay na nagdadala sa tao sa tamang landas na tatahakin kasabay ang pananalig sa Diyos na siyang lubos na nakakaalam kung ano ang tunay na nagbibigay sa tao ng kaligayahan. Lubos na Pagsisisi sa Pagkamatay ng Anak. Sa pagkakataong nanghihinayang ang isang tao sa kanyang mga nagawang kamalian sa buhay, madalas ay nasasabi nitong hindi na pweding ibalik ang nakalipas na siyang nangyari kay Ditas. Nagkulang si Ditas ng panahon upang ipadama sa anak na mahal na mahal niya ito at siya nitong pinagsisihang mabuti. Mahirap mang ibalik ang nakaraan o balikan ang nakaraan ang lubos na pagsisisi at paghingi ng kapatawaran sa Diyos ang pinakamabisang nararapat gawin ng isang taong nagkasala sa kapwa maging sa mahal sa buhay. Ipinapakita ang Mabuting Pakikitungo sa Kapwa. Si Rosendo ang isa sa nagpabago sa damdamin ni Miss Solano dahil sa kanyang mabuting pakikituno sa dalaga. Pinapakita ni Rosendo ang kahalagahan ng mabuting pakikitungo sa kapwa ay nagsasaad ng kagandahang asal. Dahil naniniwala si Rosendo, kaya’t nagbabago rin ang dalaga kapag nakita niyang may nagpapahalaga rin sa kanya. Kung maganda ang pakikitungo sa atin ng mga tao ay walang dahilan upang lagi tayong nagagalit sa lahat ng oras. Ito ang nangyari kay Miss Solano nang naging sila na ni Rosendo ay nagbago na rin ang pakikitungo nito sa mga kasamahan sa trabaho. Laging Nakikitang Abala ang Ama sa Pagsusulat. Tahasang ipinakita sa kwento na kung gaano nangungulila sa pagmamahal ang anak sa magulang. Bukod sa responsibilidad ng mga magulang hindi maipagkakailang ang mga anak naman ay may responsibilidad din. Sagutin nila ang mahusay na pag‐aaral at ang pagtulong sa bahay katulad ng ating pangunahing tauhan kung saan kahit na nagtaksil ang
ama sa ina ay patuloy pa rin nitong minahal at inalagaan ang ama na nakaratay. Marami sa mga magulang ang naging abala sa paghahanap ng magagandang buhay para sa pamilya na kung minsan ay humantong sa kakulangan ng oras upang maipadama sa mga anak na ang ginawa nila ay para na rin sa kanilang kapakanan. Umiiyak at Hindi Nakatulog Buong Gabi nang Malamang May Nobya na ang Anak. Pagseselos ang kalimitang nararamdaman ng ina sa tuwing nalalamang ang kanyang binata ay mayroon ng napupusuang dalaga. Iba‐iba ang naging damdamin ng ina kapag dumarating na sa buhay na ang anak ay natuto nang magmahal. Kung minsan ay takot ang nararamdaman ng mga magulang na masaktan ang anak sa dahilang mula pagkabata ay ipinakita na sa anak ang pagkalinga at ang pagmamalasakit at higit sa lahat makapili ang anak ng manugang na kanilang maipagmamalaki. Sa punto ng mga babae, kung saan halos mararamdaman nito ang pagseselos sa ina ng lalaking kanilang iniibig. Dahil kung minsan may pagkakataong ikukumpara ng lalaki ang pagmamahal ng ina sa pagtrato ng nobya sa kanya na siyang dahilan upang maramdaman nitong hindi siya tanggap. Naghihirap ang Kalooban Dahil sa Asawang Lasenggo. Ang ina ang siyang ilaw ng tahanan habang ang ama ang siyang haligi ng tahanan na siyang pundasyon upang magkaroon ng matibay na pamilya. Sa kwento ipinakita ng ama ang kanyang pagiging mahina. Nadadaig ng kanyang pagiging lasinggo ang mabuting katangiang dapat ipakita sa asawa at anak. Naging mahirap para sa isang ina ang pagtaguyod ng pamilya kung nag‐iisa lamang siyang nag‐aaruga sa anak at pagpapatakbo upang ang buong mag‐anak ay maging matagumpay sa pagdating ng panahon. Ipinapakita lamang sa mga kataga ng isang maybahay kung gaano ang nadaramang paghihirap sa buhay sa piling ng eresponsabling ama na dapat kaagapay niya upang itaguyod nang mabuti ang pamilya. Naghihirap ang Kalooban Dahil sa Utang at Nangyari sa Anak. Isa sa makatotothanang pangyayari ang ipinakita sa kwento ay ang pagiging problemado ni Turne dahil nababaon na ito sa utang. Hindi pa nababayaran ang utang ay uutang na naman. Ang lahat ng ito ay dahil sa maling pamamalakad ng buhay at paggagamitan ng pera. Hindi natin lubos na masisisi si Turne kung bakit lalo itong nagigipit dahil sa maling diskarte sa buhay. Ang labis na paggasta para sa sariling kapakanan at ang maling pagdisiplina sa mga anak ang siyang dahilan kung bakit mas lalong nabaon sa utang si Turne. Nalungkot at Nagalit ang Kalapating Lalaki (may batik na itim sa ulo) nang Makitang Sumama sa iba ang Kasamang Kalapati. Tahasang ipinakita sa kwento na hayop man ay may damdamin ding nasasaktan gaya ng pagkakatulad ng kalapati sa tao. Maraming katangian ang tao na maihahambing sa kalapati. Gaya halimbawa ng pagiging maramdamin at pagiging maselan sa anumang bagay lalong‐lalo na sa kanilang mga inakay. Maliban dito may ugali ang tao katulad ng kalapati kung pag‐ibig ang pag‐uusapan gaya sa naging kalagayan ng kalapati nang makitang may ibang naging tagasuyo ang kapareha nitong kalapati, ito ay napapatunayan sa ipinakita nitong reaksyon ng kalapati. Pagdadalamhati sa Pagkamatay ng Asawa. Hindi tahasang sinabi sa kwento kung ano ang tunay na nangyari kay Pedro at kung ano ang dahilan ng kanyang kamatayan. Upang iiwan sa mga mambabasa kung gaano kasakit kapag ang pinagkukunang lakas ay nawala na sa kanya. Ipinakita ni aling Kadya
ang pagdadalamhati nang mamatay ang asawa nito. Ito ang madalas na nararamdaman ng mga taong iniwan ng kanilang pinagkukunan ng lakas at inspirasyon at kung minsan ay nakakaramdam pa ng kawalan ng interes na mabuhay. Masakit isiping nawala na ang taong siya nating pakpak upang tayo’y makalipad katulad sa naramdaman ni Aling Kadya nang mawala ang asawang siyang sinasandigan ng buong mag‐anak. Nakadama ng Pagkabagot sa Lahat ng mga Gawaing‐bahay. Ang maybahay na nananatili sa tahanan buong maghapon ay kadalasang kakikitaan ng pagkabagot at ugaling di kanais‐nais kaya mahilig magbitaw ng mga maanghang at masakit na pananalita. Lalo na kapag napapaligiran ng mga magugulo at pasaway na mga anak. Nakikita ito sa katauhan ni Aling Kadya na asawa ni Iro Sabungero. Madalas ito ang bukambibig ng mga ina na laging nasa bahay at walang ibang ginagawa kundi ang mag‐alaga ng mga anak, maglinis sa bahay at mag‐asikaso sa asawa. Nakaramdam ng Pagkahiya at Galit nang Matuklasang Nakikianib ang Ina sa Ama ng Nobyo. Nasaktan at napahiya ang pangunahing tauhan sa kwentong “Sa’n ang Lakad Mo Ngayon Ma? Nang matuklasan nitong naging kalaguyo ang ina ng ama ng kanyang nobyo. Bilang isang mabuting kristiyano ang pakikiapid ay isa sa ipinagbawal ng Sampung Utos na siyang ginawang gabay sa buhay ng tao. Sa ispiritual na pananaw ang pakikipagrelasyon ng babae o lalaki sa iba ay labag sa mata ng Diyos at mata ng tao gaya ng sinabi sa banal na aklat. Masakit isipin na ilan sa mga kalaguyo ay naging kasabwat at bahagi ng katiwalian ng ilan sa mga nasa katungkulan. At kadalasan siya pa itong nagtatamasa ng karangyaan at luho sa buhay kaysa tunay na pamilya. Nasaktan ang Damdamin Dahil sa Ginawang Pagtataksil ng Kasintahan. Nahirapan si Linang kalimutan ang mga karanasan sa pag‐ibig nang minsan ay masaktan ng lalaking tanging itinitibok ng kanyang puso. Ang karanasan na ito ang nagtulak upang maging manhid ang puso at naging sarado sa iba pang pagkakataon. Ang masaklap na karanasan sa pag‐ibig ang naging dahilan upang ituon ang kanyang pag‐iisip sa pag‐aaral kaya nakatapos si Lina. Ang sinasabi ng ibang tao ay may malaking epekto upang ang kasalukuyang nararamdaman nito ay magbabago. Katulad ng naging damdamin ni Lina sa kwento kung saan puno ng hinanakit ang naging kapalit ng nararamdamang pagmamahal. Laging Nagagalit at Hindi Marunong Pumuri sa Kakayahan ng Iba. Hindi masyadong pinahahalagahan ni Miss Solano ang panlabas na kaanyuan dahil naniniwala siya na mas higit ang katalinuhan kaysa kagandahan at pag‐uugali ng tao. Dahil sa paniniwalang ito ni Miss Solano ay hindi niya nabibigyan ng pagkakataon ang sarili na makibagay sa mga kasamahan. Pinapahalagahan nito ang angking talino kaysa kagandahan kaya hindi nito pinapahalagahan ang kakayahan ng iba. Sa buhay ng tao ay napakalaki ang nagagawa ng pag‐ibig may mabuti at mayroon ding hindi magandang naidudulot, katulad ng kwento kung saan naging maganda ang nagawa ng pag‐ibig sa buhay ng pangunahing tauhan kung saan nabago ng pag‐ibig ang pangit na ugali nito.
4.0 Konklusyon at Rekomendasyon Ang pag‐aaral na ito ay pinamagatang “Makatotohanang Pangyayaring Nagaganap sa mga Pangunahing Tauhan sa mga Piling Maikling Kwento ni Liwayway A. Arceo: Isang Pagsusuri”. Ang mga makatotohanang pangyayari na natuklasan ng mananaliksik sa kamalayang sikolohikal, ispiritwal at imosyunal ng mga tauhan mula sa maikling kwento ay ang mga sumusunod: Uhaw ang Tigang na Lupa: Makatotohanang Pangyayari: Madalas na ipinamalas ng anak ang pag‐iisip sa dahilan nang hindi pagkikibuan ng mga magulang, Ipinakita ng anak ang pag‐aaruga sa Amang Nakaratay, Hindi inaway ang asawa nang matuklasang nagtaksil ito sa kanya Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Sikolohikal: Nagtataka kung bakit nabibilang lamang sa daliri kung nakikita na magkasama ang mga magulang Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Ispiritwal: Naging mapagkumbaba sa kabila ng ginawang pagtataksil sa kanya Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Emosyunal: Nakadama ng pagkabagot sa buhay Ang Nanay ni Iking Mga Makatotohanang Pangyayari: Hindi Nakatulog sa buong magdamag at pinaraan ang gabi sa pagluha, Ipinapakita ang pag‐aaruga sa anak hanggang sa paglaki sa pamamagiutan ng laging paghahanda ng paboritong pagkain at damit na isusuot ng anak at Umiiyak at hindi nakatulog buong gabi nang malamang may nobya na ang anak. Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Sikolohikal: Naging mainitin ang ulo at nagseselos sa nobya ng anak Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Ispiritwal: Naging isang mabuting ina sa anak Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Emosyunal: Naging matampuhin at madaling nagagalit Ang Buhok ni Pilo Mga Makatotohanang Pangyayari: Laging sinasaktan ng asawa sa tuwing ito ay nalalasing, Pagtawag sa Panginoon sa gitna ng paghihirap sa kamay ng asawang lasinggo at Naghihirap ang kalooban dahil sa asawang lasinggo. Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Sikolohikal: Natuto na itong sumagot sa tuwing nalalasing ang asawa at sinasaktan siya nito
Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Ispiritwal: Laging pagtawag sa Panginoon sa lahat ng oras Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Emosyunal: Naging mas malapit sa anak Doon sa Looban Mga Makatotohanang Pangyayari: Naging Tampulan ng Tsismis ng mga Kapitbahay Dahil sa Pagkakulong ng Anak, Laging Nagsisimba at Naghihirap ang Kalooban Dahil sa Utang at pagkakulong ng anak. Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Sikolohikal: Konsintedor sa masamang ginawa ng anak Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Ispiritwal: Bago dumating sa pondahan ay nakapagsimba na ito Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Emosyunal: Ginawa ang lahat na paraan upang matulungan ang nakakulong na anak Kalapati Mga Makatotohanang Pangyayari: Nakikita ang mga ikinilos ng mga kalapati na may pagkakahawig sa tao at Nalungkot at nagalit ang kalapating lalaki (may batik na itim sa ulo) nang makitang sumama sa iba ang kasamang kalapati Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Sikolohikal: Ginawang halimbawa sa kanilang pagsasama ang katangian ng kalapating hindi mapag‐iisa na laging magkasama sa anumang oras. Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Ispiritwal: Walang nakikitang pagbabago sa kamalayang Ispiritwal Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Emosyunal: Nawalan ng buhay nang hindi na bumalik ang kasamang babaing kalapati Ang Tagapayo Mga Makatotohanang Pangyayari: Gulong‐gulo ang Isipan nang Sabihin ng Nobyo na Magsasama Muna Bago Magpapakasal, Pagpapahalaga sa kabanalan ng kasal at Hindi naipasa sa tamang oras ang mga artikulong isinulat Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Sikolohikal: Naging maingat sa kanyang naging desisiyon Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Ispiritwal: Natotong magpahalaga sa dangal
Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Emosyunal: Naapektohan ang trabaho Iro Sabungero Mga Makatotohanang Pangyayari: Maraming lumalapit sa kanya upang humingi ng payo sa pagsasabong dahilan upang maging bilib sa sarili, Pagdadalamhati sa pagkamatay ng asawa, at Ang mga anak ang pinagbuntunan ng galit sa dami ng trabaho sa bahay. Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Sikolohikal: Laging naniniwalang siya ang tama at Namatay na naiwan ang asawa at mga anak sa kawalan. Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Ispiritwal: Walang Ispiritwal na pagbabago Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Emosyunal: Nakaramdam ng pag‐aaalinlanagan kung kaya pang buhayin ang mga anak ngayong wala na ang asawang inaasahan at Naging mabunganga sa loob at labas ng bahay. Saan ang Lakad Mo Ngayon, Ma? Mga Makatotohanang Pangyayari: Hindi Nakakasama ang Ina sa Tuwing may mga Lakad na Kailangan ang mga Magulang sa Paaralan at mga Espesyal na Okasyon, Lubos na Pagsisisi sa Pagkamatay ng Anak at Nakaramdam ng pagkahiya at galit nang matuklasang Natuklasang Nakikianib ang Ina sa Ama ng Nobyo Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Sikolohikal: Nalulong sa ipinagbabawal na gamot Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Ispiritwal: Nagsisi sa hindi pagbibigay ng oras sa nag‐iisang anak Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Emosyunal: Sumama sa maling barkada at natotong gumamit ng ipinagbabawal na gamot Ikaw Pala Mrs. Brown… Kumusta? Mga Makatotohanang Pangyayari: Nakadama ng pagseselos at Inggit nang nakipagtanan sa iba ang nobyo; Malimit na magkagalit sila ni Salud, Naniniwalang ang mabait ang siyang nagtatagumpay at Mabuting pakikitungo sa kapwa Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Sikolohikal: Lalong pinagbubutihan ang kanyang pag‐aaral at Hindi pinansin ang pambubuska ng kaklasing si Salud Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Ispiritwal: Walang Ispiritwal na Pagbabago
Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Emosyunal: Nanatiling dalaga at hindi na muling umibig pa Ang Puso niya ay isang Rosas Mga Makatotohanang Pangyayari: Mahigpit sa kanyang mga sinasakupan, Mabuting pakikitungo sa kapwa at Laging nagagalit at hindi marunong pumuri sa kakayahan ng iba Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Sikolohikal: Nagbago ng pakikitungo sa kapwa nang malamang may nagpapahalaga rin sa kanya Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Ispiritwal: Naniniwala na ang tao kung nadarama niyang siya ay may halaga rin sa daigdig, hindi lamang bilang tao makalilimutan niya ang mainis at mayamot sa maraming bagay Pagbabagong Dulot sa Kamalayang Emosyunal: Nang dahil sa pag‐ibig ay nagkaroon na ito ng pagkakataong makipagkwentuhan sa mga kasama at marunong nang pumuri sa magagandang nagawa ng iba sa kasalukuyan Napatunayan ng mananaliksik na ang mga maikling kwento na ginamit sa pag‐aaral na isinulat ni Liwayway A. Arceo ay naglalaman ng mga makatotohanang pangyayari, dahil ang natagpuang pangyayari ay nakikita, nararanasan at malinaw na nagaganap sa kasalukuyang panahon. Ipinapakita ni Liwayway A. Arceo kung paano nakipaglaban ang mga tauhan sa agos ng buhay. Hindi naging hadlang ang kahirapan upang ang tao ay hindi mabuhay at lumigaya sa gitna ng kawalan na siya namang ugali na nakikita sa buhay ng mga Pilipino. Kung isipin walang pagkakalayo ang mga pangyayari sa kwento na sinuri ng mananaliksik sa mga kaganapan sa kasalukuyang lipunan na ating ginagalawan. Gaya ng hatid sa atin ng kwentong Iro: Sabungero na naglalarawan sa kulturang Pilipino kung saan ang ilan mga kababayan ay na nalulong sa sugal mayaman man o mahirap. Kagaya rin ng kwentong Ikaw Pala Mrs. Brown…Kumusta ay isang tipikal na paglalarawan sa buhay ng isang babaeng Pilipina kung saan inilarawan kung paano nakipaglaban upang mabago ang mukha ng kanilang buhay. Si Lina na nagpapahalaga sa edukasyon ngunit hindi naging masaya ang buhay dahil nakalimutan nito na kailangan ding pahalagahan ang sarili. Si Salud na nagpakita ng tapang upang hamunin ang kahirapan kahit hindi nakatapos sa kanyang pag‐aaral siya’y naging matagumpay at yumaman sa buhay. Ilan lamang ito sa mga kwento na naglalarawan sa iba’t ibang uri ng tao sa ating lipunan at ang hatid nito para sa mga mambabasa upang maging gabay at kapupulutan ng aral. Rekomendasyon Ayon sa kinalabasan ng pag‐aaral na ito ay nabuo ng mananaliksik ang mga sumusunod na mga rekomendasyon:
1. Inaasahang ang mga akdang isinulat ni Liwayway A. Arceo ay magiging huwaran at instrumento ng mga guro at mga estudyante sa aralin na tumatalakay sa mga makatotohanang pangyayari sa lipunan.
2. Magsagawa ng mga symposiya at seminars na tumatalakay sa mga pamaraang pampagtuturo sa Panitikang Pilipino upang mapaunlad ang kakayahan ng mga gurong nagtuturo ng panitikan.
3. Inaanyayahang magpatuloy ang mga manunulat sa pagsulat ng mga kathang naglalahad at naglalaman ng mga realidad na pangyayari upang ipagpatuloy ang pagyabong ng panitikang Filipino.
4. Pahalagahan at tangkilikin ang mga babasahing nagtataglay ng mga magagandang aral/valyu na nakapalaoob sa Panitikang Pilipino upang maging gabay sa pang‐araw‐araw na buhay.
5. Gamiting lunsaran ang maikling kwento sa pagtuturo ng asignaturang Filipino upang mas lalong magiging makulay at mapagaan ang pagtuturo ng panitikan o anumang aralin at asignatura.
6. Maipasok sa makabagong Teknolohiya ang lahat na mga akda ni Liwayway A. Arceo upang mas marami ang makababasa nito.
7. Maglalagay ng mga karagdagang babasahing pampanitikan sa loob ng silid‐aklatan upang magamit ng mga estudyante at mga guro sa kani‐kanilang aralin.
5.0 Bibliyograpi Mga Aklat Arceo, Liwayway, S. (1991). Uhaw ang tigang na lupa atbp., Loyola Heights, Quezon City, Manila,
Philippines. Casanova, Arthur P. et al. (2001). Panitikang Pilipino, Rex Bookstore. Gonzales, Lydia F. S. (2005). Realismong Pananaw. Holland, Danny, (2007). Reaching teens in their natural habitat. p. 49. Mabanglo, Ruth, S. (2006). Family resource kit ng UH. Manoa Center of the Family. Mag‐atas, Rosario G. (1994). Panitikang kayumanggi pangkolehiyo. Metro Manila 24K, Printing Press. Reyes, Soledad S. (1983). Kritisismo. Shaw Boulevard. Pasig Metro Manila. Reyes, Soledad S. (1992). Kritisismo Mga teorya at antolohiya para sa epektibong pagtuturo ng
panitikan. Pp. 39‐53. Sauco, Teofilo. (1992). Ang magmamani. Manila: Mayon Pub. Co., 1933. Pp. 1‐60.
Mga Tesis Abdul, Junairah A. S. (2008). Realidad sa Nobelang “Banaag at Sikat ni Lope K. Santos: Mindanao State
University. Baybayon, Glorilyn. S. (1995). Pagpapahalagang Moral sa Nobelang Daluyong. Mindanao State
University, Marawi City. Cabana, Grace A. (1999) Ang Kalagayang Realismo sa mga Piling Nobelang Pilipino. Mindanao State
University, Marawi City. Dipatuan, Saima L. (2009). Ang Realsimo sa Nobelang Dugo sa Bukang Liwayway ni Rogelio R. Sikat.
Mindanao State University Marawi City. Jumalon, Rodson, E. (2008). Mga Pagpapahalagang Moral sa mga Piling Maikling Kwento ni Genoveva
Edroza‐Matute. St. Michael’s College, Iligan City. Mangoda, Naifa L. (2007). Realismo sa Nobelang “Daluyong” ni Lazaro Fransico Mindanao State
University, Marawi City. Masbud, Sittie Jalilah D. S. (2005). Ang Realismo sa Nayon at Lunsod ng Nobelang “Anak ng Lupa” ni
Domingo Landicho: Mindanao State University. Mullanida, Pilmore. (1995‐1996). Mga Elementong Historikal sa Nobelang: “Dugo sa Bukang Liwayway ni
Rogelio R. Sicat”. Journal The Encyclopedia of Philosophy, International Edition, New York. American Corporation Vol. 7 (2005). Chua, Anthony T. S. (2009). Philippine Mabuhay, News Malat sa Kabataan. Vol. 17 no. 46 (Nov. 13‐19). Villamin, A.M. (Aug. 2003). On Values Education, Graft and Corruption. Philippine Journal of Education p.
96. Diksyunaryo American Webster Dictionary, National Bookstore. Tagalog English Dictionary, Rex Bookstore.
Internet dr.holmesmargie.www.com.twothousandnine www.teenstoday topicssitemapcharacteristics Pert and Nita Curry.www.ninety and dime.com.2003